Hunyo 12, 2020
Biyernes ng Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw

“Kung ang iyong kanang mata ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa maitapon ang buo mong katawan sa Gehenna. At kung ang iyong kanang kamay ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon.” Mateo 5:29-30a
Talaga bang ito ang ibig sabihin ni Hesus? Sa literal na diwa?
Makatitiyak tayo na ang nakagigimbal na pananalitang ito ay hindi isang literal na utos, kundi isang simbolikong pahayag na nag-uutos sa atin na buong sigasig na umiwas sa kasalanan at sa lahat ng umaakay sa atin tungo rito. Maaaring unawain ang mata bilang isang bintana ng ating kaluluwa, kung saan nananahan ang ating mga kaisipan at hangarin. Maaaring tingnan ang kamay bilang sagisag ng ating mga kilos. Kaya dapat nating alisin ang bawat kaisipan, damdamin, hangarin, at kilos na umaakay sa atin sa kasalanan.
Ang tunay na susi sa pag-unawa sa talatang ito ay ang hayaan nating antigin tayo ng makapangyarihang pananalitang ginagamit ni Hesus. Hindi Siya nag-aatubiling magsalita sa paraang nakagigimbal upang ihayag sa atin ang panawagang buong sigasig na harapin ang anumang umaakay sa atin sa kasalanan. “Dukitin mo…putulin mo,” wika Niya. Sa madaling salita, alisin mo nang lubusan ang iyong kasalanan at ang lahat ng umaakay sa iyo tungo rito. Ang mata at kamay ay hindi likas na makasalanan; sa halip, sa simbolikong pananalitang ito, tinutukoy ang mga ito bilang mga bagay na umaakay sa kasalanan. Kaya kung may ilang kaisipan o kilos na umaakay sa iyo sa kasalanan, ang mga ito ang dapat mong pagtuunan ng pansin at alisin.
Tungkol sa ating mga kaisipan, kung minsan ay hinahayaan nating labis na magtuon ang ating isip sa kung ano-anong bagay. Dahil dito, maaaring umakay sa atin sa kasalanan ang mga kaisipang ito. Ang susi ay ang “pagdukit” sa unang kaisipang iyon na nagbubunga ng masama.
Tungkol sa ating mga kilos, kung minsan ay inilalagay natin ang ating sarili sa mga sitwasyong tumutukso sa atin at umaakay sa kasalanan. Dapat alisin sa ating buhay ang mga pagkakataong ito ng pagkakasala.
Pagnilayan mo ngayon ang tahasan at makapangyarihang pananalitang ito ng ating Panginoon. Nawa ang tindi ng Kanyang mga salita ay mag-udyok sa iyo na magbago at umiwas sa lahat ng kasalanan.
Panginoon, pinagsisisihan ko ang aking kasalanan at hinihiling ko ang Iyong awa at kapatawaran. Tulungan Mo po akong umiwas sa lahat ng umaakay sa akin sa pagkakasala at ipaubaya sa Iyo ang lahat ng aking iniisip at ginagawa araw-araw. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobena sa Banal na Puso
Mga petsa ng nobena: Hunyo 10-18, 2020
Hunyo 19, 2020: Dakilang Kapistahan ng Banal na Puso
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Larawan: Nakaupo si Hesus sa Tabing-Dagat at Nangangaral, ni James Tissot
Daily Reflections for Ordinary Time:
Weeks 1-17





