Tagalog

Ang Krus, ang Eukaristiya at ang Mahal na Ina

Lunes, Hunyo 6, 2022

Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan
Lunes pagkatapos ng Pentekostes

Mga Pagbasa Ngayon

Video

Nang makita ni Hesus ang Kanyang ina at ang minamahal Niyang alagad na naroon, sinabi Niya sa Kanyang ina, “Babae, narito ang iyong anak.” Pagkatapos ay sinabi Niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula nang oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. John 19:26-27

Noong Marso 3, 2018, ipinahayag ni Papa Francisco na isang bagong paggunita ang ipagdiriwang sa Lunes pagkatapos ng Linggo ng Pentekostes, na pinamagatang “Ang Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan.” Mula noon, ang paggunita na ito ay idinagdag sa Pangkalahatang Kalendaryong Romano at ipagdiriwang sa buong Simbahan.

Sa pagtatatag ng paggunita na ito, sinabi ni Kardinal Robert Sarah, Prepekto ng Kongregasyon para sa Banal na Pagsamba:

Ang pagdiriwang na ito ay tutulong sa atin na alalahaning ang paglago sa buhay Kristiyano ay dapat na nakaangkla sa Misteryo ng Krus, sa pag-aalay ni Kristo sa Pigíng ng Eukaristiya at sa Ina ng Manunubos at Ina ng mga Tinubos, ang Birheng nag-aalay ng kanyang handog sa Diyos.

“Nakaangkla” sa Krus, sa Eukaristiya, at sa Mahal na Birheng Maria na kapwa “Ina ng Manunubos” at “Ina ng mga Tinubos.” Kaygaganda ng mga pananaw at kaylalim ng inspirasyong hatid ng mga salitang ito mula sa banal na Kardinal na ito ng Simbahan.

Inilalahad sa atin ng Ebanghelyong pinili para sa paggunita na ito ang banal na larawan ng Mahal na Ina na nakatayo sa harap ng Krus ng kanyang Anak. Habang nakatayo roon, narinig niyang sinabi ni Hesus, “Nauuhaw Ako.” Pinainom Siya ng alak sa pamamagitan ng isang espongha at pagkatapos ay ipinahayag Niya, “Naganap na.” Ang Mahal na Ina ni Hesus, ang Ina ng Manunubos, ay nakatayong saksi habang ang Krus ng kanyang Anak ay naging bukal ng katubusan ng sanlibutan. Nang inumin Niya ang huling lagok na iyon ng alak, nilubos Niya ang pagtatatag ng Bago at Walang Hanggang Hapunang Paskuwa, ang Banal na Eukaristiya.

Bukod dito, bago malagutan ng hininga si Hesus, ipinahayag Niya sa Kanyang ina na siya ay magiging “Ina ng mga Tinubos,” ibig sabihin, ina ng bawat kasapi ng Simbahan. Ang pagkakaloob ni Hesus ng Kanyang ina sa Simbahan ay isinalarawan ng Kanyang mga salitang, “Narito ang iyong anak…Narito ang iyong ina.”

Sa pagdiriwang natin sa bago at magandang paggunita na ito sa buong Simbahan, pagnilayan ang iyong ugnayan sa Krus, sa Eukaristiya at sa iyong ina sa langit. Kung handa kang tumayo sa tabi ng Krus, pagmasdan ito kasama ng ating Mahal na Ina, at saksihan si Hesus na magbuhos ng Kanyang mahal na dugo para sa kaligtasan ng sanlibutan, kung gayon ay may pribilehiyo ka ring marinig Siyang magsabi sa iyo, “Narito ang iyong ina.” Manatiling malapit sa iyong ina sa langit. Hanapin ang kanyang makainang pagkalinga at pag-iingat, at hayaang ang kanyang mga panalangin ay maglapit sa iyo sa kanyang Anak araw-araw.

Pinakamamahal na Inang Maria, Ina ng Diyos, aking ina, at Ina ng Simbahan, ipanalangin mo ako at ang lahat ng iyong mga anak na lubhang nangangailangan ng awa ng iyong Anak na ibinuhos mula sa Krus para sa katubusan ng sanlibutan. Nawa’y lalong mapalapit sa iyo at sa iyong Anak ang lahat ng iyong mga anak habang pinagmamasdan namin ang kaluwalhatian ng Krus at tinatanggap ang Kabanal-banalang Eukaristiya. Inang Maria, ipanalangin mo kami. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo!

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Norberto, Obispo—Paggunita Kung Ibig
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikal na paggunita ngayong taon dahil tumapat ito sa Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan

Karagdagang Babasahin – Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Stiftskirche sa Hechingen ni Fidel Schabet


Simula Hunyo 7, 2022, papasok tayo sa Karaniwang Panahon:

Karaniwang Panahon: Mga Linggo 1–17

 Amazon – Google Play – iTunes