Abril 8, 2022
Biyernes ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa Ngayon

Dumampot ng mga bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Marami na Akong ipinakitang mabubuting gawa sa inyo mula sa Aking Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit ninyo Ako gustong batuhin?” Juan 10:31–32
Habang papalapit tayo sa Mahal na Araw, at sa Biyernes Santo, nagsisimula nating makita na tumitindi ang pagkamuhi kay Jesus. Gaya ng nakita natin sa pagninilay kahapon, wala itong katuturan. Ang kamuhian si Jesus at hangaring batuhin Siya hanggang mamatay ay lubos na salungat sa katwiran. Ngunit ito ang nangyari. Unti-unting lumakas ang loob ng mga laban kay Jesus hanggang sa dumating ang sukdulang araw na inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin at kusang niyakap ang Kanyang kamatayan.
Sa susunod na dalawang linggo, makabubuting harapin natin nang tuwiran ang ganitong kawalan ng katwiran at pag-uusig. Makabubuting makita ang pagkamuhi ng napakarami at kilalanin ito kung ano talaga ito. Hindi ito kaaya-ayang isipin, ngunit ito ang katotohanan. Ganito ang mundong ginagalawan natin. At isa itong katotohanang haharapin nating lahat sa ating buhay.
Kapag humaharap tayo sa kasamaan at pag-uusig, dapat nating tularan ang ginawa ni Jesus. Hinarap Niya ito nang walang takot. Hinarap Niya ito nang may katotohanan at hindi Niya kailanman tinanggap ang mga kasinungalingan at paninirang-puring ibinato sa Kanya ng napakarami.
Ang totoo, habang lalo tayong napapalapit sa Diyos, lalo ring titindi ang pag-uusig at pagkamuhi na mararanasan natin. Muli, maaaring hindi natin ito maunawaan. Madaling isipin na kung malapit tayo sa Diyos at nagsisikap na magpakabanal, mamahalin at pupurihin tayo ng lahat. Ngunit hindi ganoon ang nangyari kay Jesus, at hindi rin magiging ganoon para sa atin.
Isang susi sa kabanalan ang paninindigan natin sa katotohanan sa gitna ng pag-uusig, pagdurusa, kahirapan, at kalungkutan. Lagi tayong natutuksong isipin na may ginagawa tayong mali kapag hindi umaayon sa ating kagustuhan ang mga pangyayari. Madali tayong malito sa mga kasinungalingan at paninirang-puring ibinabato sa atin ng mundo kapag sinisikap nating manindigan para sa kabutihan at katotohanan. Isang bagay na nais ng Diyos para sa atin, sa gitna ng sarili nating mga krus, ay dalisayin ang ating pananampalataya at magpasiyang manindigan nang matatag sa Kanyang Salita at Katotohanan.
Kapag nahaharap tayo sa isang krus o pag-uusig, maaari itong maging parang isang malakas na tama sa ulo. Maaaring para tayong natutuliro at madaig ng pagkataranta at takot. Ngunit sa mga sandaling ito, higit kailanman, kailangan nating magpakatatag. Kailangan nating manatiling mapagpakumbaba ngunit may malalim na paninindigan sa lahat ng sinabi at ipinahayag sa atin ng Diyos. Pinalalalim nito ang ating kakayahang magtiwala sa Diyos sa lahat ng bagay. Madaling sabihing nagtitiwala tayo sa Diyos kapag magaan ang buhay; mahirap magtiwala sa Kanya kapag napakabigat ng krus na ating pinapasan.
Pagnilayan ngayon ang katotohanang anuman ang iyong krus, ito ay kaloob ng Diyos sapagkat nais Niyang palakasin ka para sa isang mas dakilang layunin. Gaya ng paulit-ulit na sinabi ni San Juan Pablo na Dakila sa panahon ng kanyang pontipikado, “Huwag kayong matakot!” Harapin mo ang iyong mga takot at hayaang baguhin ka ng Diyos sa gitna ng mga ito. Kung gagawin mo ito, matutuklasan mong ang pinakamabibigat mong pakikibaka sa buhay ay siya palang magiging pinakamalalaking biyaya sa iyo.
Aking Panginoong matapang, habang papalapit kami sa paggunita sa Iyong pagdurusa at kamatayan, tulungan Mo akong iugnay ang aking mga krus sa Iyong Krus. Tulungan Mo akong makita ang Iyong presensya at lakas sa aking araw-araw na pakikibaka. Tulungan Mo akong makita ang layunin Mo para sa akin sa gitna ng mga hamong ito. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
(Biyernes ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma)
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Sanggunian para sa Kuwaresma
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma
Mga Santo/Kapistahan sa Araw na Ito
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




