Tagalog

Ang Darating na Pag-uusig

Nobyembre 23, 2022
Miyerkules ng Ikatatlumpu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Clemente I, Papa at Martir—Opsiyonal na Paggunita

Beato Miguel Agustín Pro, Pari at Martir—Opsiyonal na Paggunita sa USA

San Columbano, Abad—Opsiyonal na Paggunita

Video

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Darakpin nila kayo at pag-uusigin, ibibigay kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan, at ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Ito ang magiging pagkakataon ninyo upang magpatotoo.”  Luke 21:12-13

Isa itong kaisipang dapat pagnilayan nang taimtim.  At habang nagpapatuloy ang talatang ito, lalo itong nagiging mapanghamon.  Sinasabi pa nito, “Ipagkakanulo kayo maging ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan, ngunit hindi mawawala kahit isang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag ay makakamit ninyo ang inyong buhay.”

May dalawang mahalagang aral tayong dapat matutuhan sa talatang ito.  Una, tulad ng Ebanghelyo kahapon, nagbibigay sa atin si Jesus ng isang propesiyang naghahanda sa atin para sa darating na pag-uusig.  Sa pagsasabi Niya sa atin kung ano ang darating, mas magiging handa tayo kapag nangyari na ito.  Oo, ang tratuhin nang malupit at walang awa, lalo na ng pamilya at mga taong malapit sa atin, ay isang mabigat na krus.  Maaari tayong mayanig nito hanggang sa panghinaan tayo ng loob, magalit, at mawalan ng pag-asa.  Ngunit huwag magpadala!  Nakita na ng Panginoon na mangyayari ito at inihahanda Niya tayo para rito.

Ikalawa, itinuturo sa atin ni Jesus kung paano haharapin ang malupit at mapaminsalang pagtrato sa atin.  Sinasabi Niya, “Sa inyong pagpapakatatag ay makakamit ninyo ang inyong buhay.”  Sa pananatiling matatag sa mga pagsubok ng buhay at sa pagpapanatili ng pag-asa, awa, at pagtitiwala sa Diyos, magtatagumpay tayo. Napakahalaga ng mensaheng ito.  At tiyak na isa itong mensaheng mas madaling sabihin kaysa isabuhay.  

Pagnilayan ngayon ang paanyaya ni Jesus na mamuhay tayo nang may pagpapakatatag.  Kadalasan, kung kailan pinakakailangan ang pagpapakatatag, saka pa tayo nawawalan ng ganang magpakatatag.  Sa halip, maaaring gusto nating manumbat, gumanti, at magalit.  Ngunit kapag dumating sa atin ang mga pagkakataong puno ng pagsubok, maisasabuhay natin ang Ebanghelyong ito sa paraang hindi natin kailanman magagawa kung madali at maginhawa ang lahat sa ating buhay.  Kung minsan, ang pinakadakilang kaloob na matatanggap natin ay ang pinakamahirap, sapagkat nililinang nito ang birtud ng pagpapakatatag.  Kung nasa ganitong kalagayan ka ngayon, ituon mo ang iyong paningin sa pag-asa at tingnan ang anumang pag-uusig bilang isang tawag sa higit na paglago sa birtud.

Panginoon, iniaalay ko sa Iyo ang aking mga krus, mga hinanakit, at mga pag-uusig na dinaranas ko.  Iniaalay ko sa Iyo ang lahat ng pagmamalupit na naranasan ko.  Para sa maliliit na kawalang-katarungang iyon, nagsusumamo ako ng awa.  At kapag labis akong nababagabag dahil sa pagkapoot ng iba, dalangin kong makapagpakatatag ako sa Iyong biyaya.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

Tustusan ang Pag-aaral ng mga Batang Nangangailangan!

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Santo sa Araw na Ito – 

San Clemente I, Papa at Martir

Beato Miguel Agustín Pro, Pari at Martir

San Columbano, Abad

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristong Dinakip, ni Giuseppe Cesari, mula sa Wikimedia Commons


Kilalanin ang isa sa mga pinakadakilang santo sa lahat ng panahon!

Mga Aral mula kay San Francisco ng Assisi:
Ang Karunungan ng Minamahal na Lingkod ng Diyos