Tagalog

Pagpapastol sa Pamamagitan ng Birtud

Mayo 11, 2025
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Taon C)—Linggo ng Mabuting Pastol
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Pangunahing larawan mula sa Adobe Stock
Tampok na larawan mula sa Adobe Stock

Bidyo

Sinabi ni Jesus: “Nakikinig sa aking tinig ang aking mga tupa; kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at hindi sila kailanman mapapahamak. Walang sinumang makaaagaw sa kanila mula sa aking kamay.” Juan 10:27–28

Ang larawan ni Jesus bilang Mabuting Pastol ay malapit sa ating puso. Maraming pintor ang naglarawan sa kaamuan ni Kristo habang inaakay Niya ang Kanyang mga tupa o pinapasan sa Kanyang mga balikat ang isang korderong naligaw. Inihahain sa atin ang larawang ito ngayon sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Mabuting Pastol.

Sa maikling sipi ng Ebanghelyo natin ngayon, kinausap ni Jesus ang ilan sa mga Judio na nagtatangkang hulihin Siya sa Kanyang pananalita. Bago ang siping ito, tinanong nila Siya, “Hanggang kailan mo kami iiwan sa pag-aalinlangan? Kung ikaw ang Mesiyas, sabihin mo sa amin nang malinaw.” Dito ay tumugon si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit hindi kayo naniniwala.” Ganito ang sagot ni Jesus sapagkat ang mga nagtatanong sa Kanya ay hindi naman tunay na nagnanais malaman kung Siya nga ang Mesiyas. Sa halip, nais nilang paratangan Siya ng pamumusong. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus na naipahayag na Niya sa kanila kung sino Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa: “Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin.”

Nakikita mo ba ang mga gawa ng Diyos sa iyong buhay? Kung oo, mahalagang maunawaan na ang mga gawa ni Jesus ay isa sa mga pangunahing paraan ng Kanyang pakikipag-usap sa iyo at pag-akay sa iyo bilang iyong Pastol. Tiyak na nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita na inihahayag sa Banal na Kasulatan at sa mga turo ng Simbahan. Ngunit nangungusap din Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Kabilang sa maraming gawa ng Diyos sa iyong buhay ang pagkilos ng biyaya na nagbibigay sa iyo ng kakayahang lumago sa birtud. Kaya mahalagang pansinin ang mga paraan ng paglago ng birtud na sobrenatural sa iyong buhay. Halimbawa, nakikita mo ba sa iyong sarili ang katapangan sa harap ng takot? Kung gayon, ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos sa pamamagitan ng paglago ng birtud na ito? Nakikita mo ba sa iyong sarili ang isang kakayahang magpatawad sa kapwa na higit sa likas mong kakayahan? Kung gayon, ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos sa pamamagitan ng paglago ng birtud na iyon? Nakikita mo ba ang paglago ng birtud ng kabanalan, na nagiging dahilan upang higit mong pahalagahan ang iyong buhay-panalangin? Kung gayon, ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos sa pamamagitan ng paglago ng birtud na ito?

Ang pagkilatis sa kalooban ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng kakayahang marinig ang Kanyang tinig at sumunod sa Kanya. At isa sa pinakamabubuting paraan upang makilatis ang kalooban ng Diyos ay ang pagtingin sa mga paraan ng Kanyang pagkilos sa iyong buhay. Kung saan nakikita mong lumalago ang birtud, naroon ang kalooban ng Diyos at tinatawag ka Niyang lumago sa aspetong iyon. Sa kabilang banda, kung may isang bagay sa iyong buhay na umaakay sa iyo sa kasalanan at, dahil dito, nagpapahina sa birtud, ito rin ay tinig ng Diyos na nagsasabi sa iyong iwasan ang mga bagay na ito. 

Pagnilayan mo ngayon ang mga pagkilos ng Diyos na maaari mong mapansin sa iyong buhay. Bagaman malinaw na nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang inihayag na Salita, nangungusap din Siya sa atin at pinapastulan tayo sa pamamagitan ng Kanyang paghipo sa ating mga kaluluwa na maaari nating makilatis. Kung saan nakikita mong lumalago ang birtud, doon mo matatagpuan ang kalooban ng Diyos. Kung saan nakikita mong humihina ang birtud, hindi mo matatagpuan ang kalooban ng Diyos. Makinig ka sa Diyos habang nangungusap Siya sa iyo sa ganitong paraan upang marinig mo ang Kanyang tinig, sumunod sa Kanya, at tumanggap ng buhay na walang hanggan.

Panginoon kong naghahayag ng Iyong sarili, nangungusap Ka sa akin araw at gabi, at tinatawag Mo akong sumunod sa Iyo bilang aking Pastol. Matutuhan ko nawang makilala ang Iyong tinig habang nangungusap Ka sa akin sa sari-saring paraan upang mas handa akong sumunod sa Iyo saan Mo man ako akayin. Jesus, aking Mabuting Pastol, nagtitiwala ako sa Iyo.

Habemus Papam! Isang Panalangin para kay Papa Leon XIV

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Panalangin sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Opsyon sa Pagbasa sa Misa


  Subscribe to our YouTube channel  
  to be notified about new content.