Hunyo 5, 2020
Biyernes ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon
San Bonifacio, Obispo at Martir—Paggunita

Buong galak itong pinakinggan ng napakaraming tao. Marcos 12:37b
Ang talatang ito ay mula sa hulihan ng Ebanghelyo ngayong araw. Katatapos lamang magturo ni Hesus sa mga tao, at nakinig sila “nang buong galak.” Nagdulot ng malaking kagalakan sa kanilang mga kaluluwa ang turo ni Hesus.
Karaniwan ang ganitong pagtugon sa turo at presensiya ni Hesus sa ating buhay. Puno ang mga Salmo ng ganitong mga paglalarawan. “Nagagalak ako sa Panginoon.” “Kay tamis ng Iyong mga salita.” “Nagagalak ako sa Iyong mga utos.” Ipinakikita ng mga ito at ng marami pang ibang talata ang isa sa mga bunga ng mga salita at presensiya ni Hesus sa ating buhay. Pambihira ang galak na dulot ng Kanyang salita at presensiya sa ating buhay.
Dito pumapasok ang tanong: “Nagagalak ba ako sa mga salita ni Hesus?” Napakadalas nating ituring ang mga salita ni Kristo na isang pasanin o isang pagbabawal o hangganan sa mga gusto natin sa buhay. Kaya madalas nating isipin na mahirap at mabigat sundin ang kalooban ng Diyos. Ang totoo, kung ang ating puso ay nakaugat sa kasalanan o sa mga kalayawan ng mundo, maaaring masakit pakinggan at mabigat para sa atin ang mga salita ng ating Panginoon. Ngunit ganoon lamang ang pakiramdam natin dahil salungat ang mga salita Niya sa maraming bagay na kinakapitan natin kahit hindi ito nakabubuti sa atin.
Kung nahihirapan kang pakinggan ang Salita ng Diyos, ang mga salita ni Hesus, nagsisimula ka nang tumahak sa tamang landas. Nagsisimula mo nang hayaang “makipaglaban,” wika nga, ang Kanyang Salita sa marami pang ibang pang-akit at tukso na sa bandang huli ay wala nang ibang iniiwan sa atin kundi panunuyo at kahungkagan. Ito ang unang hakbang upang magalak ka sa Panginoon at sa Kanyang mga salita.
Ang mabuting balita ay ito: kung hahayaan mong putulin ng Kanyang Salita ang maraming pagkakapit mo sa mga bagay na hindi nakabubuti sa iyo, matutuklasan mong mahal na mahal mo ang Kanyang Salita at nagagalak ka sa Kanyang presensiya sa buhay mo. Unti-unti mong matutuklasan na ang tuwa at galak na nararanasan mo sa Kanyang presensiya ay higit na mahalaga kaysa sa anumang panandaliang pagkakapit o kasiyahan. Maging ang kasalanan ay maaaring magbigay ng huwad na kasiyahan. Sa ganitong kalagayan, ang kasiyahan ay parang epekto ng droga na mabilis ding nawawala. Ang galak na dulot ng Panginoon ay patuloy na umaakay sa iyo paitaas at nagbibigay sa iyo ng mas malalim na kaganapan sa bawat araw.
Maglaan ng panahon ngayong araw upang pagnilayan kung tunay mo ngang hinahayaang mapuspos ka ng galak sa presensiya at mga salita ng Panginoon. Sikapin mong malasap ang tamis ng mga ito. Hayaan mong maakit ka ng mga ito. Kapag “nahatak” ka na, lalo mo pa Siyang hahanapin.
Panginoon, nais kong magalak sa Iyo. Tulungan Mo akong talikuran ang maraming pang-akit at tukso ng mundong ito. Tulungan Mo akong hanapin Ka at ang Iyong Salita sa lahat ng pagkakataon. Sa pagtuklas ko sa Iyong Salita, puspusin Mo ang aking kaluluwa ng pinakamalaking kagalakan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Bonifacio, Obispo at Martir
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Larawan: Ang Sermon sa Bundok ni Carl Heinrich Bloch




