Tagalog

Ang Propesiya ni Simeon

Sabado, Disyembre 29, 2018

Ikalimang Araw sa Oktaba ng Pasko

Mga Pagbasa Ngayon

San Tomas Becket, Obispo at Martir – Opsiyonal na Paggunita

“Panginoon, hayaan Mo nang humayo nang payapa ang Iyong lingkod; natupad na ang Iyong salita: nakita ng sarili kong mga mata ang kaligtasang inihanda Mo sa harap ng lahat ng bayan, isang liwanag na maghahayag sa Iyo sa mga bansa at ang kaluwalhatian ng Iyong bayang Israel.” Lucas 2:29-32

Sa ikalimang araw na ito sa Oktaba ng Pasko, inihahain sa atin ang patotoo ng propetang si Simeon.  Ipinangako ng Diyos sa banal na lalaking ito, sa pamamagitan ng isang personal na pahayag, na makikita niya mismo, ng sarili niyang mga mata, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan.  Sa buong buhay niya, inaabangan niya ang sandaling ito.  Pinananabikan niya ito at inaasam.  At isang araw, dumating ang sandaling iyon.  Nagising si Simeon nang araw na iyon at ginampanan ang kaniyang mga karaniwang gawain tulad sa ibang araw.  Ngunit nang dalhin nina Maria at Jose ang kanilang bagong silang na Sanggol sa templo, batid ni Simeon sa kaniyang puso na ang Sanggol na ito ang ipinangakong Tagapagligtas.

Makapangyarihan ang kaniyang mga salita.  Sinabi niya, “Panginoon, maaari Mo nang pahintulutang yumaon nang payapa ang Iyong lingkod…sapagkat nakita ng aking mga mata ang kaligtasang inihanda Mo…”  Sa madaling salita, napagtanto ni Simeon na ganap na ang kaniyang buhay.  Handa na siyang mamatay sapagkat ipinagkaloob na sa kaniya ang pribilehiyong makita mismo ang Kristo.  Kinalong niya si Hesus at niluwalhati ang Ama dahil sa sandaling ito.

Dapat nating pagsikapang matuto mula sa banal na si Simeon.  Hindi nga tayo isang propeta sa Templo mga 2,000 taon na ang nakalilipas, ngunit may pribilehiyo tayong makita ang Kristo araw-araw sa maraming paraan.  Tunay na Diyos ang Sanggol na kinalong ni Simeon.  Ngunit Siya ay Diyos na natatabingan ng katawang-tao ng isang munting Sanggol.  Gayunman, nakilala ni Simeon kung sino talaga Siya at nagalak.

Dapat nating pagsikapang makilala ang presensya ng Tagapagligtas sa ating paligid at magalak gaya ni Simeon. Naroroon si Kristo sa bawat pusong inialay sa Diyos, sa bawat Sakramento ng Simbahan, at sa bawat pagbasa ng Banal na Kasulatan. Higit sa lahat, naroroon Siya sa ating mga puso. Ang ating mga puso ang dapat maging templong kinaroroonan ng Batang Hesus, kung saan matutuklasan natin ang Kanyang presensya. Dapat natin Siyang tanggapin sa ating buhay at magalak sa Kanyang pagiging napakalapit sa atin.

Pagnilayan mo ngayon ang tagpong iyon ng pagkalong ni Simeon sa Sanggol at pagkakita sa Tagapagligtas na natatabingan ng laman at mga buto ng Sanggol na ito.  Hanapin mo si Kristo tulad ng ginawa ni Simeon at pagnilayan ang maraming paraan ng Kaniyang pagiging naroroon para sa iyo.  Alamin mong malapit Siya at nais Niyang punuin ang iyong buhay ng Kaniyang kapayapaan.

Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo sa dakilang patotoo ni Propeta Simeon. Salamat sa Iyong katapatan kay Simeon nang ipahintulot Mong makita Ka niya bilang isang munting Bata. Nawa’y lagi kong tularan ang kanyang dakilang pananampalataya at hanapin Ka sa buong buhay ko, habang hinihintay ko ang Iyong pagdating sa akin sa mga paraang hindi agad makikilala, upang magalak ang puso ko sa Iyong presensya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Tingnan din: Ang Tabak ng Dalamhati

Kristo, Kandila ng Pag-asa

Panalangin sa Pasko