Tagalog

Ang mga Pinakahindi Karapat-dapat

Pebrero 19, 2024
Lunes ng Unang Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Anak ng Tao sa Kanyang kaluwalhatian, kasama ang lahat ng mga anghel, uupo Siya sa Kanyang maluwalhating trono, at titipunin sa Kanyang harapan ang lahat ng mga bansa. At pagbubukud-bukurin Niya sila, gaya ng pagbubukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.” Mateo 25:31–32

Kay lalim na larawang pagnilayan! Subukan mong ilarawan sa iyong isip ang tagpong ito. Sa isang tiyak na sandali sa hinaharap, ang Ikalawang Persona ng Kabanal-banalang Trinidad, na ngayo’y nagkatawang-tao rin bilang “Anak ng Tao,” ay babalik sa lupa nang may kaluwalhatian, napaliligiran ng lahat ng anghel sa Langit, at uupo sa Kanyang bago at maluwalhating trono. Sa harap ng tronong iyon, titipunin ang bawat tao mula sa bawat bansang umiral, at ang bawat isa ay hahatulan ayon sa kanyang mga gawa. Ang mga naglingkod sa ating Panginoon at nagpakita ng awa at habag sa pinakahamak sa Kanyang mga kapatid ay makaririnig kay Hesus na nagsasabi, “Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan.” Ang mga hindi naglingkod kay Kristo at hindi nagpakita ng awa sa mga pinakahamak ay itataboy sa walang hanggang kaparusahan habang sinasabi sa kanila ni Hesus, “Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa, patungo sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa Diyablo at sa kanyang mga anghel.” Sa araw na iyon, iisang bagay lamang ang mahalaga, sapagkat doon ay tiyak at hindi na mababago ang kahihinatnan ng bawat isa sa kawalang-hanggan. Ang tanging mahalaga ay kung ilalagay ka sa kanan ng ating Panginoon upang manahin ang buhay na walang hanggan, o sa Kanyang kaliwa at itatapon sa apoy na walang hanggan.

Kung minsan, sa ating paglalakbay sa buhay, nawawala sa ating paningin ang maluwalhating araw na ito. Kapag iniisip natin ang Diyos at ang Langit, madaling mahulog sa mapangahas na pag-aakalang tiyak na tayong makararating sa Langit. Mabuti at maawain ang Diyos, at mahal Niya tayo. Kaya ipinagpapalagay nating tiyak na ang Langit para sa atin at tanging ang pinakamasasamang tao lamang ang mapupunta sa impiyerno. Ngunit hindi ganito inilalarawan ni Hesus ang Araw ng Paghuhukom.

Ipinaliliwanag ni Hesus na sa oras ng paghuhukom, mamamangha ang mga matuwid na ang pagkalinga sa mga nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit, o nakabilanggo ay katumbas pala ng pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos. Gayundin, mamamangha ang mga nagpabaya sa gayong mga tao na hindi nila minahal ang Diyos dahil hindi nila minahal ang pinakahamak sa mga kapatid ni Hesus. Huwag mong ipagwalang-bahala ang aral na ito. Hindi nagpaliguy-ligoy si Hesus sa Kanyang mga salita. Napakalinaw at tiyak ng Kanyang pahayag.

Sa iyong buhay, sino ang mga “pinakahamak” na ito na tinutukoy ni Hesus? Ang mga nagugutom at nauuhaw ay hindi lamang yaong may mga pisikal na pangangailangan kundi pati yaong may mga espirituwal na pananabik na kailangang matugunan. Sila ang mga naliligaw ng landas o nalilito sa buhay na nangangailangan ng patnubay. Ang dayuhan ay maaaring sinumang nalulungkot sa pag-iisa at madaling hindi mapansin. Ang mga hubad ay maaaring yaong hindi kayang tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Ang mga may sakit ay maaaring yaong matatanda na o nagdurusa sa iba’t ibang paraan. At maaaring kabilang sa mga nakabilanggo ang mga nakagapos sa kasalanan na nangangailangan ng tulong upang makalaya. Huwag mong kaligtaang hanapin ang ating Panginoon na naroroon sa mga taong nakapaligid sa iyo.

Pagnilayan mo ngayon ang mga tao sa iyong buhay na tila pinakanaliligaw at pinakanangangailangan ng iyong habag. Ang mga taong wala tayong ganang lapitan ang kadalasang higit na nangangailangan ng ating habag at awa. Ang mga “pinakahamak” ay madalas na yaong ating hinuhusgahan, hinahatulan, o hindi pinapansin. Isipin mo ang taong tila pinakahindi karapat-dapat sa iyong pagmamahal, at alamin mong si Hesus ay nananahan sa taong iyon, naghihintay na mahalin mo Siya sa pamamagitan ng pagmamahal sa taong iyon.

Panginoong puspos ng awa, dakila ang Iyong habag at tunay ang Iyong paghatol. Tulungan Mo akong laging isaisip ang huli at maluwalhating araw na iyon kung kailan muli Kang darating sa buong kaningningan at kaluwalhatian Mo upang hatulan ang mga buhay at mga patay. Nawa’y tunay kong pakinggan at sundin ang Iyong mga salita at paghandaan ang araw na iyon sa pamamagitan ng pagmamahal sa Iyo sa lahat ng tao, lalo na sa mga higit na nangangailangan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Pagninilay sa Ikalimang Araw:
40 Araw sa Ilang & 40 Araw sa Krus

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristong Manunubos, rebultong itinayo sa bangin ng Corcovado, Kuha ni Donatas Dabravolskas, mula sa Wikimedia Commons