Linggo, Enero 29, 2017
Mga Pagbasa para sa Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon A
“Mapapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila.” Mateo 5:4
Inaanyayahan tayo ng mga Pagpapala tungo sa pinakamataas na antas ng kabanalang maaari nating marating. Hindi lamang ang mga ito mga utos na nagbabawal sa ating magkasala; mga paanyaya ang mga ito na mamuhay sa antas na hindi natin maaabot sa sarili nating kakayahan bilang tao. Mga panawagan ang mga ito tungo sa tunay na kabanalan.
Ang Pagpapalang sinipi sa itaas ay isang malinaw na halimbawa ng mataas na panawagan sa atin kay Kristo. Sinasabi ni Hesus na mapalad ang nagdadalamhati. Sa simula, baka mahirap itong maunawaan. Bakit magiging mabuti ang magdalamhati at makadama ng lungkot?
Ang kalungkutan o pagdadalamhating Kristiyano ay angkop at mabuting tugon sa maraming sitwasyon sa buhay. Lalo na sa harap ng kasalanan, trahedya at pasakit, banal na pagdadalamhati ang nararapat nating tugon. Ang pusong marunong makiramay ay nakakakita sa kasalanan o pasakit ng kapwa at nakikibahagi sa kanyang pagdurusa nang may tunay na pag-ibig at habag.
“Mapalad” ang taong nakadarama ng ganitong banal na pagdadalamhati, sapagkat ito ang nag-uudyok sa atin na magmahal. Ang tunay na pagdadalamhati ay isang paraan ng pagpapakita ng awa at malasakit sa kapwa. Sa ganitong pagdadalamhati, lumalago sa kabanalan ang taong nagdadalamhati.
Pagnilayan mo ngayon ang sarili mong kakayahang makiramay nang buong puso. Pagnilayan mo kung ano talaga ang tugon mo sa kapwa. Halimbawa, kapag nakikita mo ang isang taong nabibitag sa buhay na puno ng kasalanan, paano ka tumutugon? Basta mo na lang ba siyang hinuhusgahan at kinokondena? O pinauunlad mo ba ang habag at awa sa iyong puso? Hayaan mong lumalim ngayon ang iyong banal na pagdadalamhati, at sa gayon ay lalago ka sa kabanalan. Habang lumalago ka sa kabanalan, makikita mo ang saganang pagpapalang ipinagkakaloob sa iyo.
Panginoon, dalangin kong maisabuhay ko ang lahat ng Pagpapalang itinuro Mo sa amin. Higit sa lahat, dalangin kong lalo pang matutong makiramay ang puso ko sa mga nasasaktan, nalilito at nabibitag sa buhay na puno ng kasalanan. Habang lumalalim ang aking banal na pagdadalamhati para sa kanila, nagpapasalamat ako sa Iyo sa mga pagpapalang ipagkakaloob Mo sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.




