Tagalog

Pagtingin sa Pamamagitan ng mga Mata ng Diyos 

Setyembre 13, 2024

Paggunita kay San Juan Crisostomo, Obispo at Pantas ng Simbahan

Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
Mga Pagbasa para sa Biyernes ng Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

Video

“Bakit mo napapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo nakikita ang troso sa sarili mong mata?”  Luke 6:41

Ipinaliliwanag ni Santa Teresa ng Ávila, isa sa mga pinakadakilang manunulat sa buhay espirituwal at mga Pantas ng Simbahan, sa kaniyang obra maestrang espirituwal na “Mga Kastilyong Panloob,” na ang isa sa mga unang hakbang sa landas tungo sa kabanalan ay ang pagkilala sa sarili. Nagbubunga ng kababaang-loob ang pagkilala sa sarili, sapagkat ang kababaang-loob ay ang pagkakaroon lamang ng makatotohanang pananaw tungkol sa iyong sarili. Kapag hindi nakikilala ng isang tao ang kaniyang sarili ayon sa tunay na pananaw ng Diyos, inilalantad niya ang kaniyang sarili sa maraming pagkakamali sa paghatol. Isa sa mga pagkakamaling ito ay ang madaling pagkatuon sa mga inaakala niyang kasalanan ng iba.

Inilalarawan ng sipi ng Ebanghelyo sa itaas ang isang taong lubhang kulang sa pagkilala sa sarili. Bakit? Sapagkat “hindi niya nakikita ang troso” sa sarili niyang mata, na nangangahulugang hindi niya nakikita ang sarili niyang kasalanan. Dahil dito, ipinaliliwanag ni Jesus na ang taong ito ay nakatuon din sa “puwing” sa mata ng kaniyang kapatid.

Kapag sinuri mo ang iyong mga iniisip, ano ang pinakamadalas mong pagtuunan sa buong maghapon? Tapat mo bang sinusuri ang iyong kalooban, na naghahangad na makilala ang iyong sarili gaya ng pagkakakilala sa iyo ng Diyos? O labis na oras ba ang ginugugol mo sa pag-iisip tungkol sa iba, sa pagsusuri at paghatol sa kanilang mga kilos? Mahalagang itanong mo ito sa iyong sarili at sagutin nang tapat.

Ang pinakamainam na paraan upang makilala mo ang iyong sarili ay ang pagmasdan si Jesus. Kapag Siya ang naging sentro ng iyong pansin sa buong maghapon, hindi mo lamang Siya makikilala, kundi makikilala mo rin nang mas tapat ang iyong sarili. Ang pagninilay sa kagandahan at kaganapan ng ating Panginoon ay magkakaroon ng dalawang bunga: ang makilala Siya at ang makilala ang iyong sarili sa pamamagitan ng Kaniyang mga mata. Tutulungan ka rin nitong makilala ang iba ayon sa pagtingin Niya sa kanila.

Paano tinitingnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa iyo? Tinitingnan Niya sila nang may walang-hanggang awa. Totoo na sa katapusan ng bawat buhay, kapag lumisan tayo sa mundong ito patungo sa kabilang buhay, haharap tayo sa ating pansariling paghuhukom ng ating Panginoon. Ngunit habang narito tayo sa lupa, patuloy tayong pinagmamasdan ng Diyos nang may awa. Dahil dito, ang awa ay dapat maging misyon natin sa araw-araw, at dapat nating ugaliing tingnan nang may awa ang bawat tao sa ating buhay.

Pagnilayan mo ngayon ang ating Panginoon. Tumingin ka sa Kaniya, pagmasdan Siya, hangaring makilala Siya, at gawin Siyang sentro ng iyong pansin. Habang ginagawa mo ito, sikapin mong iwaksi sa iyong isipan ang sarili mong mga paghatol sa iba. Hayaan mong ang pagninilay mo sa ating Panginoon ay makatulong sa iyo na hindi lamang Siya makita kundi makita rin ang iba sa pamamagitan ng Kaniyang mga mata. Ugaliin mo ito at mabilis kang susulong sa landas tungo sa kabanalan.

Aking mahabaging Hesus, nawa’y makagawian ko nang may kababaang-loob at katapatan ang pagtitig sa Iyo sa Iyong karilagan at kagandahan. Habang pinagmamasdan Kita araw-araw, tulungan Mo rin akong makita ang aking sarili sa pamamagitan ng Iyong mahabaging mga mata upang lumago rin ako sa kababaang-loob. Alisin Mo po ang lahat ng paghatol sa aking puso upang malaya kong makilala at mahalin ang lahat ng tao gaya ng pagkakilala at pagmamahal Mo sa kanila. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Mahal na Birhen ng mga Hapis
Tradisyonal na dinarasal tuwing Setyembre 7–15

Santo ng Araw – San Juan Crisostomo, Obispo at Pantas ng Simbahan

Hango sa:

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Panalangin para sa Halalan at sa Bansa
Siyam na linggong nobena mula Setyembre 3 – Nobyembre 4

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Pangangaral sa Bundok ni Fra Angelico, mula sa Wikimedia Commons