Tagalog

Paggawa ng mga “Dakilang” Bagay!

Nobyembre 21, 2022
Lunes sa Ikatatlumpu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Paghahandog ng Mahal na Birheng Maria sa Templo—Paggunita

Video

Nang tumingala si Jesus, nakita Niya ang ilang mayayamang naghuhulog ng kanilang mga handog sa kabang-yaman ng Templo. Napansin din Niya ang isang dukhang biyudang naghuhulog ng dalawang maliit na barya. Sinabi Niya, “Tunay Kong sinasabi sa inyo, ang dukhang biyudang ito ay naghulog nang higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat silang lahat ay naghandog mula sa labis nilang kayamanan, ngunit siya, sa kabila ng kanyang karukhaan, ay naghandog ng lahat ng kanyang ikabubuhay.”  Luke 21:1-4

Talaga bang higit ang ibinigay niya kaysa sa kanilang lahat?  Ayon kay Jesus, oo!  Paano ito nangyari?  Ipinahahayag sa atin ng talatang ito ng Ebanghelyo kung paano tinitingnan ng Diyos ang ating pagbibigay, kung ihahambing sa pananaw ng mundo.

Ano nga ba ang tunay na diwa ng pagbibigay at pagkabukas-palad?  Nasusukat ba ito sa dami ng ating pera?  O may mas malalim itong kahulugan, na higit na nagmumula sa ating kalooban?  Tiyak na ang huli ang tamang sagot.

Sa pagkakataong ito, ang pagbibigay ay tumutukoy sa salapi.  Ngunit isa lamang itong paglalarawan ng lahat ng uri ng pagbibigay na tinatawag tayong gawin.  Halimbawa, tinatawag din tayong ihandog sa Diyos ang ating panahon at mga talento dahil sa pagmamahal sa kapwa, upang patatagin ang Simbahan at palaganapin ang Ebanghelyo.  

Tingnan ang pagbibigay mula sa pananaw na ito.  Isaalang-alang ang pagbibigay ng ilan sa mga dakilang santong namuhay nang lingid sa mata ng mundo.  Halimbawa, inialay ni Santa Teresita ng Lisieux ang kanyang buhay kay Kristo sa di-mabilang na maliliit na paraan.  Namuhay siya sa loob ng mga pader ng kanyang kumbento at bihira siyang makipag-ugnayan sa daigdig sa labas nito. Kaya, sa pananaw ng mundo, kakaunti lamang ang kanyang naibigay at maliit lamang ang naging epekto ng kanyang buhay.  Gayunman, itinuturing siya ngayon na isa sa mga pinakadakilang Pantas ng Simbahan dahil sa munting handog ng kanyang espirituwal na talambuhay at sa patotoo ng kanyang buhay.

Maaaring ganito rin ang masabi tungkol sa iyo.  Marahil ay abala ka sa mga pang-araw-araw na gawaing tila maliliit at walang gaanong halaga.  Marahil ay nauubos ang iyong maghapon sa pagluluto, paglilinis, pag-aalaga sa pamilya, at iba pang katulad na gawain.  O marahil ay ginugugol mo ang halos buong araw sa iyong trabaho at kakaunti na lamang ang natitira mong oras para sa mga “dakilang” bagay na maiaalay kay Kristo.  Ito talaga ang tanong: Paano tinitingnan ng Diyos ang iyong pang-araw-araw na paglilingkod?  

Pagnilayan mo ngayon ang iyong tawag sa buhay.  Marahil ay hindi ka tinatawag na humayo at gumawa ng mga “dakilang bagay” ayon sa pananaw ng publiko at ng mundo.  O marahil ay hindi ka man lamang gumagawa ng mga “dakilang bagay” na napapansin sa loob ng Simbahan.  Ngunit ang nakikita ng Diyos ay ang araw-araw mong mga gawa ng pagmamahal, kahit sa pinakamaliliit na paraan.  Ang pagtupad nang buong puso sa iyong pang-araw-araw na tungkulin, pagmamahal sa iyong pamilya, pag-aalay ng mga panalangin araw-araw, at iba pa ay mga kayamanang maihahandog mo sa Diyos sa bawat araw.  Nakikita Niya ang mga ito at, higit sa lahat, nakikita Niya ang pagmamahal at debosyong kalakip ng iyong paggawa.  Kaya huwag kang magpadala sa huwad at makamundong pananaw sa kadakilaan.  Gawin mo ang maliliit na bagay nang may dakilang pagmamahal, at sagana ang maihahandog mo sa Diyos sa paglilingkod sa Kanyang banal na kalooban.

Panginoon ng tunay na kadakilaan, iniaalay ko ang aking sarili sa Iyo at sa paglilingkod sa Iyo sa araw na ito at sa bawat araw.  Nawa’y magawa ko nang may dakilang pagmamahal ang lahat ng tinatawag Mong gawin ko.  Patuloy Mo pong ipakita sa akin ang aking pang-araw-araw na tungkulin at tulungan Mo akong tuparin ito nang buong puso ayon sa Iyong banal na kalooban.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Santo sa Araw na Ito – Paghahandog ng Mahal na Birheng Maria sa Templo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Munting Handog ng Biyuda ni James Tissot, mula sa Wikimedia Commons