Abril 2, 2022
Sabado ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Francisco de Paola, Ermitanyo—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Sumagot ang mga bantay, “Wala pang sinumang nagsalita nang tulad ng taong ito.” Juan 7:46
Ang mga bantay at marami pang iba ay namangha kay Hesus, humanga sa mga salitang Kanyang binigkas. Isinugo ang mga bantay na ito upang dakpin si Hesus sa utos ng mga punong saserdote at mga Pariseo, ngunit hindi nila magawang dakpin Siya. Nawalan sila ng kapangyarihan sa harap ng pagkamanghang pinukaw ni Hesus.
Kapag nagtuturo si Hesus, may naipahahayag Siya na higit pa sa Kanyang mga salita. Oo, makapangyarihan at nakapagpapabago ang Kanyang mga salita, ngunit mahalaga rin ang paraan ng Kanyang pagsasalita. Mahirap itong ipaliwanag, ngunit malinaw na kapag nagsasalita Siya, naipadarama rin Niya ang isang kapangyarihan, kapanatagan, katiyakan, at presensiya. Ipinadarama Niya ang Kanyang Banal na Presensiya, at hindi ito mapagkakamalan. Basta alam ng mga tao na ang taong ito, si Hesus, ay naiiba sa lahat, at sabik silang nakikinig sa bawat salita Niya.
Ganito pa rin nakikipag-usap sa atin ang Diyos. Nagsasalita pa rin sa atin si Hesus sa paraang pumupukaw ng ganitong pagkamangha. Kailangan lamang nating maging mapagmatyag dito. Dapat nating sikaping maging mapagmatyag sa mga paraan ng pagsasalita ng Diyos nang malinaw at kapani-paniwala, na may awtoridad, kalinawan, at katiyakan. Maaaring ito ay isang bagay na sinabi ng isang tao, o isang kilos ng iba na umaantig sa atin. Maaaring ito ay isang aklat na binabasa natin, o isang homiliyang pinakikinggan natin. Anuman ito, dapat nating hanapin ang pumupukaw ng ganitong pagkamangha sapagkat doon natin matatagpuan si Hesus mismo.
Kapansin-pansin na ang pagkamanghang ito ay nagbunsod din ng matinding pamumuna. Maganda ang naging tugon ng mga may payak at tapat na pananampalataya, ngunit ang mga makasarili at nag-aakalang sila lamang ang matuwid ay tumugon nang may pagkondena at galit. Malinaw na naiinggit sila. Pinuna pa nila ang mga bantay at ang iba pang humanga kay Hesus.
Pagnilayan mo ngayon ang mga paraan kung paano ka pinamangha ng Diyos sa Kanyang mensahe at pag-ibig. Hanapin mo ang Kanyang tinig na may katiyakan at kalinawan. Ituon mo ang iyong pakikinig sa paraan ng pakikipag-usap sa iyo ng Diyos, at huwag mong pansinin ang panunuya at pamumunang maaari mong maranasan kapag sinisikap mong sundin ang Kanyang Tinig. Ang Kanyang Tinig ang dapat manaig at umakit sa iyo upang malasap mo ang lahat ng nais Niyang sabihin.
Panginoon kong lubos na pumupukaw ng pagkamangha, nawa’y maging mapagmatyag ako sa Iyong Tinig na hindi mapagkakamalan at sa awtoridad ng Iyong pagsasalita. Nawa’y mamangha ako sa lahat ng nais Mong sabihin. At habang nakikinig ako sa Iyo, mahal kong Panginoon, bigyan Mo ako ng lakas ng loob na tumugon nang may pananampalataya anuman ang maging tugon ng iba. Mahal Kita, mahal kong Panginoon, at hangad kong lubos na matuon sa bawat Salita Mo, na nakikinig nang may paghanga at pagkamangha. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
(Sabado ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma)
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Sanggunian para sa Kuwaresma
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma
Santo ng Araw – San Francisco ng Paola, Ermitanyo
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa





