Biyernes, Hulyo 5, 2019
Biyernes ng Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Santa Isabel ng Portugal – Opsiyonal na Paggunita
(Ipinagdiriwang tuwing Hulyo 5 sa Estados Unidos)
San Antonio Zaccaria, Pari – Opsiyonal na Paggunita

“Hindi nangangailangan ng manggagamot ang malulusog, kundi ang mga maysakit. Humayo kayo at alamin ang kahulugan ng mga salitang ito, Awa ang ibig ko, hindi hain. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan.” Mateo 9:12-13
Hindi naparito si Jesus para sa mga “matuwid” kundi para sa mga “makasalanan.” Maaaring nakakagulat ito sa unang dinig sapagkat tila dapat ay sinabi ni Jesus na naparito Siya para sa lahat ng tao, kapwa matuwid at makasalanan. Ngunit ang dapat nating maunawaan ay walang sinumang tunay na matuwid. Sa madaling salita, ang bawat isa ay makasalanang nangangailangan ng Tagapagligtas.
Sa ganitong pananalita, tinutukoy ni Jesus ang saloobin ng mga Pariseo na inaakalang matuwid ang sarili at tila naniniwalang dapat lamang makisalamuha si Jesus sa mga walang kasalanan. Kumilos ang mga Pariseo na para bang sila ay “matuwid” at dapat lamang makisalamuha si Jesus sa kanila at sa iba pang hindi hayagang kilala bilang mga makasalanan.
Nakalulungkot na ang kasalanan ng mga Pariseo ay higit na mabigat kaysa sa mga kasalanan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanang lumapit kay Jesus. Nagkasala ang mga Pariseo ng espirituwal na kapalaluan at patuloy silang nagkakasala sa pag-aakalang sila ay matuwid. Kapag hindi nakikita ng isang tao ang kanyang kasalanan, hindi siya mapatatawad ng Diyos sapagkat hindi siya nagsisisi.
Bagama’t mariin nitong hinahatulan ang mga Pariseo at ang iba pang nag-aakalang matuwid sila, paanyaya rin ito ni Hesus sa lahat ng handang umamin sa kanilang kasalanan. Kapag nagagawa nating magpakumbaba sa harap ng Diyos na ganap sa lahat at makita ang ating mga kasalanan sa liwanag ng Kanyang kaluwalhatian, matutukso tayong mawalan ng pag-asa at makararamdam tayo ng hiya dahil sa ating kasalanan. Ngunit ang hiya ay mapapalitan ng kagalakan at kalayaan kapag hinayaan nating kumilos ang ating Panginoon bilang Banal na Manggagamot sa ating buhay. Layunin ng Kanyang buhay sa lupa na pagalingin ang mga sugat na dulot ng ating mga kasalanan. Kapag napagtanto natin kung paano tayo lubos na pinagagaling ng Kanyang ganap na awa, tatakbo tayo agad sa Kanya.
Pagnilayan mo ngayon kung gaano ka kahanda at kusang-loob na magtapat kay Hesus ng iyong kasalanan. Huwag kang mag-atubiling magtiwala sa Kanyang ganap na pag-ibig sa iyo at lubos na buksan ang iyong sarili sa Kanyang banal na awa.
Panginoon, sa aking pangangailangan ay lumalapit ako sa Iyo at inaamin ang aking kasalanan at pananagutan dito. Pinagsisisihan kong nagkasala ako sa Iyo, at alam kong Ikaw lamang ang kasagutan sa aking kasalanan. Kaawaan Mo ako, mahal kong Panginoon, at patawarin Mo ako sa lahat ng aking kasalanan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Santo ng Araw – Santa Isabel ng Portugal – San Antonio Zaccaria




