Nobyembre 12, 2022
Sabado ng Ika-Tatlumpu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Josaphat, Obispo at Martir—Paggunita

“Kapag dumating ang Anak ng Tao, makakatagpo kaya Siya ng pananampalataya sa lupa?” Luke 18:8b
Mabuti at kawili-wili ang tanong na ito ni Hesus. Inihaharap Niya ito sa bawat isa sa atin at hinihiling na sagutin natin ito nang personal. Ang sagot ay nakasalalay sa kung mayroon nga bang pananampalataya sa puso ng bawat isa sa atin.
Kaya ano ang sagot mo kay Hesus? Marahil ang sagot ay “Oo.” Ngunit hindi lamang ito basta sagot na oo o hindi. Nawa’y maging isang “oo” ito na patuloy na lumalalim at tumitibay sa katiyakan.
Ano ang pananampalataya? Ang pananampalataya ay tugon ng bawat isa sa atin sa Diyos na nangungusap sa ating mga puso. Upang magkaroon ng pananampalataya, kailangan muna nating makinig sa Diyos na nangungusap. Dapat nating hayaan Siyang magpakilala sa atin sa kaibuturan ng ating budhi. At kapag ginawa Niya ito, ipinapamalas natin ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtugon sa lahat ng Kanyang inihahayag. Sumasampalataya tayo sa Kanyang Salitang ipinahahayag sa atin, at ang gawang ito ng pagsampalataya ang bumabago sa atin at humuhubog ng pananampalataya sa ating kalooban.
Ang pananampalataya ay hindi lamang basta paniniwala. Ito ay paniniwala sa sinasabi ng Diyos sa atin. Ito ay paniniwala sa Kanyang mismong Salita at sa Kanyang mismong Persona. Kapansin-pansin na kapag tinatanggap natin ang kaloob ng pananampalataya, ang ating katiyakan tungkol sa Diyos at sa lahat ng Kanyang sinasabi ay lumalago nang lubos at malalim. Ang katiyakang iyon ang hinahanap ng Diyos sa ating buhay at siyang magiging sagot sa Kanyang tanong sa itaas.
Pagnilayan mo ngayon kung gaano katunay at katiyak ang iyong pananampalataya. Pagnilayan mong itinatanong ito sa iyo ni Hesus. Makakatagpo kaya Siya ng pananampalataya sa iyong puso? Hayaang lumago ang iyong “Oo” sa Kanya at italaga ang iyong sarili sa mas malalim na pagtanggap sa lahat ng Kanyang inihahayag sa iyo sa bawat araw. Huwag kang matakot na hanapin ang Kanyang tinig upang masabi mong “Oo” sa lahat ng Kanyang inihahayag.
Panginoon, hangad kong lumago sa pananampalataya. Hangad kong lumago sa aking pag-ibig at pagkakilala sa Iyo. Nawa’y maging buhay ang pananampalataya sa aking buhay at matagpuan Mo ito bilang isang mahalagang kaloob na iniaalay ko sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo sa Araw na Ito – San Josaphat, Obispo at Martir
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na larawan sa itaas: Ang Huling Paghuhukom ni Hans Memling, mula sa Wikimedia Commons





