Abril 9, 2020
Huwebes Santo, Banal na Misa sa Paghahapunan ng Panginoon (Taon A)
Higit Pang mga Panalangin at Pagninilay para sa Triduo

Sinabi sa Kanya ni Pedro, “Hinding-hindi Mo huhugasan ang mga paa ko.” Sumagot sa kanya si Hesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa aking pamana.” Juan 13:8
Iyon ay isang napakagandang larawan ng pinakamalalim na pagpapakumbabang nasaksihan kailanman. Si Hesus, ang Walang Hanggang Anak ng Diyos, ang Ikalawang Persona ng Kabanal-banalang Santatlo, ay gumaganap ng tungkulin ng isang lingkod. Isa-isang nilapitan ni Hesus ang Kanyang mga alagad at hinugasan ang kanilang mga paa. Ipinagdiriwang noon ang Paskuwa. Isa itong banal na kapistahan, isang paggunita sa pagliligtas ng Diyos sa kanilang mga ninuno noong gabing pinalaya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ngunit ang “paggunita” na ito sa Paskuwa ay tunay na dapat alalahanin at yakapin.
Lubhang naantig si Pedro sa pagpapakumbaba ni Hesus at noong una ay tumanggi siyang pahugasan sa kanyang Panginoon ang kanyang mga paa. Ngunit may sinabi si Hesus na mananatiling totoo magpakailanman: “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa aking pamana.” Hindi ito pangkaraniwang paghuhugas. Hindi lamang ito paghuhugas sa maruruming paa ni Pedro, kundi paglilinis magpakailanman sa kanyang kaluluwang hindi namamatay. At di magtatagal, ang “tubig” ay dadaloy mula sa sinibat na Banal na Puso ni Hesus mismo.
Wala pang dalawampu’t apat na oras ang lilipas, mapapako na si Hesus sa krus, at tutusukin ng isang kawal na Romano ang Kanyang Puso ng sibat. Mula sa Kanyang Puso ay dumaloy ang dugo at tubig, ang bagong bukal ng biyaya at ng awa mismo. Sa “Huling Hapunan” na ito kasama ang ating Panginoon, itinatag sa paraang sakramental ang kapangyarihang maglinis ng Kanyang iisa at ganap na Sakripisyo. Ang Sakripisyong ito ay ginagawang naririto para sa atin sa lahat ng panahon sa pamamagitan ng mga kaloob na Binyag, Kumpil, at Banal na Eukaristiya.
Sa tuwing pinaninibago natin ang ating Binyag, tinatanggap nang mas malalim sa ating buhay ang Kanyang Espiritu, at tinatanggap bilang pagkain at inumin ang Kanyang banal na Katawan at Dugo, nakikibahagi tayo sa paglilinis na ginawa ni Kristo kay Pedro at sa iba pang mga alagad. Tinitingnan ni Hesus ang bawat isa sa atin nang may pagmamahal at sinasabi, “Kung hindi kita huhugasan…” Ano ang tugon mo sa ating Panginoon?
Kailangan ang pagpapakumbaba upang tanggapin ang pinakamapagpakumbabang gawa ng awa na nakilala kailanman. Dapat nating kilalanin nang may pagpapakumbaba na kailangan natin ang ating Panginoon upang linisin tayo, punasan ang dumi sa ating mga kaluluwa, tubusin tayo, at ialok sa atin ang pamana ng buhay na walang hanggan.
Sa Huling Hapunan na iyon, sa simula ng unang Triduo ng Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Linggo ng Muling Pagkabuhay, nakatuon ang tingin ng ating Panginoon kay Pedro at, sa pamamagitan niya, sa bawat isa sa atin. Iniaalok Niyang linisin tayo sa lahat ng kasalanan. Ano ang tugon mo? Gaano kalaki ang pagpapakumbaba mo sa pagtanggap sa kaloob na ito? Gaano kalalim ang paniniwala mo sa mapagligtas na Sakripisyo ng ating Panginoong Diyos?
Ngayong gabi, pagnilayan mo ang mga banal na salitang iyon ng ating Panginoon at pakinggan mo Siya habang sinasabi Niya ang mga ito sa iyo: “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa aking pamana.” Magsabi ka ng “Oo” sa alok na ito ng ating Panginoon, na ibinibigay Niya nang may ganap na pagpapakumbaba at awa, at hayaang tumimo sa iyong buhay ang mapagligtas na Sakripisyo ng Anak ng Diyos nang higit na malalim kaysa dati.
Maawain kong Panginoon, ang Iyong pagpapakumbaba ay kamangha-mangha at lubhang nakaaantig. Hugasan Mo po ako ng dugo at tubig na dumadaloy mula sa Iyong sinibat na Puso upang ako’y luminis. Tulungan Mo akong tanggapin ang kaloob na ito kung paano ito ibinigay: nang may pagpapakumbaba. Nagpapasalamat ako sa Iyo, nagsasabi ako ng “Oo” sa Iyong kaloob, tinatanggap Kita at inaanyayahan Kitang linisin ako. Makasalanan ako, mahal kong Panginoon. Kailangan ko ang Iyong paglilinis sa aking buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Panalanging pagninilay para sa Huwebes Santo
Karagdagang Babasahin: Huwebes Santo
Tula – Ang Apoy ng Uling
Rosaryo – Mga Misteryo ng Hapis (na may mga sipi mula sa Banal na Kasulatan)
Pag-uugnay ng Pagdurusa sa Krus
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




