Tagalog

Kapag ang Buhay ay Isang “Mabigat na Pagpapagal”

Pebrero 7, 2021
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
Mga Pagbasa Ngayon

Nagsalita si Job: Hindi ba mabigat na pagpapagal ang buhay ng tao sa lupa?

Ang mga araw ko ay mas mabilis kaysa sa lansadera ng manghahabi; nagwawakas ang mga ito nang walang pag-asa. Alalahanin Mong parang hangin ang buhay ko; hindi na ako muling makakakita ng kaligayahan. Job 7:1, 6–7

Ang nakatutuwa rito, katatapos pa lamang ng pagbasa sa Banal na Misa ay tutugon na ang buong kapulungan, “Salamat sa Diyos!” Talaga? Dapat ba nating ipagpasalamat sa Diyos ang pagbasang ito? Talaga bang nais nating magpasalamat sa Diyos sa ganitong pagpapahayag ng matinding sakit? Oo, tiyak na nais natin!

Malinaw na ipinahahayag ni Job ang mga damdaming nararanasan nating lahat paminsan-minsan. Binabanggit niya ang isang gabing hindi siya makatulog. Ang pakiramdam na nawawalan siya ng pag-asa. Ang mga buwan ng pagdurusa. At iba pa. Sana ay hindi natin nararanasan ang mga damdaming ito araw-araw. Ngunit totoo ang mga ito, at nararanasan ito ng bawat isa paminsan-minsan.

Ang susi sa pag-unawa sa talatang ito ay ang pagtingin sa buong buhay ni Job. Bagama’t ganito ang nadama niya, hindi niya hinayaang iyon ang magdikta sa kanyang mga pasiya. Hindi siya tuluyang nagpadaig sa kawalan ng pag-asa; hindi siya sumuko; nagtiyaga siya. At may ibinunga ang kanyang pagtitiyaga! Nanatili siyang tapat sa Diyos sa gitna ng trahedyang umubos sa lahat ng mahalaga sa kanya, at hindi siya nawalan ng pananampalataya at pag-asa sa kanyang Diyos. Sa pinakamadilim na sandali ng kanyang buhay, maging ang mga kaibigan niya ay lumapit sa kanya at nagsabing pinarurusahan siya ng Diyos at wala nang natitira para sa kanya. Ngunit hindi niya pinakinggan ang mga ito.

Alalahanin ang makapangyarihang mga salita ni Job, “Ang Panginoon ang nagbibigay, at ang Panginoon ang bumabawi; purihin ang pangalan ng Panginoon!” Pinuri ni Job ang Diyos sa mabubuting bagay na natanggap niya sa buhay, ngunit nang bawiin ang mga iyon, patuloy niyang pinagpala at pinuri ang Diyos. Ito ang pinakapangunahing aral at inspirasyong makukuha sa buhay ni Job. Hindi siya nagpadaig sa mga damdaming ipinahayag niya sa pagbasa sa itaas. Hindi niya hinayaang hadlangan siya ng tuksong mawalan ng pag-asa sa pagpuri at pagsamba sa Diyos. Pinuri niya ang Diyos sa LAHAT ng bagay!

May dahilan kung bakit nangyari kay Job ang trahedyang ito. Layunin nitong ituro sa atin ang mahalagang aral na ito tungkol sa pagharap sa mabibigat na pasaning maaaring dumating sa buhay. Kapansin-pansin na tunay na inspirasyon si Job sa mga may mabibigat na pasanin. Bakit? Dahil nakauugnay sila sa kanyang karanasan. Nauunawaan nila ang kanyang sakit at matututo sila sa kanyang matiyagang pananatili sa pag-asa.

Pagnilayan mo ngayon ang buhay ni Job. Hayaan mong magbigay ito sa iyo ng inspirasyon. Kung may pasanin sa buhay na nagpapabigat sa iyong kalooban, sikapin mo pa ring purihin at sambahin ang Diyos. Ibigay mo sa Diyos ang kaluwalhatiang nararapat sa Kanyang pangalan, dahil nararapat iyon sa Kanyang pangalan, hindi dahil gusto mo o ayaw mong gawin ito. Sa paggawa nito, matutuklasan mong ang mabigat mong pasanin ay magpapatatag sa iyo. Lalo kang magiging tapat sa pananatiling tapat kahit napakahirap gawin ito. Nagawa ito ni Job, at magagawa mo rin!

Panginoon, kapag mahirap ang buhay at mabigat ang pasanin, tulungan Mo akong palalimin ang aking pananampalataya sa Iyo at ang aking pag-ibig sa Iyo. Tulungan Mo akong ibigin at sambahin Ka sapagkat mabuti at nararapat itong gawin sa lahat ng pagkakataon. Iniibig Kita, Panginoon ko, at pinipili kong purihin Ka palagi! Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawang tampok sa itaas: Si Job at ang Kanyang mga Kaibigan, likha ni Ilya Repin

Ipagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Buhay na Konsekrado sa Sabado at Linggo, Pebrero 6-7, 2021. Ipanalangin ang lahat ng nangako ng pagtatalaga ng sarili sa buhay na konsek­rado, at huwag kalimutang pasalamatan sila. Nawa’y patuloy silang humugot ng inspirasyon kay Hesukristo at bukas-palad na tumugon sa kaloob ng Diyos na kanilang bokasyon.

Pagiging Madre

Tula para sa mga madre