Hulyo 27, 2023
Huwebes ng Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

“Ngunit mapalad ang inyong mga mata sapagkat nakakakita ang mga ito, at ang inyong mga tainga sapagkat nakaririnig ang mga ito. Amen, sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita ngunit hindi nila ito nakita, at marinig ang inyong naririnig ngunit hindi nila ito narinig.” Mateo 13:16–17
Isipin kung ano kaya ang naranasan mo kung kabilang ka sa mga nakakita kay Hesus na namuhay sa lupa at nakarinig sa Kanyang pangangaral sa sarili mong mga tainga. Kaylaking kaloob! Ipinaalala ni Hesus sa Kanyang pinakamalalapit na alagad na tunay silang pinagpala, at gayon nga sila. Araw-araw nila Siyang nakasama, pinakinggan ang Kanyang mga salita at nasaksihan ang Kanyang mga himala. Nakita nilang nagbago ang mga buhay, nagbalik-loob ang mga puso at naligtas ang mga kaluluwa mula sa kasalanan. Ang pribilehiyong masaksihan ang mga ito ay siyang pinanabikang makita at marinig ng napakaraming “taong matuwid” na nauna sa kanila. Sina Abraham, Moises, lahat ng propeta at marami pang iba ay nanabik sa araw ng pagdating ng Mesiyas. At pinagpala ang mga alagad na ito na makabahagi rito.
Bagaman napakadakila sanang mabuhay noong namuhay si Hesus sa lupa, sa maraming paraan ay higit tayong pinagpala. Ngayon, patuloy nating nararanasan ang buhay at banal na presensiya ng ating Panginoon sa ating piling. Una sa lahat, kapiling natin Siya sa pamamagitan ng biyaya. Naroroon Siya sa mga Sakramento sa tunay at kahanga-hangang paraan. Naroroon Siya sa Kanyang Buháy na Salita sa tuwing ipinahahayag ang Banal na Kasulatan. Naroroon Siya sa mga tiyak at pinal na turo ng Simbahan na naipasa sa atin sa paglipas ng mga siglo. Buháy Siya sa patotoo ng mga banal, kapwa ng mga yumao at ng mga nabubuhay pa. At nasa loob natin Siya sa pamamagitan ng Kanyang pananahan sa ating mga kaluluwa.
Sa unang tingin, maaaring isipin ng ilan na ang presensiya ng Mesiyas sa mga paraang nabanggit sa itaas ay hindi kasinglaking pagpapala ng makita Siyang namuhay sa lupa at marinig Siyang mangaral. Ngunit kung ganito ang ating magiging pasiya, nagkakamali tayo. Sa katotohanan, higit na dakila ang presensiya ng Diyos sa atin ngayon kaysa noong namuhay Siya sa lupa. Alalahanin, halimbawa, na bago umakyat si Hesus sa Langit, sinabi Niya sa mga alagad na makabubuting umalis Siya. Bakit? Sapagkat sa gayon ay bababa sa kanila ang Espiritu Santo. Sa pagtatagpong iyon, ang Diyos ay mananahan hindi lamang sa kanilang tabi kundi sa kanilang kalooban. Ngayon, pinagpala tayo nang di-masukat sapagkat maaaring manahan ang Diyos sa ating kalooban, sa kaibuturan ng ating mga kaluluwa.
Ang Pananahan ng Santísima Trinidad sa ating kalooban ay isang espirituwal na katotohanang hindi lamang natin dapat unawain, isabuhay at yakapin; isa rin itong kaloob na dapat nating lubos na ipagpasalamat. Tiyak na sa Langit ay tatanggapin natin ang ganap na paghahayag ng Diyos, papasok sa ganap na pakikipagkaisa sa Kanya at makikita Siya nang harapan. Ngunit habang narito tayo sa lupa, wala nang panahong higit na dakila kaysa sa panahong kinabubuhayan natin, sapagkat ito ang panahon ng pinakadakilang presensiya ng Diyos sa ating daigdig.
Pagnilayan ngayon ang mga kahanga-hangang pagpapalang ipinagkaloob sa iyo ng ating Panginoon. Napakadalas nating hanapin ang kasiyahan sa mga bagay na panandalian at lumilipas. Ngunit ang presensiya ng Diyos sa Kanyang banal na Salita, sa mga Sakramento, sa pamamagitan ng mga turo ng Simbahan, sa patotoo ng mga banal at sa Kanyang pananahan sa ating mga kaluluwa ay mga pagpapalang dapat makita, maunawaan at yakapin nang may sukdulang kagalakan. Pinagpala ka nang di-masukat! Paniwalaan mo ito at lumago sa pasasalamat para sa mga pagpapalang ito.
Aking pinagpalang Panginoon, ang Iyong banal na presensiya sa aming daigdig ngayon ay higit sa kayang isipin. Lumalapit Ka sa akin sa di-mabilang na paraan at ninanais Mong manahan sa aking kalooban, na iniuugnay ang Iyong Sarili sa akin upang maging kaisa ko. Sinasabi ko ang “Oo” sa kaloob na ito ng Iyong biyaya, at mas lubos Kitang tinatanggap sa aking puso. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na Larawan: Mula sa Max Pixel




