Pebrero 19, 2025
Miyerkules ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
Andrey Mironov, CC BY-SA 4.0, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons
Nang dumating si Hesus at ang Kanyang mga alagad sa Betsaida, may mga taong nagdala sa Kanya ng isang lalaking bulag at nakiusap kay Hesus na hipuin ito. Hinawakan Niya sa kamay ang bulag at inakay palabas ng nayon. Marcos 8:22–23
Ang Betsaida ay isa sa mga bayang nasa gawing hilaga lamang ng Lawa ng Galilea kung saan nangaral si Hesus. Sa bandang huli ng Kanyang hayag na ministeryo, kinondena ni Hesus ang bayan ng Betsaida dahil hindi ito nagbalik-loob. “Sa aba mo, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga makapangyarihang gawang ginawa sa inyong piling, matagal na sana silang nagsisi, na nakadamit ng sako at may abo sa katawan” (Mateo 11:21).
Maaaring dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at imoral na pamumuhay kaya inakay ni Hesus ang bulag palabas ng bayan bago Niya ito pinagaling. At tila ang mga taong nagdala sa bulag kay Hesus ay ginawa iyon hindi dahil sa kanilang malalim na pananampalataya, kundi dahil sa pagkamausisa. Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit, matapos pagalingin ni Hesus ang lalaki, pinauwi Niya ito na sinasabing, “Huwag ka nang pumasok sa nayon.” Kaya alam ni Hesus na ang himalang ito ay hindi magbubunga ng pananampalataya sa puso ng mga naninirahan sa Betsaida. Kaya naman inutusan ni Hesus ang lalaki na huwag nang bumalik doon.
Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at malinaw na magagawa Niya ang anumang naisin Niya, kailanman Niya naisin. At madalas Niyang piliing gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Makapangyarihan sa Lahat sa piling lamang ng mga nananampalataya na, o kahit man lamang sa piling ng mga hindi pa tumatanggi sa Kanya. Kapag nakatagpo ni Hesus ang mga taong nakarinig na sa Kanyang pangangaral ngunit hindi sumampalataya, tumatanggi Siyang gumawa ng anumang himala sa kanilang harapan.
Ipinahihiwatig nito sa atin na dapat mauna ang pananampalataya; saka malayang dadaloy ang kapangyarihan ng Diyos na Makapangyarihan sa Lahat. Siyempre, ang biyaya ng Salita ng Diyos ay laging ipinagkakaloob sa lahat. Ang binhi ng banal na Salita ng Diyos ay laging bukás para sa lahat. Ngunit mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng pagpapahayag ng Kanyang banal na Salita ng Ebanghelyo at ng pagpapadaloy ng Kanyang kapangyarihang bumabago bilang Makapangyarihan sa Lahat. Ang tanging paraan upang matanggap ang huli ay tanggapin muna ang una. Malibang pakinggan, tanggapin, at sampalatayanan natin ang Kanyang Salita, hindi natin matatanggap ang biyaya ng Kanyang kapangyarihang bumabago.
Gayunman, dapat ding maunawaan na ang “kapangyarihan ng Diyos na Makapangyarihan sa Lahat” ay hindi lamang tumutukoy sa mga himala. Alam nating lahat na ang mga himalang pisikal ay hindi na kasinglaganap ngayon tulad noong namuhay si Hesus sa lupa. Ngunit kumikilos pa rin ngayon ang Kanyang kapangyarihan bilang Makapangyarihan sa Lahat; at sa paraang higit pang dakila kaysa noong namuhay si Hesus sa lupa. Ngayon, binabago tayo ng Kanyang kapangyarihan sa kaibuturan ng ating pagkatao sa pamamagitan ng kapuspusan ng biyaya at ng pagkakaloob ng Espiritu Santo. Iyan ang tunay na himalang dapat nating laging hanapin at asahan kapag narinig natin ang Salita ng Diyos at tumugon nang may tunay na pananampalataya.
Pagnilayan mo ngayon ang iyong pananampalataya at ang pangangailangan mo sa kapangyarihan ng Diyos na magpabago sa iyong buhay. Nakikita mo bang buhay ang pananampalataya sa iyong kalooban? Kung gayon, tiyak na mararanasan mo ang kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay at ang pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo. Kung hindi mo nakikitang kumikilos ang kapangyarihang ito ng biyaya at ang pagbabago sa iyong kalooban, pagnilayan mo ang larawan ni Hesus na umaakay sa bulag palabas ng bayan upang gamitin ang Kanyang kapangyarihan. Hangarin mo munang magkaroon ng pananampalataya, sapagkat kung gagawin mo ito, magagawang manatiling malapit sa iyo ng ating Panginoon at gagawa Siya ng mga himala sa iyong kaluluwa.
Panginoong makapangyarihan sa lahat, pinipili Mong ipagkaloob ang Iyong lubos na kapangyarihan sa mga sumampalataya sa Iyo sa pamamagitan ng pagtanggap sa Ebanghelyong Iyong ipinadala. Buksan Mo po ang aking mga tainga upang makarinig ako at piliin kong magbalik-loob at sumampalataya, at sa gayon ay maging handang magpabago sa Iyong masaganang biyaya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




