Tagalog

Pagbubulong sa Kalooban

Linggo, Agosto 12, 2018

Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B

Basahin ang mga pagbasa para sa araw na ito

Santa Jane Frances de Chantal, Relihiyosa – Opsiyonal na Paggunita

Nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol kay Jesus…Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong magbulung-bulungan.”  Juan 6:41&43

Si Jesus ang pinatutungkulan ng mga tsismis, pangungutya, pagmamaliit, at iba pa.  “Nagbulung-bulungan” sila tungkol sa Kanya.  Kay hangal ng ginawa ng mga taong iyon.

Sa sipi sa itaas, inilahad ni Hesus ang isa sa Kanyang pinakamaluwalhati at pinakamalalim na mga turo. Ipinagpatuloy Niya ang Kanyang pagtuturo tungkol sa Kabanal-banalang Eukaristiya, ang Kaloob ng Kanyang Katawan at Dugo bilang Tinapay ng Buhay. Sinabi Niya, “Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit; ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman para sa buhay ng sanlibutan.” Nang marinig nila ang turong ito, nagbulung-bulungan sila tungkol sa Kanya.

Muli, kay hangal ng ginawa ng marami noong panahong iyon.  Ngunit nakalulungkot na nangyayari pa rin ito sa iba’t ibang paraan ngayon.  Tuwing Linggo (at araw-araw kung kaya natin), binibigyan tayo ng pagkakataong tanggapin ang Katawan at Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos ng Mesiyas, ang Hari ng mga Hari, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan, ang Lumikha, ang Makapangyarihan sa lahat at Maluwalhating Diyos!  Ngunit ano ang ginagawa ng napakarami sa atin?  Dumadalo tayo sa Misa nang walang interes, wala sa isip, at mas abala sa pag-iisip ng ating gagawin mamaya kaysa sa ating ginagawa sa Banal na Misa.

Ito ay isang nakalulungkot na katotohanang kailangang ituwid.  “Kung nauunawaan lamang natin ang kaloob ng Banal na Misa, mamamatay tayo kaagad dahil sa pag-ibig,” sabi ni San Juan Vianney.  Nauunawaan mo ba ang Misa?

Ang pagbubulong tungkol sa turo ni Hesus sa Eukaristiya ay hindi lamang nangyayari sa mga salitang binibigkas natin. “Nagbubulong” tayo sa ating kalooban tungkol kay Hesus kapag hindi natin nauunawaan, tinatanggap at isinasabuhay ang maluwalhating kaloob na ito. Ang pagbubulong ay kawalan ng ganap na pananalig sa kaloob na ito at ng buong-pusong pagtanggap dito. Maaaring wala tayong binibigkas na reklamo, ngunit baka mapansin nating nagbubulong tayo sa ating kalooban sa diwang kulang ang ating interes sa Mahalagang Kaloob na ito.

Pagnilayan mo ngayon kung buong puso kang nakikibahagi sa Banal na Eukaristiya. Kapag naiisip mong magsimba, nag-uumapaw ba ang iyong puso sa kagalakan at matinding espirituwal na pananabik? O itinuturing mo ba itong isang tungkuling kailangan mong tuparin? Kung higit mo itong itinuturing na isang tungkuling kailangan mong tuparin, maaaring mas marami kang “pagbubulong” sa iyong kalooban kaysa sa namamalayan mo.

Panginoon, tulungan Mo akong makita Ka sa Banal na Misa. Tulungan Mo akong manabik sa Iyo sa Kabanal-banalang Eukaristiya. Nawa’y hindi ako kailanman magkulang sa nararapat na pananampalataya at debosyon. Nawa’y lagi akong mapuspos ng malalim na pagmamahal sa Iyo na naririto sa Banal na Kaloob na ito! Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit Pa>>>

Santo ng Araw – Santa Jane Frances de Chantal