Tagalog

Si Hesus ay Hari

Nobyembre 10, 2022
Huwebes ng Ika-Tatlumpu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon

San Leon na Dakila, Papa at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Video

Nang tanungin ng mga Pariseo kung kailan darating ang Kaharian ng Diyos, sumagot si Hesus, “Ang pagdating ng Kaharian ng Diyos ay hindi makikita sa pamamagitan ng pagmamasid, at walang magsasabi, ‘Tingnan ninyo, narito ito,’ o, ‘Naroon ito.’ Sapagkat narito, ang Kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” Luke 17:20-21

Ang Kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo! Ano ang ibig sabihin nito? Nasaan ang Kaharian ng Diyos at paanong ito ay nasa gitna natin?

Maaaring unawain ang Kaharian ng Diyos sa dalawang paraan. Sa huling pagdating ni Kristo, sa wakas ng panahon, ang Kanyang Kaharian ay mananatili magpakailanman at makikita ng lahat. Papawiin Niya ang lahat ng kasalanan at kasamaan, at ang lahat ay gagawing bago. Maghahari Siya magpakailanman at pag-ibig ang mamamahala sa bawat isip at puso. Kay ligayang kaloob na hinihintay natin nang may malaking pag-asa!

Ngunit ang talatang ito ay tumutukoy lalo na sa Kaharian ng Diyos na nasa gitna na natin. Ano ang Kahariang iyon? Ito ang Kahariang naririto sa pamamagitan ng biyayang nananahan sa ating mga puso at sumasaatin sa di-mabilang na paraan araw-araw.

Una, ninanais ni Hesus na maghari sa ating mga puso at mamahala sa ating buhay. Ito ang mahalagang tanong: Hinahayaan ko ba Siyang mamahala? Hindi Siya ang uri ng Haring ipinipilit ang Kanyang sarili na parang isang diktador. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang kapangyarihan upang igiit na sumunod tayo. Siyempre, mangyayari ito sa wakas, kapag bumalik si Hesus, ngunit sa ngayon, ang Kanyang paanyaya ay nananatiling isang paanyaya lamang. Inaanyayahan Niya tayong kilalanin Siya bilang Hari ng ating buhay. Inaanyayahan Niya tayong hayaan Siyang lubusang mamahala. Kung gagawin natin ito, magbibigay Siya sa atin ng mga utos na pawang mga utos ng pag-ibig. Mga kautusan itong umaakay sa atin tungo sa katotohanan at kagandahan. Nagbibigay ang mga ito ng panibagong sigla at nagpapanibago sa atin.

Ikalawa, ang presensya ni Hesus ay nasa ating buong paligid. Naroroon ang Kanyang Kaharian tuwing naroroon ang pag-ibig. Naroroon ang Kanyang Kaharian tuwing kumikilos ang biyaya. Napakadali nating madaig ng mga kasamaan ng mundong ito at hindi mapansin ang presensya ng Diyos. Buhay ang Diyos sa di-mabilang na paraan sa ating buong paligid. Dapat nating laging pagsikapang makita ang presensyang ito, humugot ng inspirasyon mula rito, at mahalin ito.

Pagnilayan mo ngayon ang presensya ng Kaharian ng Diyos sa inyong gitna. Nakikita mo ba ito sa iyong puso? Araw-araw mo bang inaanyayahan si Hesus na mamahala sa iyong buhay? Kinikilala mo ba Siya bilang iyong Panginoon? At nakikita mo ba kung paano Siya lumalapit sa iyo sa pamamagitan ng mga pangyayari sa iyong araw-araw na buhay, ng ibang tao, at ng mga sitwasyong hinaharap mo bawat araw? Hanapin mo Siya sa tuwina at magdudulot ito ng kagalakan sa iyong puso.

Panginoon, inaanyayahan Kita ngayon na pumarito at maghari sa aking puso. Ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang ganap na pamamahala sa aking buhay. Ikaw ang aking Panginoon at aking Hari. Mahal Kita at nais kong mamuhay ayon sa Iyong ganap at banal na kalooban. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Leon na Dakila, Papa at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: The Pharisees Question Jesus ni James Tissot, mula sa Wikimedia Commons