Marso 23, 2022
Miyerkules ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Toribio ng Mogrovejo, Obispo—Opsiyonal na Paggunita

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Huwag ninyong isipin na naparito Ako upang pawalang-bisa ang Kautusan o ang mga Propeta. Naparito Ako hindi upang pawalang-bisa ang mga ito kundi upang tuparin.” Mateo 5:17
Kung minsan, tila mabagal kumilos ang Diyos…napakabagal. Marahil ay nahirapan na tayong lahat na maging matiyaga sa paghihintay sa takdang panahon ng Diyos sa ating buhay. Madaling isipin na tayo ang higit na nakaaalam at na kung lalo lamang tayong mananalangin nang taimtim, mapipilit natin ang Diyos na kumilos sa wakas at gawin ang ating ipinagdarasal. Ngunit hindi ganito kumilos ang Diyos.
Ang sipi sa Banal na Kasulatan sa itaas ay dapat magbigay sa atin ng kaunting pag-unawa sa mga paraan ng Diyos. Ang mga ito ay mabagal, tuluy-tuloy, at ganap. Tinutukoy ni Hesus ang “Kautusan at ang mga Propeta” at sinasabing naparito Siya hindi upang pawalang-bisa ang mga ito kundi upang tuparin. Totoo ito. Ngunit mahalagang suriing mabuti kung paano ito nangyari.
Naganap ito sa loob ng libu-libong taon. Kinailangan ng panahon upang unti-unting mahayag ang ganap na plano ng Diyos. Ngunit nahayag ito sa Kanyang takdang panahon at sa Kanyang paraan. Marahil ang lahat ng nasa Lumang Tipan ay sabik na sabik sa pagdating ng Mesiyas upang tuparin ang lahat ng bagay. Ngunit sunod-sunod na dumating at lumisan ang mga propeta, at patuloy nilang itinuro ang darating pang Mesiyas. Maging ang Kautusan sa Lumang Tipan ay isang paraan ng paghahanda sa bayan ng Diyos para sa pagdating ng Mesiyas. Ngunit muli, mabagal ang proseso ng paghubog sa Kautusan, pagpapatupad nito para sa bayan ng Israel, pagtulong sa kanila na maunawaan ito, at pagkatapos ay pagsisimulang isabuhay ito.
Kahit nang dumating na sa wakas ang Mesiyas, marami ang nagnanais, sa kanilang pananabik at kasigasigan, na tuparin Niya kaagad ang lahat ng bagay. Nais nilang maitatag ang kanilang kaharian sa lupa at nais nilang ang kanilang bagong natagpuang Mesiyas ay mamahala na sa Kanyang Kaharian!
Ngunit lubhang naiiba ang plano ng Diyos sa karunungan ng tao. Higit na mataas ang Kanyang mga paraan kaysa sa ating mga paraan. At patuloy na higit na mataas ang Kanyang mga paraan kaysa sa atin! Tinupad ni Hesus ang bawat bahagi ng Kautusan at mga Propeta ng Lumang Tipan, ngunit hindi sa paraang inaasahan ng marami.
Ano ang itinuturo nito sa atin? Tinuturuan tayo nito ng labis na pagtitiyaga. At tinuturuan tayo nito ng pagpapaubaya, pagtitiwala, at pag-asa. Kung nais nating manalangin nang taimtim at mabuti, kailangan nating manalangin sa tamang paraan. At ang tamang paraan ng pananalangin ay ang patuloy na pagdarasal na Mangyari ang kalooban Mo! Muli, mahirap ito sa simula, ngunit nagiging madali kapag nauunawaan at pinaniniwalaan natin na ang Diyos ay laging may ganap na plano para sa ating buhay at para sa bawat pakikibaka at sitwasyong ating kinasasadlakan.
Pagnilayan ngayon ang iyong pagtitiyaga at pagtitiwala sa mga paraan ng Panginoon. Mayroon Siyang ganap na plano para sa iyong buhay, at malamang na naiiba ang planong iyon sa iyong plano. Ipaubaya ang iyong sarili sa Kanya at hayaang gabayan ka ng Kanyang banal na kalooban sa lahat ng bagay.
Aking ganap na Panginoon, ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang aking buhay. Nagtitiwala akong mayroon Kang ganap na plano para sa akin at para sa lahat ng Iyong minamahal na mga anak. Bigyan Mo ako ng pagtitiyagang maghintay sa Iyo at hayaang isakatuparan Mo ang Iyong banal na kalooban sa aking buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo!
40 Araw sa Paanan ng Krus:
Isang Mapagmahal na Pagtingin Mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina
Ikalabinsiyam na Pagninilay – Ang Pagdurusa sa Halamanan
(Miy. ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma)
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Sanggunian para sa Kuwaresma
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma
Santo ng Araw – Santo Toribio de Mogrovejo, Obispo
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa





