Disyembre 7, 2019
Sabado ng Unang Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayong Araw
San Ambrosio, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita

“Tinanggap ninyo nang walang bayad; magbigay rin kayo nang walang bayad.” Mateo 10:8b
Ano ba ang tinanggap natin “nang walang bayad?” Sa katunayan, tinanggap natin nang libre ang bawat mabuting bagay. Totoo ito! Lahat ng mabuti ay kaloob ng Diyos. At ito ay kaloob Niya nang walang bayad. Wala tayong magagawa upang maging karapat-dapat sa Kanyang mga pagpapala sa ating buhay. Naniniwala ka ba rito?
Ang sipi sa Banal na Kasulatan sa itaas ay bahagi ng tagubilin ni Hesus sa Kanyang Labindalawang Apostol nang isugo Niya sila upang mangaral, magpagaling at magpalayas ng mga demonyo sa Kanyang pangalan. Ipinapaalala Niya sa kanila na ang lahat ng tinanggap nila mula sa Kanya ay kaloob na walang bayad at na sila naman ay dapat maghatid ng Ebanghelyo sa lahat nang walang bayad.
Ang Adbiyento ay panahon upang lalo nating pagtuunan ng pansin ang nalalapit na pagdiriwang ng Kaloob ng Pasko. Ang Pasko ay panahon ng pagbibigay at pagtanggap ng mga kaloob, ngunit mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng isang “kaloob” at isang “regalo.” Ang regalo ay isang bagay na inaasahang matatanggap. Halimbawa, umaasa ang iyong asawa o anak na makatatanggap ng regalo sa kanyang kaarawan o sa Pasko. Ngunit higit pa rito ang isang kaloob. Ang kaloob ay kusang ibinibigay, hindi pinaghirapan ni naging karapat-dapat dito ang tumatanggap. Ibinibigay ito dahil sa pag-ibig, nang walang anumang kapalit o kondisyon. Ito ang diwa ng Pagkakatawang-tao.
Ang Adbiyento ay dapat maging panahon ng pagninilay sa katotohanang naparito ang Diyos sa lupa upang kusang ipagkaloob sa atin ang Kanyang sarili, hindi dahil naging karapat-dapat tayo rito. Ang Kanyang buhay ay isang Kaloob na ganap na walang bayad para sa atin at siyang pinakadakilang Kaloob na ating natanggap. Kaya naman, ang Adbiyento ay dapat ding maging panahon ng pagninilay sa ating tawag na ihatid sa kapwa ang Kaloob na si Kristo Hesus.
Pagnilayan mo ngayon ang pagbibigay at pagtanggap kay Hesus sa iyong buhay. Hayaang mapuno ng pasasalamat ang iyong puso ngayong Adbiyento upang maibahagi mo rin sa kapwa ang Kaloob na si Hesus.
Panginoon, salamat po sa Kaloob ng Iyong buhay. Salamat po sa pagparito Mo sa daigdig upang pumasok sa aking buhay. Salamat po sa kagalakan ng pagkilala at pagmamahal sa Iyo. Nawa’y hayaan kong baguhin ng kagalakang ito ang aking buhay upang patuloy kong hangaring maibahagi Ka sa iba. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Sanggunian para sa Adbiyento
Santo ng Araw – San Ambrosio, Obispo at Doktor ng Simbahan—Paggunita
Panoorin sa YouTube




