Tagalog

Ang “Oras” ni Jesus

Abril 7, 2025
Lunes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Juan Bautista de la Salle, Pari—Opsiyonal na Paggunita

James Tissot, Pampublikong dominyo, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons

Video

Ngunit walang dumakip sa Kanya, sapagkat hindi pa dumarating ang Kanyang oras.  Juan 8:20

Ang maikling pangungusap na ito ay nasa hulihan ng Ebanghelyo sa araw na ito, matapos muling tuwirang harapin ni Jesus ang mga Pariseo. Sa pagkakataong ito, hinarap Niya sila sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan tungkol sa Kanyang pakikiisa sa Ama at sa kapangyarihan at awtoridad na taglay Niya dahil sa pakikiisang ito. Tinangka ng mga Pariseo na salungatin at hamunin Siya, ngunit malinaw Niyang inilahad sa kanila ang katotohanan bilang tugon. Hindi nakatala ang kanilang tugon sa mga salita ni Jesus, ngunit malinaw na hindi nila alam kung ano ang sasabihin, at malinaw ding nanatili silang nag-aalinlangan at naghahangad na siluin si Jesus.

Ipinahahayag sa atin ng siping ito sa itaas ang malalim na katotohanan na hindi mananaig sa huli ang masamang hangarin ng mga Pariseo o ng sinuman, sapagkat “hindi pa dumarating ang oras” ni Jesus. Ano ang ibig sabihin nito? Narito ang dalawang katotohanang dapat nating matutuhan mula sa pangungusap na ito.

Una, hindi madaraig ng masamang hangarin ang kalooban ng Diyos. Dahil hindi pinahintulutan ng Diyos Ama na dakpin si Jesus noong panahong iyon, walang kapangyarihang gawin iyon ang mga may masasamang balak. Nakapagsalita si Jesus nang malinaw at hayagan, na hinahamon ang mga Pariseo sa pamamagitan ng katotohanan, at wala silang magawa upang pigilan Siya. Bagaman tumimo sa kanilang puso ang Kanyang mga salita, wala silang magawa kundi makinig at lalong magalit at magmatigas laban sa ating Panginoon. Ngunit hindi nila Siya magawang saktan. Ipinakikita nito na sa huli, nasa kapangyarihan ng Diyos maging ang masamang hangarin ng iba, at hahayaan lamang Niyang magmukhang nagtatagumpay ito kapag may nakikita Siyang higit na dakilang layunin sa pagpapahintulot na mangyari ang gayong bagay.

Ikalawa, ipinahahayag nito na may darating na “oras” na ibibigay si Jesus sa mga kamay ng mga makasalanan. Ngunit sa Ebanghelyo ni Juan, ang oras na ito ay hindi oras ng kahihiyan at kadustaan para kay Jesus; sa halip, ito ay oras ng ganap na tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Sa pananaw ng daigdig, alam nating ang oras ng Kanyang pagdakip, pag-uusig at Pagpapako sa Krus ay lumilitaw sa mata ng lahat bilang kakila-kilabot at kahiya-hiya para kay Jesus. Tila natalo Siya at nagwagi ang mga Pariseo. Ngunit sa pananaw ng Diyos, na siyang tanging tunay na pananaw, maluwalhating nagtagumpay si Jesus. Sa katunayan, pinahintulutan ng Ama sa huli na ang masamang hangarin ng mga Pariseo ay maging kasangkapan ng pagluwalhati kay Jesus sa pamamagitan ng mga pagdurusang tiniis Niya sa oras na ito. Sa banal na pananaw, ang Kanyang oras ay hindi naging oras ng pagkatalo; sa halip, naging oras ito ng ganap na tagumpay.

Pagnilayan ngayon ang nalalapit na oras ni Jesus. Hindi magtatagal, papasok tayo sa kaluwalhatian ng Semana Santa at muli nating pagninilayan na pinahintulutan nga ng Ama na danasin ni Jesus ang pinakamalupit na pagdurusa at kamatayang maiisip. Mahaharap tayo sa tila kahiya-hiyang pangyayari ng pagdakip sa Kanya at sa wari’y tagumpay ng mga pinunong may masamang hangarin noong panahong iyon. Ngunit ang kanilang tagumpay ay sa paningin lamang, sapagkat iba ang layunin ng Ama sa pagpapahintulot Niya nito. Simulan na ang paghahanda para sa taunang pagdiriwang na ito ng oras ni Jesus at makibahagi rito nang may lubos na pagtitiwala at pananampalataya.

Aking maluwalhating Panginoon, niluluwalhati Kita dahil sa Iyong karunungan at kapangyarihan at nagagalak ako sa ganap na kalooban ng Ama sa Langit.  Isinugo Ka ng Ama upang tuparin ang misyon ng pagtubos at pagliligtas, at ipinahintulot Niyang sa huli ay magdusa Ka at mamatay.  Ngunit sa pamamagitan ng pagdurusang ito, nakamit Niya ang ganap na tagumpay laban sa kamatayan at sa lahat ng kasamaan.  Pagkalooban Mo ako ng pananampalataya upang malaman at paniwalaan ang katotohanang ito nang buong puso.  Pagpalain Mo ang darating na Mahal na Araw, mahal na Panginoon, at hayaan Mo akong magalak sa Iyong maluwalhating tagumpay.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikadalawampu’t Siyam na Araw Mga Pagninilay:
40 Days in the Desert & 40 Days at the Cross

San Juan Bautista de la Salle, Pari

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Opsyon sa Pagbasa sa Misa


  Subscribe to our YouTube channel  
  to be notified about new content.