Tagalog

Kadakilaan sa Banal na Paglilingkod

Mayo 29, 2024
Miyerkules ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Pablo VI, Papa—Opsiyonal na Paggunita

Video

Lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa Kanya, “Guro, nais po naming gawin Ninyo para sa amin ang anumang hilingin namin sa Inyo.” Sumagot Siya, “Ano ang nais ninyong gawin Ko para sa inyo?” Sinabi nila sa Kanya, “Ipagkaloob po Ninyo na sa Inyong kaluwalhatian ay makaupo kami, ang isa sa Inyong kanan at ang isa sa Inyong kaliwa.” Marcos 10:35–37

Lakas-loob na lumapit sina Santiago at Juan. Maaaring nagmula ang kanilang lakas ng loob, sa isang banda, sa katotohanang lubos na nilang nakilala ang kabutihan ni Hesus. Wala Siyang katulad, at kitang-kita nila ang Kanyang pagiging tunay. Kaya hinayaan nilang mahulog ang kanilang sarili sa bitag ng pag-aakalang maaari nilang samantalahin ang kabutihan ni Hesus sa pamamagitan ng paghingi sa ating Panginoon ng isang makasariling pabor. Mahinahon at mapagmuni ang tugon ni Hesus, at sa huli, medyo napahiya sina Santiago at Juan sa kanilang pagtatangkang makamit ang makasariling pabor na ito nang “magalit” ang ibang mga alagad sa kanilang kahilingan.

Ganito nilagom ni Hesus ang Kanyang tugon sa mga alagad na ito: “…ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo; ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay magiging alipin ng lahat.” Siyempre, ang Kanyang sarili ang tinutukoy ni Hesus nang higit sa lahat. Siya ang pinakadakila at ang una sa kanila. At dahil dito, nagpakababa si Hesus bilang kanilang lingkod at “alipin ng lahat.” Karaniwan, lubhang negatibo ang ipinahihiwatig ng pagiging alipin. Ang pang-aalipin ay isang paglapastangan sa dignidad ng kapwa. Isa itong paraan ng pagwawalang-bahala sa dignidad ng tao. Gayunman, sinasabi ni Hesus na ang pinakamainam na paraan upang maging tunay na dakila ay ang maging alipin ng lahat.

Kapag ipinataw sa isang tao ang literal na pagkaalipin, isa itong malubhang pang-aabuso. Ngunit may isa pang anyo ng banal na pagkaalipin na tinutukoy ni Hesus. Para kay Hesus, ang banal na pagkaalipin ay ang pagbibigay natin ng ating sarili sa kapwa nang may pagsasakripisyo dahil sa pag-ibig. At ito ang ginawa ni Hesus nang ganap. Ang Kanyang kamatayan sa Krus ay isang tunay na pisikal na kamatayan. Isa itong pagsasakripisyo ng Kanyang buhay sa lupa, ngunit ginawa Niya ito nang malaya at sa layuning palayain ang iba. Sa pagtukoy sa Kanyang sarili, ipinaliwanag ni Hesus ang Kanyang banal na “pagkaalipin” nang sabihin Niya, “Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Ang kadakilaan ni Hesus ay una sa lahat nakasalig sa payak na katotohanang Siya ay Diyos. Ngunit ang Kanyang kadakilaan ay lubos na nahayag sa Kanyang kalikasang pantao nang ibigay Niya ang Kanyang buhay “bilang pantubos sa marami.” Ang Krus ang naging pinakadakilang gawa ng mapagmahal na paglilingkod na kailanma’y nakilala. Ang bunga ng Kanyang walang pag-iimbot na sakripisyo ay ang kaligtasan ng lahat ng lumalapit sa Kanya. Sa gayon, ginawa ni Hesus ang pagkaalipin at kamatayan na pinakadakilang gawa ng pag-ibig na kailanma’y nakilala.

Pagnilayan ngayon ang iyong sariling tawag na mamuhay sa banal na pagkaalipin. Paano ka tinatawag ng Diyos na ibigay ang iyong sarili sa iba nang may pagsasakripisyo dahil sa pag-ibig? Mula sa pananaw na pawang makatao, mahirap unawain ang diwa ng sakripisyo, paglilingkod, at maging ng banal na pagkaalipin. Ngunit kapag ginawa nating huwaran si Hesus, nagiging higit na malinaw ito. Humanap ng mga paraan upang maibigay mo ang iyong sarili sa iba nang walang pag-iimbot, at alamin na habang higit mong natutularan ang ating Panginoon sa banal na gawaing ito, higit ding magiging dakila ang iyong buhay.

Panginoon ng lahat ng kabanalan, nahayag ang Iyong kadakilaan sa Iyong kalikasang pantao sa pamamagitan ng Iyong ganap na paglilingkod nang malaya Mong piliing mamatay para sa mga kasalanan ng mga lumalapit sa Iyo upang matubos. Nagpakababa Ka, na nag-anyong alipin, upang mapalaya ang lahat. Tulungan Mo akong laging magtiwala sa Iyong dakilang pag-ibig at patuloy na buksan ang aking sarili sa kaloob ng pagtubos na iniaalok Mo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Mahal na Puso ni Jesus
Mga petsa ng nobena: Mayo 29 – Hunyo 6, 2024
Hunyo 7, 2024: Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Jesus

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo sa Araw na Ito – San Pablo VI, Papa

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Jesus at ang kanyang mga Alagad sa Dagat ng Galilea ni Carl Oesterley, Wikimedia Commons