Linggo, Enero 21, 2018
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
Santa Ines, Birhen at Martir – Paggunita

Dumating kay Jonas ang salita ng PANGINOON: “Humayo ka patungo sa malaking lungsod ng Ninive at ipahayag mo roon ang mensaheng sasabihin ko sa iyo.” Kaya naghanda si Jonas at nagtungo sa Ninive, ayon sa utos ng PANGINOON. Jonas 3:1-3
Si Jonas ay isa sa pinakamamahal na mga propeta sa Lumang Tipan. Bakit kaya? Marahil dahil sa kamangha-manghang kuwento kung paano siya nilamon ng isang balyena. Nakapupukaw ito ng imahinasyon at parang kuwento ng engkanto. Maganda at nakaaaliw itong kuwento!
Ngunit baka madali nating makalimutan kung bakit nilamon ng balyena si Jonas. Narinig niyang tinatawag siya ng Diyos sa isang partikular na misyon sa buhay, pero tumakbo siya nang buong bilis sa kabaligtarang direksiyon. Ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para umiwas sa kanyang bokasyon. Ngunit hindi tumigil ang Diyos. Sa huli, nanaig ang Diyos at nagpunta si Jonas sa Ninive upang mangaral. Ang pinakamaganda sa lahat, nakinig sa kanya ang mga taga-Ninive at nagbago ng buhay! Sa huli, nagbunga nang malaki ang pangangaral ni Jonas.
Isipin mo kung ano kaya ang nangyari kung nakinig na lamang si Jonas sa Diyos sa simula pa lang. Marahil ay mas maikli sana ang kuwentong iyon na parang isang kuwentong-bayan, pero tiyak na naiwasan sana ni Jonas at ng iba pa ang labis na pagkabalisa. Hindi na sana niya naranasan ang malakas na bagyo sa dagat, ang galit ng mga tauhan ng barko, ang dalamhati nang ihagis siya mula sa barko, at ang pagkakakulong sa tiyan ng balyena sa loob ng tatlong araw na iyon. Naiwasan sana ang lahat ng ito kung nakinig na lamang si Jonas sa Diyos sa simula pa lang.
Gayunman, kawili-wili at may maituturo rin sa atin ang pagtingin sa kuwento mula sa ibang pananaw. Ang totoo, pinagdaanan nga ni Jonas ang lahat ng paghihirap na ito. At bagaman matutukso tayong husgahan at sisihin siya dahil dito, makabubuting mag-ingat tayo. Bakit? Sapagkat posibleng may dahilan ang Diyos sa pagpapahintulot kay Jonas na pagdaanan ang mga pagsubok na ito. Posible talaga, at baka nga mas malamang, na bahagi ng karunungan ng Diyos ang pagpapahintulot na sa simula ay salungatin ni Jonas ang kalooban Niya. Bakit kaya ito ginawa ng Diyos? Malamang na para sa ating kapakanan, upang maging isang mahalagang halimbawa sa atin si Jonas. Tila malinaw na isa sa mga pangunahing aral ng buhay ni Jonas ay ito: hindi tumitigil ang Diyos sa pagmamahal sa atin, at hindi Siya tumitigil sa pagtawag sa atin na buong pusong tanggapin ang Kanyang kalooban. Kaya nagiging makahula ang buhay at mga ginawa ni Jonas at nagtuturo sa atin ng isang mahalagang aral.
Hindi sumusuko ang Diyos sa atin. Hindi Niya tayo basta itinatapon sa sandaling tumalikod tayo sa Kanya. Sa halip, lalo lamang tumitibay ang Kanyang pasiyang hanapin tayo kapag itinatatwa natin Siya. Ginagamit Niya ang ating pagkawasak, kawalan ng tibay ng loob, mga pagkukulang at kahinaan para sa Kanyang kaluwalhatian at sa Kanyang ganap na plano.
Pagnilayan mo ngayon kung pinanghihinaan ka ng loob sa buhay at kung pakiramdam mo ay nabigo kang sundin ang kalooban ng Diyos para sa iyo. Kung gayon, malinaw ang mensahe ni Jonas. Huwag kang sumuko. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi isinusuko ng Diyos ang plano Niya para sa iyo, at hindi Siya nawawalan ng pag-asa. Sa huli, baka matuklasan mong ang mga bahagi ng buhay mo na tila pinakamabigat mong pasanin at pinakamalaking hadlang ay lubos na mababago ng biyaya ng Diyos, at sa mga iyon mismo mahahayag ang Kanyang kaluwalhatian!
Panginoon, hindi Mo ako kailanman sinusukuan. Hindi Ka kailanman nawawalan ng pag-asa. Bigyan Mo ako ng biyayang magbago, makinig, at tumugon. Gamitin Mo ang aking kahinaan at pagkawasak, at hayaang magningning sa mga ito ang Iyong lakas at biyaya.
Santo sa Araw na Ito – Santa Ines



