Tagalog

Pagtugon sa Panawagang Magsisi

Marso 4, 2020
Miyerkules ng Unang Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa Ngayong Araw

San Casimiro—Opsiyonal na Paggunita

“Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito, sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas, at narito ang isang higit pa kay Jonas.”  Lucas 11:32

Kay-kapansin-pansin ng paraan ni Jesus sa pagtawag sa mga tao na magsisi.  Sa madaling sabi, nagsisi ang mga taga-Ninive nang mangaral sa kanila si Jonas.  Ngunit hindi nagsisi ang mga tao noong panahon ni Jesus.  Dahil dito, sa katapusan ng panahon, ibibigay sa mga taga-Ninive ang pananagutang hatulan ang mga hindi nakinig kay Jesus.

Ang unang aral na dapat nating makuha rito ay tunay at mabigat ang hatol na kaparusahan sa pagtangging magsisi sa sariling mga kasalanan.  Ang tinutukoy ni Jesus ay ang walang hanggang kapahamakan ng mga hindi nakikinig sa Kanyang pangangaral.  Dahil sa napakabigat na turong ito ni Jesus, dapat nating tapat na suriin ang ating sariling kahandaang magsisi, o ang kawalan nito. 

Ikalawa, mahalagang idiin na higit na pinagpala ng mensaheng propetiko ang mga taong sinaway ni Jesus kaysa sa mga tao noong panahon ni Jonas.  Alalahanin na si Jonas ay isang taong, sa simula, tumakas sa Diyos at sa kanyang misyon.  Ayaw niyang pumunta sa Ninive at nagpunta lamang siya roon matapos siyang dalhin doon sa tiyan ng isang balyena laban sa kanyang kalooban.  Mahirap isipin na pagkatapos nito ay nangaral si Jonas nang may buong-pusong sigasig.  Gayunman, naging mabisa ang kanyang pangangaral.

Pinagpala ang mga tao noong panahon ni Jesus na marinig ang mismong mga salita ng Tagapagligtas ng Sanlibutan.  Ngunit pinagpala rin tayo nang gayon!  Nasa atin ang mga Ebanghelyo, ang mga turo ng Simbahan, ang patotoo ng mga dakilang banal, ang paggabay ng Santo Papa bilang pastol, ang mga Sakramento, at marami pang iba.  Sa ating makabagong panahon ng teknolohiya, hindi mabilang ang mga paraan upang matanggap natin ang mensahe ng Ebanghelyo, ngunit madali pa rin nating hindi pakinggan ang mensahe ni Kristo. 

Pagnilayan mo ngayon kung gaano kahanda ang iyong kalooban na tumugon sa mga salita ni Jesus.  Nangungusap Siya sa atin sa makapangyarihang mga paraan, ngunit napakadalas nating hindi makinig.  Ang hindi natin pakikinig ay humahantong sa hindi ganap na pagsisisi sa ating mga kasalanan.  Kung ganito ka, pagnilayan mo rin ang mga salita ng mabigat na paghatol na naghihintay sa mga nagmamatigas.  Ang pagkaunawang ito ay dapat pumuspos sa atin ng banal na pagkatakot at mag-udyok sa ating makinig sa pangangaral ng ating Panginoon.

Panginoon, alam kong nangungusap Ka sa akin sa di-mabilang na paraan. Nangangaral Ka sa pamamagitan ng Iyong mga Kasulatan at ng Iyong Simbahan, at sa aking buhay ng panalangin. Tulungan Mo akong dinggin ang Iyong tinig at tanggapin ang lahat ng sinasabi Mo nang may ganap na pagsunod at pagpapasakop. Mahal Kita, mahal kong Panginoon, at pinagsisisihan ko ang aking kasalanan at tinatalikuran ito. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

40 Araw sa Paanan ng Krus – Ikapitong Pagninilay – Isang Hamak na Lingkod ng Panginoon

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa


Tatlong magagandang aklat para sa Kuwaresma
Maaaring basahin nang libre online.  Makukuha rin bilang eBook & aklat na may malambot na pabalat.

Mga Pagninilay para sa Kuwaresma at Pasko ng Pagkabuhay
Serye ng Mga Pang-araw-araw na Pagninilay na Katoliko

40 Araw sa Paanan ng Krus
Isang Sulyap ng Pagmamahal Mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina

Mga Pang-araw-araw na Pagninilay sa Banal na Awa
365 Araw Kasama si Santa Faustina

Tingnan ang iba pang mga aklat para sa Kuwaresma