Tagalog

Pagiging Maligamgam

Hulyo 13, 2021
Martes ng Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Enrique—Opsiyonal na Paggunita

Video

“Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga makapangyarihang gawang ginawa sa inyong piling, matagal na sana silang nagsisi, na nakadamit ng sako at may abo sa katawan. Ngunit sinasabi Ko sa inyo, higit na magaan ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa sa inyo.” Mateo 11:21–22

Ang Corazin at Betsaida ay mga bayang Judio na madalas dalawin ni Hesus upang mangaral at gumawa ng maraming “makapangyarihang gawa.” Matatagpuan ang mga ito sa gawing hilaga lamang ng Cafarnaum, ang lungsod na Kanyang tinitirhan. Ang Tiro at Sidon naman ay mga paganong lungsod sa baybayin, sa hilagang-silangan ng Corazin at Betsaida, sa tinatawag ngayong Lebanon, at kilala ang mga ito sa imoral na pamumuhay. Bagaman hindi nagtagal si Hesus sa mga lungsod na iyon, dinadalaw Niya ang mga ito paminsan-minsan. Sa unang pagdalaw roon ni Hesus na naitala, alalahanin ang Kanyang pakikipagtagpo sa babaeng Sirofenisa na nagsumamo sa Kanya na pagalingin ang anak nitong babae (Mateo 15:21–28). Ang sipi ng Ebanghelyo sa itaas ay naganap bago maglakbay roon si Hesus.

Bakit napakabigat ng mga salita ni Hesus laban sa mga bayang pinag-ukulan Niya ng napakaraming panahon? Bakit Niya sinaway ang Corazin, Betsaida at Cafarnaum? Upang masagot ito, mahalagang alalahanin na iniukol ni Hesus ang malaking bahagi ng Kanyang panahon sa pangangaral sa “mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel.” Sa madaling salita, ang pangunahing misyon Niya sa Kanyang hayagang ministeryo ay ibahagi ang Ebanghelyo sa mga inapo ni Abraham, na pinagkatiwalaan ng Kautusan ni Moises, ng mga aral ng mga propeta at ng mga ritwal na liturhiko. Dahil dito, hindi lamang nangaral si Hesus sa mga taong ito nang ganap at walang pagkukulang, kundi gumawa rin Siya ng sunod-sunod na mga himala. At bagaman marami ang sumampalataya sa Kanya at naging mga alagad Niya, marami rin ang nanatiling walang pakialam o tahasang tumangging sumampalataya sa Kanya.

Sa ngayon, maaaring makita ang Corazin, Betsaida at Cafarnaum bilang mga sagisag ng mga Katolikong isinilang at lumaki sa pananampalataya at tumanggap ng mabuting paghubog mula sa kanilang mga magulang at sa iba pa. Maraming magulang na may mga anak na naligaw ng landas at lumayo sa pananampalataya ang nagtatanong kung saan sila nagkamali. Ngunit ang katotohanan ay maging si Hesus mismo ay tinanggihan, sa kabila ng Kanyang ganap na pangangaral, ganap na pag-ibig sa kapwa at di-maikakailang mga himala. At gayundin ang nangyayari ngayon. Marami ang, sa kabila ng pagpapalaki sa kanila sa banal na pananampalatayang ibinigay sa atin ni Kristo mismo, tumatanggi sa pananampalatayang iyon at nagbubulag-bulagan sa Ebanghelyo at sa Simbahan.

Ang pagsaway ni Hesus sa mga bayang iyon ay dapat umalingawngaw ngayon sa isipan ng mga taong tumanggi sa Diyos sa kabila ng napakaraming biyayang natanggap nila sa pamamagitan ng mabuting pagpapalaki. Siyempre, ang pagtangging iyon ay hindi laging lubusan at ganap. Mas madalas, unti-unti ang pagtanggi. Nagsisimula ito sa hindi pagdalo sa Misa. Pagkatapos ay sa pakikipagkompromiso sa usaping moral. Kasunod nito ang kakulangan ng pananampalataya. At sa huli, namamayani ang pagkalito, pag-aalinlangan at ganap na pagkawala ng pananampalataya.

Kung sinimulan mo nang tahakin ang landas tungo sa pagiging lalong malahininga sa iyong pananampalataya, dapat mong maunawaan na ang pagsaway ni Hesus sa mga bayang ito ay iniuukol din Niya sa iyo nang may pagmamahal. “Ang bawat binigyan ng marami ay hihingan ng marami…” (Luke 28:48). Kaya naman, malaki ang inaasahan sa mga naturuang mabuti tungkol sa pananampalataya. At kapag hindi natin naisasabuhay ang hinihingi sa atin ng Diyos dahil sa Kanyang pagmamahal, isang banal na pagsaway ang talagang kailangan natin.

Pagnilayan mo ngayon kung ang pagsaway ni Hesus sa mga bayang ito ay nakatuon din sa iyo. Pinagpala ka ba ng mabuting paghubog sa pananampalataya? Kung gayon, ginawa mo na ba ang lahat ng iyong makakaya upang alagaan ang pananampalatayang iyon at lumago sa iyong pagmamahal sa Diyos? O hinayaan mong lumabo ang iyong pananampalataya, maging maligamgam, at magsimulang malanta at mamatay? Kung marami ang ipinagkaloob sa iyo, pinalaki ka sa pananampalataya, at pinagpalang magkaroon ng mabubuting halimbawa sa iyong buhay, alamin mong malaki ang inaasahan sa iyo ng Diyos. Tugunan mo ang dakilang panawagang ibinigay sa iyo at tumugon sa Diyos nang buong puso.

Aking Hesus na nag-aalab sa pagmamahal, ibinuhos Mo ang Iyong buong puso at kaluluwa sa pangangaral Mo sa sambayanan ng Israel. Bagaman marami ang tumanggap sa Iyo, marami rin ang tumanggi sa Iyo. Nagpapasalamat ako sa Iyo sa pribilehiyong ipinagkaloob sa akin na marinig ang Iyong banal na Salitang ipinangangaral sa akin. Tulungan Mo akong tumugon sa Iyo nang buong puso upang mapabilang ako sa mga nakikinig at sumasampalataya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Enrique

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Itinatampok na larawan sa itaas: Araw ng Paghuhukom mula sa flickr