Tagalog

Huwag Matisod sa Ating Panginoon

Miyerkules, Disyembre 14, 2016

Mga Pagbasa para sa Miyerkules ng Ikatlong Linggo ng Adbiyento

San Juan ng Krus, Pari at Doktor ng Simbahan – Paggunita

At sumagot si Hesus sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakita at narinig: muling nakakakita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, nalilinis ang mga may ketong, nakaririnig ang mga bingi, muling binubuhay ang mga patay, at ipinahahayag sa mga dukha ang mabuting balita. At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.” Lucas 7:22-23

Tinutukoy rito ni Hesus ang mga “bulag, pilay, may ketong, bingi, patay at dukha.” Ipinakikitang pinagpapala ang bawat isa sa kanila sa pamamagitan ng ministeryo ni Hesus.

Habang papalapit ang Pasko, dapat nating patuloy na suriin ang ating kahinaan. Dapat nating makita kung paanong tayo rin ay bulag, pilay, may ketong, at iba pa. Siyempre, ang mga karamdamang ito ng katawan ay tumutukoy sa isang bagay na higit na malalim. Tinutukoy ng mga ito ang mga karamdamang espirituwal na nararanasan nating lahat.

May isa pang sinabi si Hesus na kapansin-pansin. Sabi Niya, “At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.” Bakit kaya tayo matitisod kay Hesus? Ano ba ang ibig sabihin nito?

Lubos na tuwiran at tapat si Hesus. Sa katunayan, malinaw na wala Siyang sinasabi kundi ang dalisay na katotohanan. Ang mahirap ay maaari tayong masaktan kung minsan sa katotohanan. Maaari tayong mamuhay na ang akala natin ay malusog at nasa mabuti tayong kalagayan sa espirituwal na buhay. Dahil dito, baka isipin nating hindi natin kailangan ang katotohanang naparito si Hesus upang ipangaral. Kung gayon, kapag naharap tayo sa sarili nating kasalanan o sa anumang katotohanang mahirap para sa ating tanggapin, maaari tayong matisod kay Kristo.

Pagnilayan mo ngayon kung gaano ka kabukas sa buong katotohanan ng Ebanghelyo. Handa ka ba at kusa bang makikinig sa lahat ng ipinahahayag ni Hesus? Handa ka ba at kusa bang tatanggapin ang buong Ebanghelyo sa iyong buhay? Gawin mong panahon ang Adbiyento upang patatagin ang iyong pasiyang pakinggan at sundin ang lahat ng nais sabihin sa iyo ng ating Panginoon. At kung mapansin mong may anumang bagay na “kinatitisuran” mo, alamin mong malamang na iyon ang bahagi ng iyong buhay na pinakakailangan mong pagsikapan.

Panginoon, tulungan Mo akong patuloy na ihanda ang aking puso para sa Iyo ngayong panahon ng Adbiyento. Tulungan Mo akong makinig sa Iyong Salita at sundin ang lahat ng sinasabi Mo. Nawa’y sundin Kita sa lahat ng bagay at higit sa lahat, at huwag nawa akong matisod kailanman sa Iyong Salita. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan din: Pang-araw-araw na Pagninilay sa Banal na Awa


BAGO!

Pagnilayan ang isipan at puso ng ating Mahal na Ina!

40 Araw sa Paanan ng Krus

40 Araw sa Paanan ng Krus:
Isang Sulyap ng Pag-ibig Mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina