Tagalog

Ang Awtoridad ng Diyos

Pebrero 14, 2020
Biyernes ng Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw

San Cirilo, Monghe, at San Metodio, Obispo—Paggunita

“Ephphatha!” (na ang ibig sabihin ay, “Mabuksan ka!”) At kaagad na nabuksan ang mga tainga ng lalaki. Marcos 7:34-35

Gaano kadalas mong naririnig na sinasabi ito sa iyo ni Jesus? “Ephphatha! Mabuksan ka!” O gaano kadalas mong naririnig na kinakausap ka Niya nang may ganitong kapangyarihan?

Sinabi ba ito ni Jesus dahil lamang sa pisikal na pagkabingi ng lalaking ito at nais Niya siyang pagalingin sa pisikal na paraan? O mayroon itong mas malalim na kahulugan? Sa pagpapagaling sa lalaking ito na hindi makarinig ng mga tunog, may inihahayag sa atin si Jesus tungkol sa nais Niyang gawin para sa atin. Sa pagpapagaling na ito, binibigyan tayo ni Jesus ng isang malinaw at mas malalim na mensahe. Tiyak na marami tayong mensaheng mapupulot mula sa talatang ito. Tingnan natin ang isa.

Ang mensahe ay nasa utos ni Jesus: “Mabuksan ka!” Makapangyarihan ang mga salitang ito na nag-uutos ng pagkilos. Hindi ito mga salitang maaari na lamang sundin o hindi. Malinaw at tiyak ang mga ito. Ang “Mabuksan ka” ay hindi isang tanong, hindi isang paanyaya, kundi isang utos. Mahalaga ito!

Ipinahahayag ng dalawang maikling salitang ito na buo na ang pasiya ni Jesus na kumilos. Ipinahahayag ng mga ito na wala Siya ni katiting na pag-aatubili sa pasiyang ito. Buo na ang Kanyang pasiya at ipinahayag na Niya ang Kanyang kalooban. At ang pagkilos Niyang ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago. Ipinahahayag ng dalawang maikling salitang ito na hindi nag-aalinlangan ang Diyos kapag Siya ay nagsasalita. Hindi Siya kimi o hindi nakatitiyak. Siya ay ganap na tiyak at malinaw.

Dapat magbigay sa atin ng malaking kaaliwan ang pagkaunawang ito. Kaaliwan sapagkat si Jesus ay handa at kusang-loob na gamitin ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Tunay na taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan at hindi Siya natatakot na gamitin ito kapag niloob Niya. Higit sa lahat, nais Niyang gamitin ang Kanyang kapangyarihan kapag magdudulot ito ng pinakamalaking kabutihan sa ating buhay.

Dapat itong magbigay sa atin ng malaking kaaliwan sapagkat makapagtitiwala tayo na ang Diyos na ito na makapangyarihan sa lahat ay tunay na makapangyarihan sa lahat at tunay na may hawak ng lahat. Kung nasa Kanyang kapangyarihan maging ang kalikasan (ang pisikal na pandinig), tiyak na nasa Kanyang kapangyarihan din ang daigdig na espirituwal. Kaya Niyang gawin ang lahat ng mabuti.

Kapag napagtanto nating nasa harap tayo ng Isang hindi lamang makapangyarihan sa lahat, kundi lubos ding mapagmahal at maawain, dapat tayong makahinga nang maluwag at mailagak sa Kanya ang ating lubos na pagtitiwala. Kaya Niya at buong-loob Niyang nais na pamahalaan ang lahat.

Pagnilayan mo ngayon ang dalawang maikling salitang ito. Hayaan mong pamahalaan ng banal at makadiyos na kapangyarihang ito ni Jesus ang iyong buhay. Hayaan mo Siyang mag-utos sa iyo. Ang Kanyang mga utos ay ganap na pag-ibig at awa. Mga salita ang mga ito na gagabay sa iyo tungo sa iyong sukdulang kabutihan. At ang Diyos na ito na makapangyarihan sa lahat ay karapat-dapat sa iyong buong pagtitiwala.

Panginoon, tunay akong nagtitiwala sa Iyo at alam kong magagawa Mo ang lahat ng bagay. Alam kong nais Mong magkaroon ng ganap na kapangyarihan sa buhay ko. Tulungan Mo akong lubusang ipagkatiwala sa Iyo ang buhay ko at magtiwala sa Iyo nang sapat upang hayaan Kitang gabayan ako at utusan sa bawat kilos ko. Hesus, lubos akong nagtitiwala sa Iyo!

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon