Mayo 15, 2022
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (Taon C)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Hesus, “Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng Tao, at niluluwalhati ang Diyos sa Kanya.” Juan 13:31
Mahalagang malaman ang wakas ng kuwento. Alam ni Hesus ang wakas nang sabihin Niya ang mga salitang ito sa mga Apostol sa Huling Hapunan, kaagad pagkatapos umalis ni Judas upang ipagkanulo Siya. Mahalagang unawain ang pangyayaring ito ayon sa pagkaunawa ni Hesus dito. Sa pananaw na pantao lamang, isa sa pinakamalalapit na kaibigan ni Hesus ang malapit nang magkanulo sa Kanya kapalit ng salapi. Para sa karamihan sa atin, lubha itong makapanlulumo at magiging dahilan ng galit at sama ng loob. Ngunit dahil alam ni Hesus ang wakas ng kuwento, nakita Niya ang pagkakanulo ni Judas bilang daan tungo sa Kanyang pagluwalhati, hindi sa Kanyang pagkatalo. Itinuon Niya ang Kanyang mga mata sa Langit at sa lahat ng Kanyang isasakatuparan sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, sa halip na sa nalalapit na sakit na Kanyang titiisin.
Isa itong makapangyarihang aral para sa ating lahat. Una, mahalagang pagnilayan natin ang pagluwalhati kay Hesus sa pamamagitan ng pagkakanulo sa Kanya, ng Kanyang pagdurusa at kamatayan. Ngunit dapat din nating pagsikapang makita kung ano ang maaaring ibunga ng sarili nating mga pagdurusa kapag iniisa ang mga ito sa Tagapagligtas ng Sanlibutan.
Paano ka tumutugon kapag may nagkakasala sa iyo? Paano kaya ang magiging tugon mo kung ikaw ang pinagtaksilan ni Judas sa kabila ng iyong pagmamahal? Napakahirap harapin nang tapat ang tanong na ito, at mas mahirap pang isabuhay ang tugong ipinamalas ni Hesus. Ang katotohanan ay sa tuwing tayo ay pinagmamalupitan ng iba, binibigyan tayo ng pagkakataong luwalhatiin ang Diyos at palaganapin ang Kaharian ng Langit sa pamamagitan ng pagpapatawad, pag-iisa ng ating pagdurusa sa pagdurusa ni Kristo, at pagkakaloob ng awa. Higit na madaling sabihin ito kaysa isabuhay.
Pagnilayan mo ngayon ang tagpong ito sa Ebanghelyo. Masdan si Judas na umaalis sa Huling Hapunan at lumalabas sa kadiliman ng gabi upang ipagkanulo ang ating Panginoon. Ngunit tingnan mo ito gaya ng pagtingin ni Hesus. Tingnan mo ito nang may pagkaunawang ito ang paraang pinili ng Ama upang ihatid ang kaligtasan sa sanlibutan. Pagnilayan mo rin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa iyo upang gawin ang ginawa ni Hesus. Sikaping tumukoy ng mga tiyak at kongkretong pagkakataon, at tingnan ang bawat pagdurusang iyong tinitiis bilang isang maluwalhating pagkakataong ipamahagi ang awa ng Diyos. Bagaman maaaring mahirap ito sa simula, ang gawang ito ng pag-ibig ang magbibigay ng dakilang kaluwalhatian sa Ama sa Langit!
Minamahal kong Panginoon, ipinagkanulo Ka sa pamamagitan ng halik ng isa sa Iyong pinakamalalapit na kaibigan. Ngunit sa Iyong ganap na karunungan, nakita Mo ang pagkakanulong ito bilang ganap na pagkakataong luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Iyong awa at pagpapatawad. Panginoon, hindi na rin mabilang ang mga pagkakataong ipinagkanulo Kita. Ikinalulungkot ko iyon. Ngunit nagpapasalamat ako sa Iyo sa pagmamahal at pagpapatawad Mo sa akin mula sa Iyong Pusong ganap na maawain. Tulungan Mo akong tanggapin ang awang iyon at ipagkaloob ito sa mga nagkasala sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit Pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo ng Linggo sa Video
Mga Panalangin sa Pasko ng Pagkabuhay
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na Larawan: Ang Huling Hapunan ni Carl Bloch, mula sa Wikimedia Commons




