Linggo, Hunyo 7, 2020
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Trinidad

“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Juan 3:16
Ang Trinidad! Ang panloob na buhay ng Diyos! Ang Pinakadakilang Misteryo ng ating Pananampalataya!
Pamilyar na sa ating lahat ang katotohanang iisa ang Diyos. At lubos nating tinatanggap na ang iisang Diyos na ito ay ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Sa unang tingin, tila may pagsasalungatan dito. Paano magiging iisa at tatlo ang Diyos nang sabay? Isa itong misteryong marapat nating lalong saliksikin at pagnilayan.
Una, kailangan nating maunawaan na ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo ay tatlong banal na Persona. Ang bawat isa ay bukod sa dalawa. Ang bawat Persona ay may ganap na talino at malayang kalooban. Ang bawat isa ay may kakayahang kumilala at magmahal nang ganap.
Ngunit ang “kaganapang” ito ng Kanilang kakayahang kumilala at magmahal ang dahilan kung bakit Sila ay iisa. Bawat isa ay may bahagi sa iisang kalikasang banal at, sa loob ng kalikasang banal na iyon, Sila ay ganap na nagkakaisa. Nangangahulugan ito na ang bawat isa ay ganap na kumikilala at nagmamahal sa dalawa. At ang pagkakilalang iyon (isang kilos ng Kanilang ganap na talino) at pag-ibig (isang kilos ng Kanilang ganap na kalooban) ay nagbubunga ng pagkakaisang napakalalim, anupat Sila ay nabubuhay at kumikilos bilang iisang Diyos.
Nakapagbibigay rin ng inspirasyon ang malaman at maunawaan na ang Kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagkilala at pagmamahalan sa isa’t isa ay nagbibigay rin sa bawat isa sa Kanila ng ganap na kaganapan bilang Persona. Ipinakikita nito na ang “pagiging persona” ay nagkakaroon ng kaganapan sa pagkakaisa. Napakagandang aral nito para sa bawat isa sa atin.
Hindi tayo Diyos, ngunit nilikha tayo ayon sa kanyang larawan at wangis. Kaya tulad ng Diyos, nakasusumpong tayo ng kaganapan. Ang ibig sabihin nito, natatagpuan natin ang kaganapan sa buhay sa pagmamahal sa kapwa at sa malaya nating pagpiling kilalanin ang bawat isa at makibahagi sa buhay nila. Iba-iba ang anyo ng pakikipagkaisang ito ayon sa uri ng ating ugnayan. Mangyari pa, ang mag-asawa ay tinatawag na mamuhay sa pinakamalalim na pagkakaisa, bilang pagtulad sa buhay ng Diyos. Ngunit sa lahat ng ating ugnayan, tinatawag tayong makibahagi sa buhay ng Diyos sa paraang natatangi sa bawat ugnayan.
Pagnilayan mo ngayon, habang ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Kabanal-banalang Trinidad, ang mga ugnayang kinasasangkutan mo ayon sa pagtawag ng Diyos. Gaano mo kaganap na tinutularan ang pag-ibig ng Trinidad sa iyong mga ugnayan? Tiyak na lahat tayo ay may matutuklasang mga aspetong maaari pa nating palaguin. Magpasiyang humakbang pa tungo sa mas malalim na pakikipag-ugnayan at, sa hakbang na iyon ng pag-ibig, hayaang pagkalooban ka ng Diyos ng higit na kaganapan.
Ama, Anak, at Espiritu Santo, tulungan Ninyo akong makilala Kayo at mahalin Kayo. Tulungan Ninyo akong matuklasan ang pag-ibig na pinagsasaluhan Ninyo sa Inyong banal na buhay. Sa pagtuklas ko sa pag-ibig na iyon, tulungan Ninyo rin akong mahalin ang kapwa taglay ang Inyong puso. Ama, Anak, at Espiritu Santo, nagtitiwala ako sa Inyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Karagdagang Babasahin – Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Trinidad
Larawan: Ang Banal na Santatlo ni Antonio de Pereda
Daily Reflections for Ordinary Time:
Weeks 1-17





