Tagalog

Kapiling si Jesus sa Pag-iisa

Linggo, Hulyo 22, 2018

Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B

Mga Pagbasa Ngayon

Santa Maria Magdalena – Kapistahan

“Halikayo sa isang ilang na lugar, na kayo lamang, at magpahinga nang sandali.”  Marcos 6:31a

Maaaring higit nating kailangang marinig ang paanyayang ito kaysa sa inaakala natin. At marami ang nahihirapang tanggapin ang paanyayang ito ni Hesus. Ngunit tanggapin mo ito bilang paanyaya ng ating Panginoon na tuwirang iniaalok sa iyo. Pakinggan mo ang sinasabi Niya sa iyo: “Anak Ko, halika, pumunta kang mag-isa sa isang tahimik na lugar na walang tao at magpahinga sandali.”

May dulot na malalim na paghilom at tulong ang katahimikan at mga sandali ng pag-iisa.  May kung anong taglay ang katahimikan at pag-iisa na nagbibigay-daan upang muli nating maituon ang ating pansin sa mahalaga.  Madalas tayong natatabunan ng kaabalahan sa buhay.  Ang “kaabalahan” ay madalas na paraan ng diyablo upang unti-unti tayong manghina at maligaw ng landas.  Inilalayo tayo nito sa banayad, malinaw, at nakapagpapanibagong tinig ng Diyos.  Kaya sa anong paraan ka inaanyayahan ng Diyos na lumayo muna, mapag-isa, at magpahinga?

Sa puso ng paanyayang ito ay ang pananabik ni Hesus na makapagpahinga tayo mula sa mga pasaning hindi naman natin kailangang dalhin. Totoong maraming mabubuting bagay na ipinagagawa sa atin ng Diyos na maaaring makaubos ng ating lakas. Ngunit hindi masama ang “banal na pagkapagod” na ito. Sa katunayan, ang “pagkaubos ng lakas” sa pagtupad sa kalooban ng Diyos ay nagpapalalim ng ating pananampalataya at pumupuspos sa atin ng kagalakan. At ang kagalakang iyon ang nagpapagaan ng ating pasanin.

Ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan nating “lumayo muna” at “magpahinga” ay ang pagkakaroon ng maraming bagay sa buhay na hindi bahagi ng kalooban ng Diyos.  Ito ang mga pasaning ipinapataw natin sa ating sarili kahit hindi naman kailangan.  Higit sa anupaman, ang mga pasaning ito ang kailangan nating mapagpahingahan.

Ang paglayo muna sa iba upang makasama si Hesus nang kayong dalawa lamang ay isang paraan para maituon mong muli ang iyong pansin at maisantabi ang mga bagay na nagpapagulo sa buhay. Paraan din ito upang makawala tayo sa mga biglaang bugso ng damdamin at mga nakasanayang gawain na naglalayo sa atin sa kalooban ng Diyos na nagdudulot ng kagalakan. Kaya pag-isipan mo ang paanyayang ito. Isipin mo kung paano mo ito maisasagawa. Makapaglalaan ka ba ngayon ng kahit sampung minuto para humanap ng katahimikan at makapagpahinga sa mga bisig ni Hesus?

Pagnilayan mo ngayon kung gaano ka kahanda at kung gaano mo nais tanggapin ang paanyaya ni Hesus na lumapit at magpahingang kasama Niya at sa Kanya. Mangako kang gagawin mo ito. Magpasya kang humanap ngayon ng panahong mapag-isa. Sa sandaling iyon ng pag-iisa, hanapin mo ang payapa, banayad at halos di-marinig na tinig ng Diyos. Hayaan mong ang katahimikan at kapayapaan ng piling ng Diyos ay luminaw sa iyo kung ano ang dapat mong pagtuunan ng pansin sa gitna ng iyong abalang buhay.

Panginoon, tulungan Mo akong marinig ang pagtawag Mo sa akin na maglaan ng panahon para sa pahinga at kapayapaan. Tulungan Mo akong hanapin Ka at tanggapin ang Iyong banayad na paanyaya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit Pa>>>

Santo ng Araw – Santa Maria Magdalena