Linggo, Nobyembre 18, 2018
Ikatatlumpu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
Pagtatalaga ng mga Basilika nina San Pedro at San Pablo, mga Apostol – Paggunita na Di-sapilitan
Santa Rose Philippine Duchesne, Birhen – Paggunita na Di-sapilitan sa Estados Unidos

“Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.” Marcos 13:31
Oo, totoo ito. Lilipas ang Langit at Lupa sa kalagayan ng mga ito ngayon. Ipinahahayag ng mga Ebanghelyo at ng Aklat ng Pahayag ang katotohanang ito. Habang papalapit tayo sa pagtatapos ng taong liturhiko, ipinapaalala ito sa atin. Ipinapaalala sa atin na muling darating si Hesus na taglay ang karingalan at kaluwalhatian, at gagawin Niyang bago ang lahat. Babaguhin ang mundong nakikilala natin, at magsasanib ang Langit at ang bagong Lupang ito, at ang lahat ay magiging isa. Maghahari si Hesus sa bagong mundong ito bilang maluwalhating Hari ng lahat.
Isa sa mga itinuturo nito sa atin ay huwag tayong labis na kumapit sa mga bagay ng lumilipas na mundong ito. Totoong maaaring magbigay ng pansamantalang kasiyahan sa ating buhay ang kayamanan at mga ari-arian sa lupa, ngunit hindi kailanman ng kasiyahang pangmatagalan. Sa paglipas ng panahon, maglalaho ang lahat ng bagay sa mundong ito. Kaya kung ang pinagsisikapan lamang natin ay magkamal ng kayamanan at mga ari-arian sa lupa, dapat nating malaman na lilipas din ang lahat ng iyon at wala nang matitira sa atin.
Kung gayon, ano ang walang hanggan? Ibinibigay ang sagot sa sipi sa itaas. Sinasabi ni Hesus na ang Kanyang “mga salita ay hindi lilipas.” Ibig sabihin, ang lahat ng totoo at ipinahayag ng Diyos bilang katotohanan ay walang hanggan at nararapat panghawakan. Ipinakikita nito sa atin na ang mga salita ni Hesus ang tunay na kayamanang dapat nating hanapin. Sa pagtanggap sa Kanyang Salita, pagkapit dito, pagsisid sa lalim nito, pagsampalataya rito, at pagpapahintulot na baguhin tayo nito, tinatanggap natin ang walang hanggan. Tinatanggap natin ang mananatili sa atin magpakailanman. Ito ay isang mahalagang katotohanang dapat unawain at isabuhay.
Pagnilayan mo ngayon ang payak na katotohanang ito: lilipas ang lahat sa buhay maliban sa mga salita ng ating Panginoon. Mananatili magpakailanman ang lahat ng sinabi at inihayag Niya sa atin, at ang mga katotohanang ito lamang ang karapat-dapat nating pagsikapan sa buhay. Ituon mo ang iyong paningin sa Salita ng Diyos at sikaping unawain nang mas malalim ang kahulugan nito, upang dito at ngayon pa lamang ay makapagsimula ka nang mag-ipon ng kayamanan sa Langit!
Panginoon, tunay akong sumasampalataya sa lahat ng Iyong sinabi at inihayag. Tulungan Mo akong lalo pang makinig sa Iyo at kumapit sa bawat salita Mo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Para Rin sa Araw na Ito:
Pagtatalaga ng mga Basilika nina San Pedro at San Pablo



