Linggo, Nobyembre 11, 2018
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
San Martin ng Tours, Obispo – Paggunita

“Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglibot na nakasuot ng mahahabang kasuotan, tumanggap ng mga pagbati sa mga pamilihan, at umupo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga at sa mga puwestong pandangal sa mga handaan. Nilalamon nila ang mga bahay ng mga biyuda at nagbibigkas ng mahahabang panalangin bilang pagkukunwari. Tatanggap sila ng napakabigat na hatol.” Marcos 12:38-40
Mahalagang pansinin dito ang sinabi ni Hesus: “Tatanggap sila ng napakabigat na hatol.” Ang mga salitang ito ay mula sa Kanya na pinagmumulan ng awa at biyaya. Puno ng kabutihan at habag ang Kanyang puso, mahinahon Siya at mapagpatawad, at wala Siyang ibang nais kundi ang ating walang hanggang kaligtasan. Gayunman, malinaw ang sinabi ni Hesus na mabigat ang magiging hatol sa mga eskriba. Aray!
Ang una nating dapat isipin ay ayaw nating matulad sa mga eskriba! Ayaw nating tumanggap ng gayong hatol, kaya dapat nating iwasang mamuhay sa kasalanan gaya nila. Kaya ito ang tanong: “Anong kasalanan ng mga eskriba ang naging dahilan upang tumanggap sila ng ganito kabigat na hatol?”
Sa madaling sabi, sila ay mga mapagkunwari. Nilamon sila ng pagnanais na maluklok sa “mga puwestong pandangal.” Malinaw na masama ang pakikitungo nila sa kapwa: “Nilalamon nila ang mga bahay ng mga biyuda.” Ang mas masahol pa, ipinakikita nila ang kanilang sarili bilang mga taong madasalin gayong malinaw na hindi naman sila ganoon. Dahil dito, mabigat ang naging hatol ni Hesus sa kanila.
Kaya ano ang matututuhan natin sa kanilang mga pagkakamali? Dapat nating matutuhan ang hindi bababa sa dalawang aral na ito:
1) Ang tunay na “puwestong pandangal” ay ang puwesto ng may pinakamalalim na pagpapakumbaba. Sa mata ng Diyos, matatagpuan ang tunay na karangalan kapag naglilingkod tayo nang hindi napapansin at nagbibigay nang hindi kinikilala. Sa ganitong paraan, pag-ibig lamang ang nag-uudyok sa ating pagbibigay at paglilingkod, hindi ang paghahangad ng sariling kapakinabangan. Hindi naghahangad ang taong mapagpakumbaba na purihin at parangalan dahil sa pag-ibig na ibinibigay niya. Ang mismong pagbibigay at paglilingkod ang kaloob na tinatanggap niya.
2) Ang pagbigkas ng mahahabang dasal ay hindi katumbas ng pananalangin. Iisa ang pinakadiwa ng panalangin: ang pumasok sa pakikipagkaisa sa Diyos. Ito ay ang pagbuo ng isang malalim, maganda, at namamalaging ugnayan sa Kanya. Ito ay tungkol sa pag-ibig. Ang panalangin ay hindi pakitang-tao o paraan upang makamit ang paghanga ng iba.
Pagnilayan ngayon ang mabigat na hatol ni Hesus sa mga eskriba. Unawain na isa sa mga layunin nito ay turuan tayo kung ano ang dapat iwasan sa buhay. Iwasan ang lahat ng makasariling pagmamataas. Hangarin ang kababaang-loob at tunay na panalangin, at lubos kang pagpapalain.
Panginoon, tulungan Mo akong maging taong tunay na nananalangin at sumasamba sa Iyo. Tulungan Mo akong manatiling mapagpakumbaba at tapat. Tulungan Mo akong mahalin Ka dahil lamang sa pag-ibig ko sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Santo sa Araw na Ito – San Martin ng Tours



