Enero 30, 2020
Huwebes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Sinabi rin Niya sa kanila, “Bigyang-pansin ninyo ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa ang ibibigay sa inyo.” Marcos 4:24
Paano mo nais makitungo sa iyo ang iba? Paano mo nais na tratuhin ka nila? Tiyak na nais nating lahat na tratuhin tayo nang may awa. Nais nating pakitaan tayo ng kabutihan, habag, malasakit, katapatan, at iba pang tulad nito. Isang bagay na inihahayag ng talata sa itaas ay pakikitunguhan tayo ng Diyos sa paraang nakikitungo tayo sa iba.
Sa pinakamainam, magpapakita tayo ng awa at kabutihan sa iba dahil lamang ito ang tamang gawin. Tinatawag tayo ng Diyos sa isang buhay na sagana sa pag-ibig sa kapwa, at dapat nating hangaring mamuhay nang gayon. Ngunit kung nahihirapan tayong magmahal sa kapwa, marahil ang isang makapag-uudyok sa atin ay ang pagkaunawang pakikitunguhan tayo sa paraang nakikitungo tayo sa iba.
Bagaman maaari itong maglagay ng isang uri ng “banal na takot” sa ating mga puso at mag-udyok sa atin na kumilos nang may awa, dapat din itong tumawag sa atin na hangaring higitan ang pinakamababang hinihingi at maghandog ng masaganang pag-ibig at habag.
Pag-isipan mo ito. Kung gugugulin mo ang buong buhay mo sa pagsisikap na magpatawad, magpakita ng pagmamahal, makipagkasundo, tumulong sa mga nangangailangan, at iba pa, makatitiyak ka rin na saganang ipagkakaloob sa iyo ang mga kaloob na ito ngayon at sa wakas. Makatitiyak kang walang ipagkakait sa iyo ang Diyos. Sa halip, buong kagalakan Niyang ibubuhos sa iyo ang higit pa sa maaari mong asahan o hangarin.
Pagnilayan mo ngayon ang iyong sariling tawag sa isang buhay na sagana sa pagkabukas-palad. Hindi mabilang ang mga paraan kung paano ka tinatawag na maging bukas-palad sa kapwa. Italaga mo ang iyong sarili sa ganitong buhay ng kabutihan, at buong pananabik mong hintayin ang lahat ng ibubuhos sa iyo ng Diyos.
Panginoon, tulungan Mo akong maging mapagbigay nang walang pasubali sa pagmamahal at pagmamalasakit ko sa kapwa. Tulungan Mo akong magpatawad, magpakita ng kabutihan, at maging maawain, at gawin ang lahat ng ito nang buong pagkabukas-palad. Mahal Kita, mahal kong Panginoon. Tulungan Mo rin akong mahalin nang ganap at buong-buo ang mga taong inilagay Mo sa buhay ko. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




