Tagalog

Ang mga Pagsaway sa Iyong Puso

Oktubre 22, 2021
Biyernes ng Ikadalawampu’t Siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Juan Pablo II, Papa—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Video

“Bakit hindi ninyo hatulan sa inyong sarili kung ano ang tama? Kapag pumunta ka sa isang mahistrado kasama ang iyong katunggali, sikapin mong makipagkasundo sa kanya habang nasa daan pa kayo; kung hindi, ihaharap ka ng iyong katunggali sa hukom, ibibigay ka ng hukom sa tanod, at ibibilanggo ka ng tanod. Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalabas hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.” Lucas 12:57–59

Maraming iba’t ibang pagpapakahulugan ang ibinibigay ng mga Ama ng Simbahan sa talatang ito. Kabilang sa mga ito ang paliwanag ni San Beda na ang ating “katunggali” ay maaaring unawain bilang ang Salita ng Diyos, sa diwang nakikipaglaban ang Salita ng Diyos sa ating mga kahinaan at kasalanan. Kapag nakikinig tayo sa Salita ng Diyos, ipamamalay sa atin ng ating Panginoon ang ating mga pagkakamali upang maiayon natin ang ating buhay sa Katotohanan ng Salita ng Diyos mismo.

Kapag iniisip mo ang banal na Salita ng Diyos sa kabuuan nito, alin ang pinakamatinding sumasaway sa iyong budhi? Kung minsan, sinusubukan nating maliitin ang gayong mga personal na pagsaway. Pinangangatwiranan natin ang ating mga ginagawa at ipinagwawalang-bahala ang sinasabi sa atin ng Diyos. May naaalala ka bang mga turo ni Hesus na talagang tumimo at kumirot sa iyong puso? Kung mayroon, ito ay isang biyaya, at isang pagkakataong isabuhay ang aral na itinuro ng ating Panginoon sa talata sa itaas. Hindi sinasaway ng Diyos ang ating puso upang hatulan tayo ng kaparusahan. Sa halip, sinasaway Niya tayo bilang katunggali ng ating kasalanan, upang “sikapin [nating] makipagkasundo sa kanya habang nasa daan pa.” Ang budhi ay isang kahanga-hangang kaloob mula sa ating Panginoon at maihahalintulad sa talatang ito sa itaas. Isa itong uri ng hukuman kung saan ninanais ng ating Panginoon na hindi na Niya tayo kailangang patawan ng parusa. Sa halip, nais Niyang dibdibin natin ang Kanyang banal na Salita, pakinggan ang Kanyang sinasabi, at ayusin ang usapin ng ating kasalanan sa pamamagitan ng agarang pagsisisi.

Sa maraming aral na itinuro ng ating Panginoon, kadalasan ay ang aral na biglang pumupukaw sa atin, kahit sa paraang nakakagulat, ang pinakakailangan nating pagtuunan ng pansin. Madalas na ipinararating sa atin ng Diyos ang Kanyang mga turong pinakakailangang tugunan sa pamamagitan ng pagpapadama sa atin ng pagkakasalang hindi maikakaila. Kung pakikinggan natin ang mga pagsaway na ito ng budhi, hindi na natin kakailanganing humarap sa Hukom. Ngunit kung hindi natin ito gagawin, kung ibabaon natin ang mga pagsaway na ito, mamaliitin at ipagwawalang-bahala ang mga ito, makikita ng ating Panginoon na kailangan Niya tayong patuloy na sawayin. Magsisimula nating maranasan ang Kanyang paghatol, at makikita natin ang mga bunga ng pagkawala natin sa Kanyang mabuting paglingap. At sa huli, kung hindi natin pagsisisihan ang mas mabibigat na kasalanan sa ating buhay, pananagutin tayo maging sa pinakamaliliit na kasalanan. Kakailanganin nating bayaran “ang kahuli-hulihang kusing.”

Pagnilayan mo ngayon ang katotohanang ang Salita ng Diyos, ang lahat ng itinuro sa atin ng ating Panginoon, ay katunggali ng kasalanan sa iyong kaluluwa. Ang mabuti at banal na katunggaling ito ay naghahangad lamang ng pinakamabuti para sa iyo. Italaga mo ang iyong sarili sa patuloy na pagbabasa ng banal na Salita ng Diyos upang lagi kang maging handang makinig sa lahat ng nais sabihin sa iyo ng Diyos, at upang makipagkasundo ka sa ating Panginoon bago Siya mapilitang magpataw ng Kanyang mga hatol. 

Aking lubhang mahabaging Hukom, nais Mong makinig ako sa Iyong banal na Salita, na inihayag sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, upang tanggapin ko ang Iyong lubhang mahabaging pagpapamulat sa akin ng aking kasalanan. Dalangin kong lagi akong maging bukás sa pakikinig sa lahat ng nais Mong sabihin sa akin upang makatugon ako nang may bukas-palad na pagtitiwala, na patuloy na nakikipagkasundo sa Iyo at sa kapwa sa aking paglalakbay sa buhay. Pasiglahin Mo ang aking budhi sa pamamagitan ng Iyong banal na Salita, mahal kong Panginoon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena kay San Judas Tadeo
Para sa mga Sitwasyon at Kasong Tila Wala Nang Pag-asa
Maaaring dasalin anumang panahon ng taon, lalo na sa Oktubre 19–27

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Juan Pablo II, Papa

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Talinhaga ng Di-makatarungang Hukom ng magkapatid na Belousov