Tagalog

Kuwaresma—Panahon ng Tunay na Panalangin

Miyerkules, Pebrero 17, 2021

Miyerkules ng Abo

Mga Pagbasa Ngayon


Bersiyong Bidyo

Ngunit kapag nananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid, isara mo ang pinto, at manalangin ka sa iyong Ama nang palihim. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa lihim. Mateo 6:6

Isa sa pinakamahalagang katangian ng tunay na panalangin ay nagaganap ito sa pinakaloob na silid ng iyong kaluluwa. Doon, sa kaibuturan ng iyong pagkatao, makakatagpo mo ang Diyos. Inilalarawan ni Santa Teresa ng Ávila, isa sa pinakadakilang manunulat tungkol sa buhay espirituwal sa kasaysayan ng ating Simbahan, ang kaluluwa bilang isang kastilyong tinatahanan ng Diyos. Upang makatagpo Siya, manalangin sa Kaniya, at makipagniig sa Kaniya, kailangan nating pumasok sa pinakamalalim at pinakaloob na silid ng kastilyong ito ng ating kaluluwa. Doon, sa pinakaloob na tahanan, natutuklasan ang buong kaluwalhatian at kagandahan ng Diyos.

Ang Diyos ay hindi lamang isang Diyos na “naroon” sa malayong Langit. Siya ay Diyos na mas malapit sa atin at mas matalik kaysa sa kaya nating gunigunihin. Sa Kuwaresma, higit kaysa sa alinmang panahon ng taon, kailangan nating pagsikapang tahakin ang landas tungo sa ating kalooban upang matuklasan ang pananatili roon ng Kabanal-banalang Trinidad.

Ano ang nais ng Diyos na gawin mo ngayong Kuwaresma? Madaling simulan ang Kuwaresma sa mga pasyang hindi gaanong malalim, tulad ng pag-iwas sa paboritong pagkain o paggawa ng isa pang mabuting gawa. Pinipili ng ilan na gamitin ang Kuwaresma upang mapabuti ang kanilang pisikal na kondisyon, samantalang nagpapasiya naman ang iba na maglaan ng mas maraming oras sa espirituwal na pagbabasa o sa iba pang banal na gawain. Mabuti at kapaki-pakinabang ang lahat ng ito. Ngunit makatitiyak kang ang pinakamalalim na hangarin ng ating Panginoon para sa iyo ngayong Kuwaresma ay ang manalangin ka.

Siyempre, higit pa sa pagbigkas ng mga dasal ang panalangin. Hindi lamang ito pagdarasal ng rosaryo, pagninilay sa Banal na Kasulatan, o pagbigkas ng magagandang dasal. Sa kaibuturan nito, ang panalangin ay isang ugnayan sa Diyos. Ito ay pakikipagtagpo sa Diyos na Trinidad na nananahan sa iyong kalooban. Ang tunay na panalangin ay isang gawa ng pag-ibig sa pagitan mo at ng iyong Minamahal. Ito ay pagbibigayan ng sarili: ang iyong buhay kapalit ng buhay ng Diyos. Ang panalangin ay isang gawa ng pakikiisa at pakikipagniig: sa pamamagitan nito, nagiging kaisa tayo ng Diyos, at nagiging kaisa natin ang Diyos.

Itinuro sa atin ng mga dakilang mistiko na maraming antas ang panalangin. Madalas tayong magsimula sa pagbigkas ng mga dasal, tulad ng magandang panalangin ng rosaryo. Mula roon, pinagbubulay-bulayan, sinusuri, at malalim nating pinagninilayan ang mga misteryo ng ating Panginoon at ng Kaniyang buhay. Mas lubos natin Siyang nakikilala at, unti-unti, natutuklasan nating hindi na lamang natin iniisip ang Diyos, kundi pinagmamasdan na natin Siya nang harapan.

Sa pagsisimula natin ng banal na panahon ng Kuwaresma, pagnilayan mo ang paraan ng iyong pananalangin. Kung napukaw ng mga paglalarawan sa panalangin dito ang iyong interes, magpasiya kang tuklasin pa ito. Italaga mo ang iyong sarili sa pagtuklas sa Diyos sa panalangin. Walang hangganan at walang katapusan ang lalim na nais ng Diyos na marating mo sa pamamagitan ng panalangin. Ang tunay na panalangin ay hindi kailanman nakababagot. Kapag natuklasan mo ang tunay na panalangin, natutuklasan mo ang walang hanggang misteryo ng Diyos. At ang pagtuklas na ito ay mas maluwalhati kaysa sa anumang kaya mong gunigunihin sa buhay.

Panginoon kong Diyos, iniaalay ko sa Iyo ang aking sarili ngayong Kuwaresma. Ilapit Mo ako sa Iyo upang lalo Kitang makilala. Ipakilala Mo sa akin ang Iyong banal na presensiya, na nananahan sa kaibuturan ko at tumatawag sa akin na lumapit sa Iyo. Mahal kong Panginoon, maging maluwalhati nawa ang Kuwaresmang ito habang pinatitibay ko ang aking pag-ibig at debosyon sa pagtuklas sa biyaya ng tunay na panalangin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

40 Araw sa Paanan ng Krus: Panimula
Isang Sulyap ng Pag-ibig Mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Karagdagang Babasahin – Miyerkules ng Abo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawang itinampok sa itaas: Si Santa Teresa ng Ávila sa harap ng Krusipiho