Tagalog

40 Araw sa Disyerto

Pebrero 21, 2021
Unang Linggo ng Kuwaresma (Taon B)
Mga Pagbasa Ngayong Araw


Bersiyong Video

Itinulak ng Espiritu si Jesus patungo sa ilang, at nanatili Siya roon nang apatnapung araw, na tinutukso ni Satanas. Kasama Niya ang mababangis na hayop, at naglingkod sa Kanya ang mga anghel.  Marcos 1:12–13

Sa Ebanghelyo ngayon ayon kay Marcos, maikli ang salaysay tungkol sa Pagtukso kay Hesus sa disyerto. Mas marami pang detalye ang ibinibigay nina Mateo at Lucas, gaya ng tatlong pagtukso ni Satanas kay Hesus. Ngunit sinabi lamang ni Marcos na itinulak si Hesus na magtungo sa disyerto, kung saan Siya nanatili nang apatnapung araw at tinukso.

Kapansin-pansin na ang “Espiritu” ang nagtulak kay Hesus na magtungo sa disyerto. Hindi Siya nagpunta roon nang labag sa Kanyang kalooban; kusa Siyang nagtungo roon ayon sa kalooban ng Ama at sa patnubay ng Espiritu Santo. Bakit kaya itinulak ng Espiritu si Hesus na magtungo sa disyerto para sa panahong ito ng pag-aayuno, pananalangin at pagtukso?

Una sa lahat, naganap ang panahong ito ng pagtukso pagkabautismo mismo ni Juan kay Hesus. Bagaman hindi kailangan ni Hesus mismo ang bautismong iyon para sa Kanyang buhay espirituwal, marami tayong matututuhan sa dalawang pangyayaring ito. Ang totoo, kapag pinipili nating sundan si Kristo at isabuhay ang ating bautismo, tumatanggap tayo ng panibagong lakas upang labanan ang kasamaan. Nariyan ang biyaya. Bilang bagong nilalang kay Kristo, taglay mo ang lahat ng biyayang kailangan mo upang mapagtagumpayan ang Masama, ang kasalanan at ang tukso. Kaya nagbigay sa atin si Hesus ng halimbawa upang ituro sa atin ang katotohanang ito. Binautismuhan Siya at pagkatapos ay itinulak na magtungo sa disyerto upang harapin ang Masama, para ipabatid sa atin na mapagtatagumpayan din natin ito at ang masasama nitong kasinungalingan.

Habang tinitiis ni Hesus ang mga tuksong ito sa disyerto, “pinaglingkuran siya ng mga anghel.” Gayon din sa atin. Hindi tayo iniiwan ng ating Panginoon na mag-isa sa gitna ng mga tuksong kinakaharap natin araw-araw. Sa halip, lagi Niyang isinusugo sa atin ang Kanyang mga anghel upang paglingkuran tayo at tulungan tayong talunin ang napakasamang kaaway na ito. 

Ano ang pinakamalaki mong tukso sa buhay? Marahil ay may nakasanayan kang kasalanan na paulit-ulit mong nilalabanan ngunit paulit-ulit ka ring nadaraig nito. Marahil ay tukso ito ng laman, o pakikibaka laban sa galit, pag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba, kawalan ng katapatan, o iba pa. Anuman ang tukso mo, tandaan mong taglay mo ang lahat ng kailangan mo upang mapagtagumpayan ito dahil sa biyayang tinanggap mo sa iyong Bautismo, na pinalalakas ng iyong Kumpil at patuloy na pinayayabong ng regular mong pakikibahagi sa Kabanal-banalang Eukaristiya.

Pagnilayan mo ngayon ang anumang tuksong kinakaharap mo. Masdan mo si Kristo mismo na humaharap sa mga tuksong iyon kasama mo at sa loob mo. Alamin mong ibinibigay sa iyo ang Kanyang lakas kung magtitiwala ka lamang sa Kanya nang buong tatag.

Panginoon kong dumanas ng tukso, hinayaan Mong tiisin ang kahihiyan ng pagtukso sa Iyo ni Satanas mismo. Ginawa Mo ito upang ipakita sa akin at sa lahat ng Iyong mga anak na mapagtatagumpayan namin ang sarili naming mga tukso sa pamamagitan Mo at sa Iyong lakas. Tulungan Mo ako, mahal na Panginoon, na lumapit sa Iyo araw-araw dala ang aking mga pakikibaka upang Ikaw ang magtagumpay sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

40 Araw sa Paanan ng Krus: Ikaapat na Pagninilay – Espirituwal na Pagkakaibigan

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Pedro Damian, Obispo at Doktor ng Simbahan
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita ngayong taon sapagkat pumapatak ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Itinatampok na larawan sa itaas: Si Kristo sa Disyerto, Pinaglilingkuran ng mga Anghel, ni Ludovico Carracci