Setyembre 19, 2024
Huwebes ng Ikadalawampu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon
San Jenaro, Obispo at Martir—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Sinabi Niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Sinabi sa sarili ng iba pang mga kasalo sa hapag, “Sino ba ito na pati mga kasalanan ay pinatatawad?” Ngunit sinabi Niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka nang payapa.” Luke 7:48–50
Ang mapagmahal na mga salitang ito ni Jesus ay sinabi Niya sa isang babaeng makasalanan na dumating nang walang pasabi sa isang hapunan na dinaluhan ni Jesus sa bahay ng isang Pariseo. Hinamak at hinusgahan siya ng Pariseo, ngunit hindi niya ito inalintana. Dahil sa pagsisisi sa kanyang mga kasalanan, pinahiran niya ng pabango ang mga paa ni Jesus at nagpakababa sa harap Niya, binasa ng kanyang mga luha ang Kanyang mga paa at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.
Nagtapos ang pag-uusap sa pagtingin ni Jesus sa babae at pagsasabi sa kanya, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Pansinin ang reaksiyon ng mga kasalo sa hapag. Ipinahihiwatig sa atin ang kanilang mga iniisip. Sinabi nila sa kanilang sarili, “Sino ba ito na pati mga kasalanan ay pinatatawad?”
Ang mga isinilang at lumaki sa pananampalataya ay mula pa noon ay nakauunawa na ang Diyos ay nagpapatawad. Itinuro na ito sa atin noong bata pa tayo, marami tayong natutuhan tungkol dito sa paghahanda para sa Sakramento ng Pakikipagkasundo, at narinig na natin ang mensaheng ito sa iba’t ibang paraan sa buong buhay natin. Ngunit isipin mong sa buong buhay mo ay hindi mo pa kailanman narinig o naranasan ang pagpapatawad ng Diyos, at pagkatapos, isang araw, bigla mo itong naranasan. Isipin kung ano kaya ang nadama ng mga taong ito nang sa kauna-unahang pagkakataon ay masaksihan nila ang pagpapatawad ng mga kasalanan sa Persona ni Jesus habang pinatatawad Niya ang babaeng makasalanang ito. Maaaring medyo nalito sila rito, ngunit marahil, higit sa lahat, nakadama sila ng banal na pagkamangha at paghanga sa ginawa ng Diyos. Nakita nilang pumasok ang babaeng makasalanang ito, nadama nila ang mapanghusga at mapanghamak na saloobin ng mga Pariseo, nakita nila siyang magpahayag ng pagsisisi at pagpapakababa, at pagkatapos ay nakita nilang pinatawad siya ni Jesus.
Namamangha ka ba sa kaloob na kapatawaran ng iyong mga kasalanan at ng mga kasalanan ng iba? O binabalewala mo ang kapatawaran? Ang paghanga at pagkamanghang ipinakita ng mga tao sa pagpapatawad sa mga kasalanan ng babaeng ito ay dapat makatulong sa atin na suriin ang sarili nating saloobin sa awa at pagpapatawad ng Diyos. Kailangan nating patuloy na linangin sa ating kalooban ang gayunding pagkamangha sa awa ng Diyos na nadama ng mga taong ito. Dapat tayong magsikap na huwag kailanman balewalain ang kapatawaran o ituring ito bilang isa lamang pangkaraniwang bahagi ng buhay. Sa halip, dapat natin itong makita bilang pambihira, laging bago, laging maluwalhati, at magpakailanmang pumupukaw ng pagkamangha.
Pagnilayan mo ngayon ang mga salitang ito ng mga unang tagasunod ni Jesus na puspos ng pagkamangha: “Sino ba ito na pati mga kasalanan ay pinatatawad?” Habang ginagawa mo ito, hayaan mong puspusin ka ng Diyos ng pinakamalalim na pasasalamat para sa kapatawarang ipinagkaloob Niya sa iyo. Muling pag-alabin ang iyong pagpapahalaga sa kaloob na ito ng Diyos na hindi mo naman pinaging-dapat, at hayaang ang pasasalamat na iyon ang maging bukal ng iyong patuloy na pagkamangha sa awa ng Diyos.
Aking mapagpatawad na Panginoon, ang Iyong awa at habag sa makasalanan ay tunay na kamangha-mangha. Salamat sa pagmamahal Mo sa akin at sa lahat ng Iyong tagasunod nang gayon kalalim. Puspusin Mo po ang aking puso ng banal na pagkamangha sa Iyong kahanga-hangang awa. Nawa’y lagi akong mamangha sa Iyong pagpapatawad at laging mapuspos ng pinakamalalim na pasasalamat habang nararanasan ko ito sa aking buhay. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Santo ng Araw – San Jenaro, Obispo at Martir
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Mga Panalangin para sa Halalan at sa Bansa
Siyam na linggong nobena mula Setyembre 3 – Nobyembre 4
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa



