Tagalog

Ang Kapangyarihang Nagpapabago ni Kristo

Disyembre 16, 2020
Miyerkules ng Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayon

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

At sumagot si Jesus sa kanila, “Humayo kayo at sabihin kay Juan ang inyong nakita at narinig: muling nakakakita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, nalilinis ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling binubuhay ang mga patay, at ipinahahayag sa mga dukha ang mabuting balita.” Lucas 7:22

Isa sa mga pinakamabisang paraan ng pagpapahayag ng kapangyarihang nagpapabago ng Ebanghelyo ay sa pamamagitan ng mga gawang isinakatuparan ng ating Panginoon. Sa talatang ito ng Ebanghelyo, itinuturo ni Jesus ang mga ginawa Niya upang sagutin ang isang tanong tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan. Dumating ang mga alagad ni Juan Bautista upang tanungin Siya kung Siya nga ang Mesiyas na darating. At tumugon si Jesus sa pamamagitan ng pagtukoy sa katotohanang nabago ang mga buhay. Ang mga bulag, pilay, ketongin, bingi at patay ay pawang tumanggap ng mga himala ng biyaya ng Diyos. At ang mga himalang ito ay ginawa upang makita ng lahat.

Bagama’t ang mga himala ni Jesus na nagpagaling sa katawan ay tiyak na lubhang kamangha-mangha sa lahat ng aspeto, hindi natin dapat ituring ang mga ito bilang mga gawang minsan lamang naganap noong unang panahon at hindi na nangyayari ngayon. Ang totoo, maraming paraan kung paano patuloy na nagaganap ngayon ang mga gawang ito na nagdudulot ng pagbabago.

Paano ito nangyayari? Magsimula sa sarili mong buhay. Paano ka nabago ng kapangyarihang nagpapabago ni Kristo? Paano Niya binuksan ang iyong mga mata at tainga upang makita at marinig Siya? Paano Niya inalis ang iyong mga pasanin at pinagaling ang iyong mga karamdamang espirituwal? Paano ka Niya inakay mula sa kamatayan ng kawalan ng pag-asa tungo sa bagong buhay ng pag-asa? Nagawa na ba Niya ito sa iyong buhay?

Kailangan nating lahat ang kapangyarihan ng Diyos na nagliligtas sa ating buhay. At kapag kumikilos ang Diyos sa atin, binabago tayo, pinagagaling at lubos na pinapanibago, dapat muna nating kilalanin ito bilang pagkilos ng ating Panginoon para sa atin. Ngunit dapat din nating makita na nais ng Diyos na ibahagi natin sa iba ang bawat pagkilos ni Kristo sa ating buhay. Ang pagbabago ng ating buhay ay dapat maging patuloy na patotoo sa kapangyarihan ng Diyos at sa kapangyarihan ng Ebanghelyo. Kailangang makita ng iba kung paano tayo binago ng Diyos, at dapat nating sikaping maging tulad ng isang bukas na aklat na buong pagpapakumbabang nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan.

Pagnilayan ngayon ang tagpong ito sa Ebanghelyo. Isipin na ang mga alagad na ito ni Juan ay ang maraming taong nakakasalamuha mo araw-araw. Gunigunihin silang lumalapit sa iyo, na nagnanais malaman kung ang Diyos na iyong minamahal at pinaglilingkuran ay ang Diyos na dapat nilang sundin. Paano ka tutugon? Paano ka makapagpapatotoo kay Kristo Jesus? Ituring mong tungkulin ang maging isang bukás na aklat na sa pamamagitan nito ay ibinabahagi ng Diyos sa iba ang kapangyarihang nagpapabago ng Ebanghelyo sa pamamagitan mo.

Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo sa di-mabilang na paraan ng pagbabago Mo sa aking buhay: pinagaling Mo ako sa aking mga karamdamang espirituwal, binuksan Mo ang aking mga mata at tainga sa Iyong katotohanan, at ibinangon Mo ang aking kaluluwa mula sa kamatayan tungo sa buhay. Gamitin Mo ako, mahal na Panginoon, bilang saksi sa Iyong kapangyarihang bumago. Tulungan Mo akong magpatotoo tungkol sa Iyo at sa Iyong ganap na pag-ibig, upang makilala Ka ng iba sa pamamagitan ng paraan ng paghipo Mo sa aking buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

BAGO – Taon ni San Jose

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Itinatampok na larawan sa itaas: Ang Pagpapayo sa mga Apostol ni James Tissot