Marso 28, 2024
Huwebes Santo, Misa sa Paghahapunan ng Panginoon(Taon B)
Higit Pang mga Panalangin at Pagninilay para sa Triduo

“Ang araw na ito ay magiging isang kapistahan ng paggunita para sa inyo, na ipagdiriwang ng lahat ng inyong salinlahi sa pamamagitan ng paglalakbay sa PANGINOON, bilang isang tuntuning mananatili magpakailanman.” Exodus 12:11
Nagsisimula na ang banal na Triduo. Ngayon ay tinutupad natin ang talatang ito mula sa Lumang Tipan, na naghahayag na ang Paskuwa ay magiging “isang tuntuning mananatili magpakailanman.” Ang talatang ito ang nagtatapos sa mga tagubilin sa ating Unang Pagbasa na ibinigay ng PANGINOON kina Moises at Aaron tungkol sa paghahanda para sa paglaya ng mga Israelita mula sa Ehipto. Sunud-sunod na salot ang ipinataw sa mga Ehipsiyo, ngunit wala sa mga ito ang nagbunga ng pagpapalaya sa mga Israelita. Kaya iniutos ng PANGINOON sa mga Israelita na ipagdiwang ang unang Paskuwa sa pamamagitan ng pagkatay ng isang korderong isang taóng gulang, pagwiwisik ng dugo nito sa mga hamba ng kanilang mga pintuan, at pagkain ng laman nito bilang paghahanda sa paglalakbay patungo sa Lupang Pangako. Ngayon, ipinagpapatuloy natin ang pagdiriwang na ito ng Paskuwa sa ating pakikibahagi sa Sakripisyo ng Kordero ng Diyos, na ang Dugo ay ibinuhos, na ang laman ay ating kinakain, at na umaakay sa atin sa pagtawid sa disyerto ng buhay patungo sa bago at walang hanggang Lupang Pangako ng Langit.
Kung paanong ang unang Paskuwa ay isang paunang larawan ng Sakripisyo ng Kordero ng Diyos, gayundin, ang mga salot na humantong sa Paskuwa ay naghahatid sa atin ng malalim na kahulugan. Una, ang lahat ng tubig sa Ehipto ay naging dugo. Pagkatapos, napuno ang lupain ng mga palaka, niknik, langaw, at peste. Nagkaroon ng mga pigsa ang balat ng mga tao at hayop. Umulan ng yelo, napuno ng mga balang ang lupain, at sa huli ay binalot ito ng kadiliman sa loob ng tatlong araw. Wala sa mga salot na ito ang lubusang nakahikayat sa Paraon na palayain ang bayan ng Diyos; kaya ang huling salot na ipapataw ay ang pagkamatay ng mga panganay. Ang dugo ng kordero ng Paskuwa, na iwinisik sa mga hamba ng mga pintuan ng mga bahay ng mga Israelita, ang naging tanda para sa mga anghel na lampasan ang kanilang mga tahanan.
Matitindi ang mga salot na ipinataw sa Paraon at sa mga Ehipsiyo. Ngunit dahil sa kanilang pagmamatigas, nagpatuloy ang Diyos hanggang sa magbago sila. Alalahanin din na kahit napalaya na ang mga Israelita, nagbago pa ng isip ang Paraon at hinabol sila hanggang sa Dagat na Pula, kung saan nalipol ang kanyang hukbo.
Bagaman maaaring hindi kasiya-siyang isipin ang mga pangyayaring ito na nagsisilbing mga paunang larawan, kailangang pagnilayan ang mga ito. Dapat nating makita sa mga ito ang walang pagod at walang humpay na pagsisikap ng Diyos na palayain tayo mula sa kasalanan. Ang pagmamatigas at paniniil ng Paraon ay malinaw na mga tanda ng mapaniil na kasamaang nasa ating daigdig ngayon, at nasa sarili nating mga kaluluwa. Kapag hinangad nating yakapin ang kalayaang itinatawag sa atin, haharap tayo sa maraming tukso at paniniil mula sa masama, gayundin mula sa sarili nating makasalanang kalikasang pantao. Ngunit kung magtitiwala tayo sa Diyos, gaya ng ginawa ni Moises, ibibigay sa atin ang lahat ng kailangan natin upang simulan ang paglalakbay tungo sa kalayaan. Higit sa lahat, ang Laman at Dugo ng Anak ng Tao ang ating Kordero ng Paskuwa. Ang Eukaristiya, na itinatag noong Huwebes Santo, ay nag-iingat sa atin mula sa pangwakas na kamatayan. Ang pagkain sa Katawan ni Kristo ay nagpapalakas din sa atin para sa ating mga espirituwal na paglalakbay. Kung wala ito, wala tayong pananggalang laban sa masama at kulang tayo sa lakas na kailangan natin upang manatiling tapat sa ating paglalakbay.
Pagnilayan ngayon ang pambihirang pagpupunyagi ng Diyos na palayain ka. Naparito Siya sa lupa, nagkatawang-tao, inialay ang Kanyang buhay bilang sakripisyo, at ngayon ay pinakakain ka ng Kanyang banal na laman. Kung wala ang Eukaristiya bilang iyong espirituwal na pagkain at ang Kanyang Mahal na Dugo na tumatakip sa iyo, hindi ka mabubuhay. Kailangan nating lahat ang Eukaristiya. Kailangan natin ang Tinapay ng Langit. Kailangan natin ang Katawan at Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos ng Tagapagligtas ng Sanlibutan. Ginawa ng Diyos ang lahat upang iligtas ka. Tanggapin mo ang Kanyang Kaloob na natatangi nating ginugunita at pinakikibahaginan ngayon.
Aking Korderong Handog, naparito Ka sa lupa upang palayain kami mula sa pang-aapi ng Masama at sa mga di-kaayusan ng aming kalikasang pantaong nahulog sa kasalanan. Pakainin Mo ako ngayon at magpakailanman ng Iyong Kabanal-banalang Katawan at Kamahal-mahalang Dugo. Sa lakas na dulot ng Pagkaing ito mula sa Langit, patuloy Mo akong akayin patungo sa Lupang Pangako ng Langit. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Ikatatlumpu’t Walong Araw Mga Pagninilay:
40 Days in the Desert & 40 Days at the Cross
Panalanging pagninilay para sa Huwebes Santo
Nobena bilang paghahanda para sa Linggo ng Banal na Awa
Ang Biyernes Santo ang unang araw ng Nobena sa Banal na Awa
Karagdagang Babasahin: Huwebes Santo
Mga Tula para sa Mahal na Araw
Rosaryo – Mga Misteryo ng Hapis (na may mga sipi mula sa Banal na Kasulatan)
Pag-uugnay ng Pagdurusa sa Krus
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa





