Tagalog

Pananalangin Bago Kumilos

Setyembre 6, 2022
Martes ng Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin, at magdamag Siyang nanalangin sa Diyos. Nang magbukang-liwayway, tinawag Niya ang Kanyang mga alagad, at mula sa kanila ay pumili Siya ng Labindalawa, na tinawag din Niyang mga Apostol. Luke 6:12-13

Nang umagang iyon, matapos magdamag na manalangin si Jesus, gumawa Siya ng ilang napakahalagang pasiya. Pinili Niya ang Kanyang unang labindalawang obispo, ang Labindalawang Apostol. Kapansin-pansin na ginawa lamang Niya ang pasiyang ito matapos ang magdamag na pananalangin.

Sa isang diwa, hindi naman “kinailangan” ni Jesus na manalangin. Ngunit nanalangin Siya. Nanalangin Siya sapagkat likas ito sa kung sino Siya. Siya ang Anak ng Ama, at ang Kanyang pinakamahalagang ugnayan ay ang ugnayan Niya sa Ama sa Langit. Kaya ang Kanyang pananalangin ay likas sa Kanyang buhay at diwang pagka-Diyos. Ang magdamag na pananalangin, na hiwalay sa lahat maliban sa Kanyang Ama, ay isang karaniwang pagpapahayag ng Kanyang ganap na pag-ibig at pakikipagkaisa sa Ama.

Ngunit ang Kanyang oras ng pananalangin ay isa ring karaniwang paraan ng paghahanda Niya para sa mga pasiyang gagawin Niya kinabukasan. Muli, hindi naman sa kinailangan Niyang manalangin upang makapili nang tama. Sa halip, ang Kanyang pananalangin ay bahagi lamang ng banal na proseso ng paggawa ng tamang pagpili. Isa itong paraan ng ganap na pagpapasakop Niya araw-araw ng Kanyang kalikasang pantao sa kalooban ng Ama, upang patuloy Niyang maisabuhay sa mundong ito ang kalooban ng Ama sa bawat araw.

Nagbibigay rin sa atin si Jesus ng isang kahanga-hangang halimbawang matutularan. Tayo, di-tulad ng ating Panginoon, ay kailangang manalangin upang malaman at maisakatuparan ang kalooban ng Ama. Hindi tayo namumuhay nang ganap na nakaayon sa Diyos sa bawat araw at sa bawat sandali. Kaya, samantalang ang panalangin ni Cristo ay isang makalupang pagpapahayag ng Kanyang pagsasabuhay ng kung sino na Siya, ang ating panalangin naman ay isang pagsuko ng sarili upang maging kung sino ang tinatawag tayong maging. Dapat tayong maging si Cristo, na nagsisikap mamuhay sa ganap na pakikipagkaisa sa Kanya at alinsunod sa ganap na kalooban ng Ama.

Pagnilayan mo ngayon ang pangangailangan mong maglaan ng oras sa pananalangin upang higit na lumalim ang iyong pakikipagkaisa sa ating Panginoon. Pagnilayan mo lalo na ang kahalagahan ng paggawa nito bago ka gumawa ng iba’t ibang pasiya sa buhay. Manalangin bago kumilos at hayaan mong ang ating Panginoon ang pumasok sa iyong buhay at gumabay sa iyo ayon sa Kanyang banal na kalooban.

Panginoon, pagkalooban Mo ako ng pusong nananabik na makapiling Ka sa pananalangin sa bawat araw. Tulungan Mo akong ipagkaloob sa Iyo araw-araw ang buo kong buhay nang walang pag-aatubili. Sa pagsuko ko ng aking buhay, nagpapasalamat ako sa Iyo sa pagpasok Mo rito at sa paggabay Mo sa lahat ng aking kilos. Ang buhay ko ay sa Iyo, mahal kong Panginoon, ang buhay ko ay sa Iyo. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Bukas ay sisimulan natin ang:
Nobena sa Mahal na Birhen ng mga Hapis
Setyembre 7–15

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawan: Si Cristo sa Bundok ng mga Olibo ni Josef August Untersberger, mula sa Wikimedia Commons