Tagalog

Pagtanggap sa mga Makasalanan

Nobyembre 3, 2022
Huwebes ng Ikatatlumpu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Martin de Porres, Relihiyoso—Opsiyonal na Paggunita

Video

Ang lahat ng maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit upang makinig kay Jesus, ngunit nagsimulang magreklamo ang mga Pariseo at mga eskriba, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.”  Luke 15:1-2

Paano mo pinakikitunguhan ang mga makasalanang nakakasalamuha mo?  Iniiwasan mo ba sila, pinag-uusapan, kinukutya, kinahahabagan, o binabalewala?  Sana ay hindi!  Paano mo ba dapat pakitunguhan ang makasalanan?  Hinayaan sila ni Jesus na lumapit sa Kanya at pinag-ukulan Niya sila ng pansin.  Sa katunayan, gayon na lamang ang Kanyang awa at kabutihan sa makasalanan kaya matindi Siyang pinuna ng mga Pariseo at mga eskriba.  Ikaw naman?  Handa ka bang makisalamuha sa makasalanan kahit na maging dahilan ito upang punahin ka?

Napakadaling maging mabagsik at mapamuna sa mga taong “karapat-dapat naman dito.”  Kapag nakikita nating malinaw na naliligaw ng landas ang isang tao, halos madama nating may katwiran tayong ituro siya at hamakin, na para bang mas mabuti tayo kaysa sa kanya o para bang dumi lamang siya.  Napakadali ngang gawin nito, ngunit napakalaking pagkakamali!

Kung nais nating maging katulad ni Jesus, dapat ay ibang-iba ang ating saloobin sa kanila.  Dapat ay iba ang ating pakikitungo sa kanila kaysa sa kung ano ang udyok ng ating damdamin.  Ang kasalanan ay pangit at marumi.  Madaling punahin ang isang taong nakagapos sa paulit-ulit na pagkakasala.  Ngunit kung gagawin natin ito, wala tayong ipinagkaiba sa mga Pariseo at mga eskriba noong panahon ni Jesus.  At malamang na gayundin katindi ang maging pakikitungo sa atin ni Jesus dahil sa ating kawalan ng awa.  

Kapansin-pansin na kabilang sa iilang kasalanang palaging sinasaway ni Jesus ang pagiging mapanghusga at mapamuna.  Para bang isinasara ng kasalanang ito ang pinto sa awa ng Diyos sa ating buhay.

Pagnilayan mo ngayon kung paano mo tinitingnan at pinakikitunguhan ang mga taong medyo hayag ang mga kasalanan.  Pinakikitunguhan mo ba sila nang may awa?  O tumutugon ka nang may paghamak at kumikilos nang may pusong mapanghusga?  Muli mong italaga ang iyong sarili sa pagiging maawain at sa ganap na pagtalikod sa panghuhusga.  Si Kristo ang may karapatang humatol, hindi ikaw.  Tinatawag kang maging maawain at mahabagin.  Kung ito lamang ang maibibigay mo, higit kang magiging katulad ng ating maawaing Panginoon.

Panginoon ng awa, tulungan Mo ako kapag nadarama kong nais kong maging mabagsik at mapanghusga.  Tulungan Mo akong tumingin nang may habag sa makasalanan, na makita muna ang kabutihang inilagay Mo sa kanyang kaluluwa bago ang kanyang mga makasalanang gawa.  Tulungan Mo akong ipaubaya sa Iyo ang paghatol at sa halip ay yakapin ang awa.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Pelikulang dokumentaryo tungkol kay Santa Madre Teresa—Nobyembre 2&3!

Bago para sa Adbiyento at Pasko!

Mga Pagninilay para sa Adbiyento at Pasko

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Martin de Porres, Relihiyoso

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristo at ang Makasalanan ni Henryk Siemiradzki, mula sa Wikimedia Commons