Tagalog

Paglalapag ng Iyong mga Pasanin

Disyembre 7, 2022
Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Ambrosio, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Video

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa mga pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan.” Matthew 11:28

Isa sa mga pinakakasiya-siya at pinakamabuti sa kalusugan na gawain sa buhay ang pagtulog. Lalo itong totoo kapag nakakatulog nang mahimbing at nakagiginhawa. Sa paggising, ang taong nakatulog nang mahimbing ay nakadarama ng panibagong sigla at handa na para sa isang bagong araw. Siyempre, totoo rin ang kabaligtaran. Kapag mahirap makatulog at hindi mapanatag ang tulog, maaaring makaranas ang tao ng maraming masamang epekto, lalo na kapag naging karaniwan na ang kakulangan sa maayos na tulog.

Ganoon din sa ating buhay espirituwal. Para sa maraming tao, hindi pamilyar ang “espirituwal na kapahingahan.” Maaaring umusal sila ng ilang panalangin bawat linggo, dumalo sa Misa, o maglaan pa nga ng isang banal na oras. Ngunit malibang pumasok ang bawat isa sa atin sa isang uri ng panalanging malalim at nagpapabago, hindi natin mararanasan ang panloob na espirituwal na kapahingahang kailangan natin.

Ang paanyaya ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon na “Lumapit kayo sa akin…” ay isang paanyayang magbago sa ating kalooban, habang hinahayaan natin Siyang pagaanin ang mga pasanin ng ating pang-araw-araw na buhay. Araw-araw, madalas tayong humaharap sa mga espirituwal na paghihirap at hamon, tulad ng mga tukso, pagkalito, pagkabigo, galit, at iba pa. Madalas tayong paulanan araw-araw ng mga kasinungalingan ng diyablo, ng poot ng isang kulturang lalong nagiging sekular, at ng mga pag-atake sa ating mga pandama sa pamamagitan ng sari-saring anyo ng midyang kinokonsumo natin araw-araw. Ang mga ito at ang marami pang bagay na nakakaharap natin sa bawat araw ay unti-unting umuubos sa ating lakas sa kaibuturan ng ating buhay espirituwal. Dahil dito, kailangan natin ang espirituwal na pagpapanibagong-sigla na nagmumula lamang sa ating Panginoon. Kailangan natin ang espirituwal na “pagtulog” na bunga ng malalim at nagbibigay-siglang panalangin. At magiging posible lamang ang ganitong uri ng panalangin kung diringgin natin ang paanyaya ni Kristo na lumapit sa Kanya nang buong pagkatao, na isinusuko ang lahat ng tayo at ang lahat ng nararanasan natin sa bawat araw.

Pagnilayan mo ngayon kung nakadarama ka kung minsan ng pagkapagod. Pag-isipan lalo na ang anumang pagkapagod ng isip o damdamin. Kadalasan, ang ganitong mga pagkapagod ay espirituwal pala sa kalikasan at nangangailangan ng espirituwal na lunas. Hanapin ang lunas na iniaalok sa iyo ng ating Panginoon sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang paanyayang lumapit sa Kanya sa malalim na panalangin at magpahinga sa Kanyang presensya. Ang paggawa nito ay makatutulong upang maalis ang mabibigat na pasaning pinapasan mo.

Mapagmahal kong Panginoon, tinatanggap ko ang Iyong paanyayang lumapit sa Iyo at magpahinga sa Iyong maluwalhating presensya. Ilapit Mo ako, mahal kong Panginoon, sa Iyong pusong nag-uumapaw sa biyaya at awa. Ilapit Mo ako sa Iyong presensya upang makapagpahinga ako sa Iyo at mapalaya mula sa maraming pasanin ng buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7

Tingnan ang lahat ng aming Materyal para sa Adbiyento

Nobena ni San Andres para sa Pasko
Ang panalangin sa ibaba para sa Nobena ni San Andres para sa Pasko ay tradisyonal na dinarasal nang 15 ulit bawat araw mula Nobyembre 30, Kapistahan ni San Andres, hanggang sa Bisperas ng Pasko.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Adbiyento

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw –  San Ambrosio, Obispo at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Christus Consolator ni Carl Heinrich Bloch, mula sa Wikimedia Commons