Tagalog

Ang Karaniwang Landas Tungo sa Pambihira

Sabado, Mayo 1, 2021

Opsiyonal na Paggunita kay San Jose Manggagawa

Mga Pagbasa Ngayon

Video

Dumating si Jesus sa Kanyang sariling bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha sila at nagsabi, “Saan nakuha ng taong ito ang ganitong karunungan at kapangyarihang gumawa ng mga himala? Hindi ba Siya ang anak ng karpintero?” Mateo 13:54–55

Noong Disyembre 8, 2020, ipinahayag ni Papa Francisco ang pagsisimula ng pagdiriwang ng “Taon ni San Jose” sa buong Simbahan. Magtatapos ang pagdiriwang na ito sa Disyembre 8, 2021. Inilahad niya ang layunin ng taong ito sa isang Liham Apostoliko na pinamagatang “Taglay ang Puso ng Isang Ama.” Sa pambungad ng liham na iyon, sinabi ng Santo Papa, “Matutuklasan ng bawat isa sa atin kay Jose—ang taong hindi napapansin, na araw-araw na naririyan nang tahimik at lingid sa paningin—ang isang tagapamagitan, sandigan at gabay sa panahon ng kagipitan.”

Ipinakikita ng Ebanghelyo sa itaas, na mula sa mga pagbasa para sa paggunita na ito, na si Hesus ay “anak ng karpintero.” Si Jose ay isang manggagawa. Nagtrabaho siya bilang karpintero, gamit ang sarili niyang mga kamay, upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng Mahal na Birheng Maria at ng Anak ng Diyos. Binigyan niya sila ng tahanan, pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay. Pinangalagaan din ni Jose silang dalawa sa pagsunod sa iba’t ibang mensahe ng anghel ng Diyos na nangusap sa kanya sa kanyang mga panaginip. Tahimik at lingid sa paningin ng iba na ginampanan ni Jose ang kanyang mga tungkulin sa buhay, na naglilingkod bilang ama, asawa at manggagawa.

Bagaman kinikilala at pinararangalan ngayon si Jose sa buong Simbahan at maging bilang isang kilalang tao sa kasaysayan ng daigdig, noong nabubuhay pa siya ay isa siyang taong halos hindi napapansin. Itinuturing lamang siya noon na isang karaniwang taong gumaganap sa kanyang karaniwang tungkulin. Ngunit sa maraming paraan, ito mismo ang dahilan kung bakit si San Jose ay isang huwarang dapat tularan at isang bukal ng inspirasyon. Kakaunti lamang ang tinatawag na maglingkod sa kapwa nang lantad sa mata ng madla. Kakaunti lamang ang hayagang pinupuri dahil sa kanilang pang-araw-araw na mga tungkulin. Ang mga magulang, lalo na, ay madalas na hindi gaanong napahahalagahan. Dahil dito, ang buhay ni San Jose—ang mapagkumbaba at di-lantad na buhay na ito na isinabuhay sa Nazaret—ay nagbibigay ng inspirasyon sa karamihan ng mga tao para sa sarili nilang pang-araw-araw na buhay.

Kung ang buhay mo ay tila paulit-ulit, lingid sa paningin ng iba, hindi pinahahalagahan ng nakararami, nakauumay, at kung minsan ay wala pa ngang kasigla-sigla, tumingin ka kay San Jose upang makahugot ng inspirasyon. Sa paggunita ngayong araw, natatangi nating pinararangalan si Jose bilang isang taong nagtrabaho. At pangkaraniwan lamang ang kanyang gawain. Ngunit sa mga pangkaraniwang bahagi ng ating buhay sa araw-araw lalo nating matatagpuan ang kabanalan. Ang pagpiling maglingkod araw-araw, kahit kakaunti o walang papuri mula sa mundo, ay isang paglilingkod na bunga ng pag-ibig, pagtulad sa buhay ni San Jose, at bukal ng kabanalan sa sarili mong buhay. Huwag maliitin ang halaga ng paglilingkod sa ganito at sa iba pang mga paraang pangkaraniwan at hindi napapansin.

Pagnilayan ngayon ang pangkaraniwan at “di-kapansin-pansing” buhay ni San Jose sa araw-araw. Kung nakikita mong ang buhay mo ay katulad ng maaaring naranasan niya bilang manggagawa, asawa at ama, ikagalak mo iyon. Magalak ka sapagkat tinatawag ka rin sa isang buhay na may di-pangkaraniwang kabanalan sa pamamagitan ng mga pangkaraniwang tungkulin sa araw-araw. Gampanan mo ang mga ito nang mabuti. Gampanan mo ang mga ito nang may pag-ibig. At sa pagtupad sa mga ito, humugot ka ng inspirasyon kay San Jose at sa kanyang asawang Mahal na Birheng Maria, na nakibahagi rin sa ganitong payak na pamumuhay sa araw-araw. Tandaan mong ang ginagawa mo sa bawat araw, kapag ginagawa mo ito dahil sa pag-ibig at upang maglingkod sa kapwa, ang pinakatiyak mong landas tungo sa kabanalan ng buhay.

Hesus ko, Anak ng karpintero, nagpapasalamat ako sa Iyo sa kaloob at inspirasyon ng Iyong ama sa lupa, si San Jose. Nagpapasalamat ako sa Iyo sa kanyang karaniwang buhay na isinabuhay nang may dakilang pagmamahal at pananagutan. Tulungan Mo akong tularan ang kanyang buhay sa pamamagitan ng mabuting pagtupad sa aking pang-araw-araw na mga tungkulin sa paggawa at paglilingkod. Nawa’y makita ko sa buhay ni San Jose ang isang ganap na huwaran para sa kabanalan ng aking sariling buhay. San Jose Manggagawa, ipanalangin mo kami. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Pasko ng Pagkabuhay: Mga Panalangin


Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Jose na Manggagawa

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga tampok na larawan sa itaas: San Jose na Manggagawa