Tagalog

Ang Tunay na Mesiyas

Disyembre 4, 2020
Biyernes ng Unang Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayong Araw

San Juan Damasceno, Pari, Relihiyoso at Pantas ng Simbahan—Paggunita na Di-sapilitan

At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang binalaan ni Hesus, “Tiyakin ninyong walang sinumang makaaalam nito.” Ngunit lumabas sila at ipinamalita Siya sa buong lupaing iyon. Mateo 9:30–31

Sino si Hesus? Higit na madaling sagutin ang tanong na ito ngayon kaysa noong panahong namuhay si Hesus sa lupa. Ngayon, pinagpala tayo ng di-mabilang na mga santong nauna sa atin, na sa panalangin at malalim na pag-unawa ay nagturo ng maraming bagay tungkol sa pagkatao ni Hesus. Kinikilala natin Siya bilang Diyos, ang Ikalawang Persona ng Santisima Trinidad, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan, ang ipinangakong Mesiyas, ang Korderong Inihahandog na Sakripisyo, at marami pang iba.

Ang Ebanghelyo sa itaas ay mula sa pagtatapos ng salaysay ng himala kung saan pinagaling ni Hesus ang dalawang lalaking bulag. Labis silang namangha sa kanilang paggaling, at nanaig sa kanila ang kanilang damdamin. Iniutos sa kanila ni Hesus na “Tiyakin ninyong walang sinumang makaaalam” ng mahimalang pagpapagaling na ito. Ngunit hindi nila mapigil ang kanilang kagalakan. Hindi naman nila sinasadyang sumuway kay Hesus; sa halip, wala silang ibang maisip na paraan upang maipahayag ang kanilang taos-pusong pasasalamat kundi ang sabihin sa iba ang ginawa ni Hesus.

Isang dahilan kung bakit sinabi sa kanila ni Hesus na huwag Siyang ipamalita sa iba ay sapagkat alam Niyang hindi nila lubos na nauunawaan kung sino Siya. Alam Niyang hindi Siya maipakikilala ng kanilang patotoo sa paraang pinakatapat sa katotohanan. Siya ang Kordero ng Diyos. Ang Tagapagligtas. Ang Mesiyas. Ang Korderong Inihahandog na Sakripisyo. Siya ang dumating sa sanlibutang ito upang tubusin tayo sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Kanyang dugo. Gayunman, marami sa mga tao ang nagnanais ng isang makabayang “mesiyas” o isang tagagawa lamang ng mga himala. Nais nila ng isang magliligtas sa kanila mula sa pampulitikang paniniil at gagawa sa kanila na isang dakilang bansa sa lupa. Ngunit hindi ito ang misyon ni Hesus.

Madalas, maaari rin tayong mahulog sa bitag ng maling pag-unawa kung sino si Hesus at kung sino ang nais Niyang maging sa ating buhay. Maaari nating naisin ang isang “diyos” na magliligtas lamang sa atin mula sa ating pang-araw-araw na mga pakikibaka, mga kawalang-katarungan, at mga paghihirap sa buhay na ito. Maaari nating naisin ang isang “diyos” na kumikilos ayon sa ating kalooban, sa halip na tayo ang sumunod sa Kanyang kalooban. Nais natin ng isang “diyos” na magpapagaling sa atin at magpapalaya sa atin mula sa bawat pasanin sa lupa. Ngunit malinaw na itinuro ni Hesus sa buong buhay Niya na Siya ay magdurusa at mamamatay. Itinuro Niya sa atin na dapat nating pasanin ang sarili nating mga krus at sumunod sa Kanya. At itinuro Niya sa atin na dapat tayong mamatay, yakapin ang pagdurusa, magpakita ng awa, iharap ang kabilang pisngi, at matagpuan ang ating kaluwalhatian sa hindi kailanman mauunawaan ng mundo.

Pagnilayan ngayon kung pagbibilinan ka ba ni Hesus na huwag magsalita nang napakalakas tungkol sa sarili mong pagkaunawa sa kung sino Siya. Nahihirapan ka bang iwasang magpakilala ng isang “diyos” na hindi naman talaga Diyos? O nakilala mo na ba si Kristo na ating Panginoon mismo, hanggang sa kaya mo nang magpatotoo tungkol sa Kanya na namatay? Ang Krus lamang ba ang ipinagmamalaki mo? Ipinahahayag mo ba si Kristong ipinako sa krus, at ang pinakamalalim na karunungan lamang ba ng pagpapakumbaba, awa at sakripisyo ang ipinangangaral mo? Muli mong italaga ang iyong sarili sa tapat na pagpapahayag kay Kristo, at isantabi ang lahat ng malabong pagkaunawa mo sa Diyos na nagliligtas sa atin.

Aking tunay na Panginoon at Tagapagligtas, itinatalaga ko ang aking sarili sa Iyo at idinadalangin kong makilala at mahalin Kita kung sino Ka talaga. Bigyan Mo ako ng mga matang kailangan ko upang makita Ka, at ng isip at pusong kailangan ko upang makilala at mahalin Ka. Alisin Mo sa akin ang anumang maling pagkakilala sa Iyo at palitan Mo ito ng tunay na pagkakilala sa Iyo, aking Panginoon. Habang lalo Kitang nakikilala, iniaalay ko ang aking sarili sa Iyo upang magamit Mo ako sa pagpapahayag ng Iyong kadakilaan sa lahat. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Juan Damasceno, Pari, Relihiyoso at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Itinatampok na larawan sa itaas: Pinagagaling ni Kristo ang mga Bulag, likha ni Nicolas Colombel


Mga Pagninilay para sa Adbiyento at Pasko

Aklat na may malambot na pabalat & eBook

Amazon.com – Google Play – iTunes – Barnes and Noble