Nobyembre 24, 2022
Huwebes ng Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
(Sa USA, tingnan ang pagninilay para sa Araw ng Pasasalamat)
San Andres Dung-Lac, Pari, at ang Kanyang mga Kasama, mga Martir—Paggunita

“At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Ngunit kapag nagsimula nang mangyari ang mga tandang ito, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo sapagkat malapit na ang inyong katubusan.” Lucas 21:27-28
Tatlong araw na lamang ang natitira sa kasalukuyang taong liturhiko. Sa Linggo ay magsisimula ang Adbiyento at ang isang bagong taong liturhiko! Kaya naman, habang papalapit tayo sa pagtatapos ng kasalukuyang taong liturhiko, patuloy nating itinutuon ang ating mga mata sa mga huli at maluwalhating bagay na darating. Sa partikular, inihaharap sa atin ngayon ang maluwalhating pagbabalik ni Hesus na “dumarating sa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Ang lubhang kapansin-pansin at makatutulong sa siping ito sa itaas ay ang panawagan sa atin na salubungin ang Kanyang maluwalhating pagbabalik nang nakataas ang ating mga ulo, na puspos ng pag-asa at pagtitiwala.
Mahalagang pagnilayan ang larawang ito. Subukan mong isipin si Hesus na nagbabalik taglay ang buo Niyang karilagan at kaluwalhatian. Subukan mong isipin ang Kanyang pagdating sa pinakakamangha-mangha at pinakaringal na paraan. Magbabagong-anyo ang buong kalangitan habang pinalilibutan ng mga anghel ng Langit ang ating Panginoon. Biglang mapapasailalim kay Hesus ang lahat ng kapangyarihan sa lupa. Mababaling kay Kristo ang bawat mata at ang lahat, gustuhin man nila o hindi, ay yuyukod sa maluwalhating presensya ng Hari ng mga Hari!
Magaganap ang katotohanang ito. Panahon lamang ang hinihintay. Tunay ngang magbabalik si Hesus at gagawing bago ang lahat. Ito ang tanong: Magiging handa ka ba? Mabibigla ka ba sa araw na ito? Kung mangyari ito ngayon, ano ang magiging tugon mo? Matatakot ka ba at biglang mapagtatantong dapat ka sanang nagsisi sa ilang kasalanan? Mapupuno ka ba agad ng panghihinayang kapag napagtanto mong huli na ang lahat upang baguhin ang iyong buhay ayon sa nais ng ating Panginoon? O mapapabilang ka ba sa mga nakatindig nang tuwid at nakataas ang ulo, habang masaya at may pagtitiwala kang nagagalak sa maluwalhating pagbabalik ng ating Panginoon?
Pagnilayan mo ngayon kung gaano ka kahanda sa maluwalhating pagbabalik ni Hesus. Tinatawag tayong maging handa sa bawat sandali. Ang pagiging handa ay nangangahulugang namumuhay tayo nang lubos sa Kanyang biyaya at awa, at naaayon sa Kanyang ganap na kalooban. Kung magbabalik Siya sa sandaling ito, gaano ka kaya kahanda?
Panginoon, nawa’y dumating ang Iyong Kaharian at masunod ang Iyong kalooban. Dumating Ka nawa, Hesus, at itatag Mo ang Iyong maluwalhating Kaharian sa aking buhay dito at ngayon. At habang naitatatag ang Iyong Kaharian sa aking buhay, tulungan Mo akong maging handa sa Iyong maluwalhati at ganap na pagbabalik sa katapusan ng mga panahon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Andres Dung-Lac, Pari, at ang Kanyang mga Kasamang Martir
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na larawan: Ang Huling Paghuhukom, ni Michelangelo, mula sa Wikimedia Commons





