Abril 9, 2023
Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Taon A)

Nang unang araw ng linggo, maagang pumunta si Maria Magdalena sa libingan, habang madilim pa, at nakita niyang naalis na ang bato sa bukana ng libingan. Kaya tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na minamahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila Siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad at nagtungo sa libingan. Juan 20:1–3
Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay! Muling nabuhay ang ating Panginoon, napagtagumpayan Niya ang kamatayan at binuksan Niya ang mga pintuan ng Langit para sa lahat ng sumasampalataya at tumatanggap sa kaloob na kaligtasan. Aleluya! Kayluwalhati ng araw na ating ipinagdiriwang!
Nagtatapos ang Ebanghelyo ngayon sa mga salitang, “Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang Kasulatan na kailangang muli Siyang mabuhay mula sa mga patay.” Makikita ito sa unang naging tugon nina Maria Magdalena, Simon Pedro at Apostol Juan. Noong una, inakala ni Maria na may kumuha sa katawan ni Jesus at naglipat nito mula sa libingan. Nalito si Pedro at tumakbo upang makita niya mismo. Pumunta rin si Juan, at nang makita niya ang libingang walang laman, sumampalataya siya. Sa kalaunan, mauunawaan ito at sasampalataya ang lahat ng Apostol.
May mahalagang aral para sa atin ang unang naging tugon sa libingang walang laman. Bagaman malinaw na nating nalalaman ngayon ang Muling Pagkabuhay ni Kristo, dapat patuloy na lumalim ang ating pagkaunawa sa maluwalhating pangyayaring ito. Pinatutunayan ito ng katotohanang unti-unting naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang Muling Pagkabuhay sa paglipas ng panahon. Hindi nila naunawaan ang Kanyang Muling Pagkabuhay nang una itong itinuro sa kanila ni Jesus. Hindi nila ito lubos na naunawaan nang makita nila ang libingang walang laman. Hindi pa rin nila ito lubos na naunawaan kahit nang makita nila ang Panginoong muling nabuhay. Nang matanggap lamang nila ang kaloob ng Espiritu Santo sa Pentekostes nabuksan ang kanilang isipan sa kamangha-manghang misteryong ito ng pananampalataya, upang masimulan nilang mas malalim na masaliksik at mas malinaw na maunawaan ang misteryong ito.
Ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ay isang tunay na pangyayari sa kasaysayan. Ngunit isa rin itong pangyayaring lampas sa panahon. Isa itong pangyayaring dapat tumagos sa lahat ng panahon at magpanibago sa bawat sandali ng ating buhay. Nang muling mabuhay si Jesus mula sa mga patay, ibang-iba ito sa simpleng pagbabalik sa buhay. Hindi lamang Siya bumalik sa buhay na ipinamuhay Niya bago Siya namatay. Sa halip, ang Kanyang kalagayan bilang muling nabuhay ay isang bagong simula. Naiiba na Siya ngayon. Nagbagong-anyo Siya. Hindi na tatanda ang Kanyang katawan. Hindi na ito maaaring mamatay. Maaari itong tumagos sa mga nakasarang pinto. Ang katawang ito ng ating Panginoon na muling nabuhay, na ganap na kaisa ng Kanyang pagka-Diyos, ay mananatili sa Kanya magpakailanman.
Dahil din sa katawang muling nabuhay ng ating Panginoon, maaari tayong makibahagi sa Kanyang kalagayan bilang muling nabuhay. May pag-asa na tayo ngayon na, kung makikibahagi tayo sa Kanyang pagdurusa at kamatayan, makikibahagi rin tayo sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Ngunit ano ang ibig sabihin nito? Naniniwala si Santo Tomas de Aquino na ang ating mga katawang muling nabuhay ay magiging maluwalhati nang higit sa kayang isipin. Hindi na tayo tatanda, hindi na mangangailangan ng pagkain, hindi na daranas ng karamdaman, magiging malaya sa lahat ng di-kaayusan, at mamumuhay nang ganito magpakailanman. Sa paraang higit sa ating pagkaunawa, sa pamamagitan ng ating katawan, maibabahagi rin natin ang ating sarili sa kapwa sa isang dalisay at banal na paraan, na ipinahahayag sa kanila ang pag-ibig ng Diyos na buhay sa ating kaluluwa. Tatanggapin natin ang kaloob ng liksi, na magbibigay sa atin ng kakayahang lumipat kaagad sa ibang lugar sa pamamagitan lamang ng pag-iisip nito. Ipapakita ng ating mga bagong katawang niluwalhati ang mga paraan ng ating pagmamahal at paglilingkod sa Diyos sa mundong ito. Halimbawa, may mga sugat sa mga kamay, paa at tagiliran ang katawang muling nabuhay ni Jesus. Ngunit ngayon, nagniningning mula sa mga sugat na iyon ang Kanyang kaluwalhatian, at magpakailanman ay nagpapatotoo ang mga iyon sa Kanyang gawa ng ganap na pag-ibig.
Pagnilayan mo ngayon ang Muling Pagkabuhay ng Tagapagligtas ng Sanlibutan. Sa paggawa nito, pagnilayan mo rin ang Kanyang paanyayang makibahagi sa bagong buhay na ito. Bagama’t lubos lamang nating mauunawaan ang marami sa mga bagay tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Jesus, gayundin ang ating pag-asang makibahagi sa Kanyang kalagayan bilang muling nabuhay, kapag tayo mismo ay nakibahagi na rito, mahalagang isaisip natin ang mga ito upang mayroon tayong pananabikan. Sa pinakakaunti, dapat nating malaman at maunawaan na ang ating pakikibahagi sa kalagayan ni Jesus bilang muling nabuhay ay maluwalhati nang higit pa sa kaya nating isipin. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayon. At ang pagdiriwang na ito ay dapat pumuspos sa atin ng pag-asam na puno ng pag-asa sa ating pakikibahagi sa darating na maluwalhating bagong buhay na ito.
Aking Panginoong muling nabuhay, ang Iyong banal na katawan at kaluluwa ay magpakailanmang nagkakaisa sa isang bago at niluwalhating kalagayan. Inaanyayahan Mo kaming lahat ngayon na makibahagi sa Iyong pagdurusa at kamatayan sa buhay na ito upang makibahagi rin kami sa Iyong Muling Pagkabuhay. Nawa’y puspusin Mo ang aking isip ng pagkaunawa sa kaloob na ito upang mapuspos ako ng pag-asa at walang pagod na magsikap para sa araw na inaasam kong makibahagi sa Iyong Muling Pagkabuhay. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Ikatlong Araw: Nobena bilang paghahanda sa Linggo ng Banal na Awa
Higit pa para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
Pagninilay sa panalangin para sa Pasko ng Pagkabuhay
Rosaryo – Mga Misteryo ng Luwalhati (may mga sipi mula sa Banal na Kasulatan)
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pang-araw-araw na Pagninilay sa Banal na Awa
Litanya ng Banal na Awa ni Santa Faustina
Panalangin para sa Taon ng Awa
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na larawan sa itaas: Ang Muling Pagkabuhay ni Carl Heinrich Bloch, mula sa Wikimedia Commons





