Miyerkules, Pebrero 22, 2023
Miyerkules ng Abo (Taon A)

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo na huwag gawin ang mga gawang matuwid upang makita ng mga tao; kung hindi, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama sa langit.” Mateo 6:1
Isang bagay na nagbibigay sa atin ng makamundong kasiyahan ay ang papuri sa harap ng marami. Madalas nating hangaring mapansin tayo ng iba dahil sa ating mga nagawa. Nais nating hangaan tayo at madalas pa tayong gumawa ng paraan upang malaman ng iba kung gaano karaming kabutihan ang ating ginagawa. Ikaw, kumusta ka? Palagi mo bang hinahangad na itaas ang iyong sarili sa paningin ng iba?
Sa Lumang Tipan, karaniwan ang paghahangad ng makamundong karangalan. Sa katunayan, binanggit pa nga ng Kautusan ni Moises ang mga ito bilang mga “pagpapala” na ipagkakaloob bunga ng pagsunod sa Diyos (Tingnan ang Deuteronomio 28). Ngunit isang pangunahing aral ng Bagong Kautusan ng biyaya ni Hesus ay na hindi na dapat maging layunin sa buhay ang mga karangalang makalupa. Sa halip, dapat pagtuunan ng pansin ang mga panloob na kayamanan ng kabanalan at ang mga yamang iniipon sa Langit. Binabalaan tayo ng Ebanghelyo ngayon na ang paghahangad ng papuri ng tao ay magbubunga ng pagkawala ng gantimpala mula sa Ama sa Langit. Ang paglilimos, pag-aayuno at pagdarasal ay pinakamainam gawin nang lihim upang “ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay gagantimpala sa iyo.”
Sa pagsisimula ng ating paglalakbay ngayong Kuwaresma, mainam na tapat mong suriin ang mga layunin at hangarin ng iyong buhay ng pananampalataya at pag-ibig. Isa sa mga dapat nating layunin ay ang isabuhay ang ating pananampalataya at pag-ibig sa paraang lingid sa paningin ng iba. Dapat may isang lihim na aspekto ang ating buhay ng pananampalataya. Hindi ito nangangahulugang kikilos tayo na para bang hindi tayo Kristiyano o para bang ikinahihiya natin ang ating pananampalataya. Sa halip, ang “natatago” at “lihim” na pagsasabuhay ng ating pananampalataya ay nangangahulugang nagdarasal tayo, naglilingkod, nag-aayuno, at lumalago sa ating ugnayan sa Diyos dahil mahal natin ang Diyos at nais nating sundin ang Kanyang kalooban. Nangangahulugan ito na ang ating pinakadakilang gantimpala ay ang mga panloob na pagpapalang matatanggap natin mula sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Dapat tayong tumingin sa ating kalooban at matuklasan ang Diyos na nananahan doon. Dapat magkaroon ng isang matalik na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa ating kalooban na tayo lamang ang nakakakita. At ang lihim, panloob at matalik na pag-ibig na ito sa Diyos ay dapat maging mapagpabago at sumaklaw sa buo nating pagkatao. Gaano kabuhay ang panloob na ugnayang ito sa Diyos sa iyong buhay?
Ang mabuting balita ay kapag pumasok tayo sa isang matalik na ugnayan sa ating mapagmahal na Diyos sa lihim na kaibuturan ng ating kaluluwa, gagamitin tayo ng Diyos upang maantig ang buhay ng iba. Hindi tayo magiging kainggitan ng iba o maglalayong hangaan nila tayo. Hindi tayo magiging sentro ng pansin. Sa halip, gagamitin tayo ng Diyos upang tulungan ang iba na suriin ang kanilang sariling kaluluwa at matuklasan ang pag-ibig ng Diyos para sa kanila. Sa isang diwa, nawawala tayo sa ganitong pagkakubli, at ang Diyos ang Siyang nagdudulot ng pagbabago sa buhay ng iba sa pamamagitan natin. Ito ang tunay na pananampalataya. Ito ang tunay na kabanalan. Ito ang tunay na pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit tayo nagdarasal, nag-aayuno at naghahandog ng ating sarili para sa iba. Hindi upang papurihan tayo, kundi alang-alang sa pag-ibig sa Diyos, sa kabanalan ng ating kaluluwa at sa kaligtasan ng iba.
Pagnilayan mo ngayon ang payak na katotohanang nais ng Diyos na lumapit sa iyo sa isang lubhang natatago at lihim na paraan ngayong Kuwaresma. Nais Niyang ihayag sa iyo ang Kanyang pag-ibig, nang personal. Hindi upang maipagsabi mo sa lahat kung gaano ka kabanal, kundi upang makilala mo ang pag-ibig ng Diyos sa iyong kalooban. Pagnilayan ang natatago at banal na ugnayang ito na nais ng Diyos na magkaroon sa iyo, at alamin mong kung hahayaan mo itong lumago, maaantig din ng Diyos ang iba sa pamamagitan mo sa mga paraang higit sa iyong nauunawaan.
Aking Panginoong nakakubli, ninanais Mong lumapit sa akin sa lihim na kaibuturan ng aking kaluluwa at ihayag sa akin ang Iyong pag-ibig. Nawa’y matagpuan Kita roon araw-araw at lalo pang lumago sa isang matalik na ugnayan sa Iyo. Sa Iyong paglapit sa akin ngayong Kuwaresma, gamitin Mo rin sana ako sa maraming lihim na paraan upang maging kasangkapan ng Iyong pag-ibig para sa iba. Sa Iyo ang lahat ng papuri at kaluwalhatian, O Panginoon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
40 Days at the Foot of the Cross: Panimula
Isang Sulyap ng Pag-ibig mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina
Mga Sanggunian para sa Kuwaresma
Mga tampok na aklat para sa Kuwaresma:
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma
Karagdagang Babasahin – Miyerkules ng Abo
Santo ng Araw – Luklukan ni San Pedro, Apostol—Kapistahan
Hindi ipinagdiriwang sa 2023 dahil pinapalitan ito ng Miyerkules ng Abo
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na larawan sa itaas: Miyerkules ng Abo, mula sa flickr






