Tagalog

Huwag Mag-alala Tungkol sa Pera

Linggo, Pebrero 26, 2017

Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon A

Mga Santo para sa Araw na Ito

luke_banks_2

Huwag kayong mag-alala tungkol sa bukas; ang bukas na ang bahala sa sarili nito. Sapat na sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.  Mateo 6:34

Kung susundin lamang sana natin ang mga salitang ito!  Huwag kayong mag-alala tungkol sa…  Ikaw ang dapat pumuno sa puwang na minamarkahan ng tatlong tuldok.  Ano ba ang inaalala mo?

Inilalahad sa buong sipi ng Ebanghelyo ngayon ang mga bagay na inaalala natin gayong hindi naman natin dapat ikabahala ang mga ito.  Partikular nitong tinutukoy ang mga alalahanin natin sa mga materyal na pangangailangan.  Tuwirang sinasabi ni Hesus na hindi tayo dapat mag-alala tungkol sa pera at sa lahat ng naibibigay nito.  Higit Siyang nagmamalasakit sa atin kaysa sa mga ibon sa himpapawid o sa mga bulaklak sa parang, gayong lubos Niyang inaalagaan ang mga ito.  Hindi ba Niya tayo aalagaan din?  Tiyak na aalagaan Niya tayo.

Sa Ebanghelyong ito, tuwirang sinasabi ni Hesus na hindi mo maaaring paglingkuran kapwa ang Diyos at ang pera.  Sa madaling salita, hindi maaaring kapwa sa Diyos at sa pera nakatuon ang iyong paghahangad at pananabik.

Kapag ginagawang sentro ng buhay ang pera, nahahadlangan ang pagtitiwala natin sa pagkalinga ng Diyos.  Tiyak na hindi tayo dapat mamuhay nang pabaya sa pagtugon sa mga pangangailangan natin at ng ating mga mahal sa buhay.  Tungkulin nating magtrabaho at kumita upang matustusan ang ating sarili at ang ating pamilya.  Ngunit iba ang pagiging masipag at responsable ayon sa kalooban ng Diyos.  Iba naman ang labis na pag-aalala o ang paggawang sentro ng ating buhay ang pera.

Ang simpleng sagot sa pag-aalala tungkol sa pera ay pagtitiwala.  Magtiwala ka sa Diyos na aalagaan ka Niya.  Manalangin ka, makinig sa Kanya, hayaang ipakita Niya sa iyo ang Kanyang kalooban tungkol sa iyong pagkakakitaan, at saka buong tiwalang gawin ang naririnig mong ipinagagawa Niya sa iyo.  Kung minsan, maaaring kapusin ka sa pera.  Ang mga sandaling ito ay maaaring maging dahilan ng pag-aalala at pagkabalisa, o dahilan upang lalo kang magtiwala at magpasakop sa Diyos.

Tiyak na hindi nangangako ang Diyos na payayamanin ka Niya sa mga materyal na bagay.  Maaaring mangyari ito o hindi, at sa katunayan, hindi ito gaanong mahalaga sa Diyos.  Ang mahalaga, mayaman ka man o mahirap, ay magtiwala ka sa Diyos at ipagkatiwala mo sa Kanya ang iyong pananalapi.  Kung marami kang pag-aari, tiyakin mong iniaalay mo ito sa Diyos araw-araw at hinihiling mo sa Kanya araw-araw na gabayan ka sa paggamit ng iyong kayamanan.  Kung kakaunti ang mayroon ka, huwag kang padala sa takot kundi magtiwalang alam ng Panginoon ang mga pangangailangan mo at ipapakita Niya sa iyo kung paano matutugunan ang mga ito.

Pagnilayan mo ngayon kung gaano kadalas mong ipinauubaya sa Diyos ang iyong pananalapi.  Handa ka bang lubusang ipaubaya sa Kanya ang bahaging ito ng iyong buhay?  Kung handa ka, makalalaya ka sa malaking bigat ng kalooban.

Panginoon, ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang aking pananalapi at mga materyal na pag-aari. Ipinauubaya ko ang mga ito sa Iyong pag-aaruga at pagkalinga.  Palayain Mo po ako sa walang saysay na pagkabalisa at pag-aalala, at tulungan Mo akong panatilihin Ka sa sentro ng aking buhay.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Panalangin para sa Mabungang Kuwaresma

Higit Pa>>>